Si Maria At Ang Ginintuang Tsinelas

Noong unang panahon, may mag-asawang nagkaroon ng anak na nagngangalang Maria. Ngunit, namatay ang kaniyang ina habang paslit pa siya. Makalipas ang ilang taon, umibig ang kaniyang ama sa isang balo na si Juana. Mayroon siyang dalawang anak na babae. Si Rosa ang mas matanda at si Damiana naman ang mas bata. Nang magdalaga na si Maria, pinakasalan ng kaniyang ama si Juana. Tinrato ng dalawang anak niya si Maria na parang isang alila. Kailangang gawin niya lahat ng trabaho sa bahay—magluto ng pagkain, maglaba, at maglinis ng sahig. Puro punit-punit at marurumi ang mga isinusuot niyang damit. 

Isang araw, naisip ni Prinsipe Malecadel na gusto na niyang mag-asawa. Nagdaos siya ng isang sayawan at inimbitahan ang lahat ng mga dalaga sa kaniyang kaharian. Sinabi niyang pinakamaganda sa lahat ang magiging asawa niya. 

Nang malaman nina Damiana at Rosa na imbitado ang lahat ng kababaihan, nag-usap sila kung ano ang damit na isusuot nila sa sayawan. Samantalang ang kawawang si Maria ay nasa ilog at naglalaba ng mga damit. Lungkot na lungkot si Maria at umiiyak sapagkat wala man lang siyang damit na maisusuot para makadalo sa engrandeng kasayahan ng prinsipe. Habang naglalaba siya, nilapitan siya ng isang alimango, at tinanong, 

“Bakit ka umiiyak, Maria? Sabihin mo sa akin ang dahilan, sapagkat ako ang iyong ina.” 


Sabi ni Maria sa alimango, “tinatrato akong parang utusan ng aking madrasta at ng aking mga kapatid. May kasayahan mamayang gabi subalit wala akong damit na maisusuot.” Habang nag-uusap sila ng alimango, dumating si Juana. Galit na galit ang kaniyang madrasta at inutusan si Maria na hulihin ang alimango para sa hapunan. Kinuha agad ni Maria ang alimango at dinala sa bahay. Noong una, ayaw niya itong lutuin dahil alam niyang ito ang kaniyang ina. Subalit pinalo siya nang malakas ni Juana, kaya napilitan siyang sumunod na lang. Bago niya ito mailagay sa palayok upang lutuin, nagwika ang alimango kay Maria. 

“Huwag kang kakain ng laman ko. Ipunin mo ang mga balat ko matapos nila akong kainin. Pagkaraan, ibaon mo ang mga piraso doon sa hardin sa palibot ng bahay. Magiging punongkahoy ang mga ito at ipagkakaloob nito ang lahat ng naisin mo basta hilingin mo lamang sa puno.” Nang makain na ng kaniyang ama at madrasta ang laman ng alimango, inipon ni Maria ang lahat ng balat at ibinaon nga niya ito sa hardin tulad ng sabi ng ina. Nang magtatakipsilim na, nakita niya ang isang punongkahoy sa lugar mismo ng pinaglibingan niya ng balat ng alimango. 

Kinagabihan, nagpunta sina Rosa at Damiana sa kasayahan. Samantala, ang kanilang inang si Juana ay nagpahinga noong gabing ’yon pagkaalis ng kaniyang mga anak. Nang makita ni Maria na tulog na ang kaniyang madrasta, nagpunta siya sa hardin at hiniling sa puno ang kailangan niya. Pinalitan ng puno ang suot niya ng napakagandang damit. Binigyan rin siya ng magandang karwahe na hinihila ng apat na napakagagandang kabayo at isang pares ng gintong tsinelas. Bago siya umalis, sabi sa kaniya ng puno, 

“Sa ganap na alas-dose, kailangang nasa bahay ka na. Kung hindi, babalik sa punit-punit at marumi ang damit mo at ang karwahe mo ay maglalaho.” 

Pagkatapos mangako na hindi niya kalilimutan ang paalala ng puno, nagpunta si Maria sa kasayahan. Masaya siyang sinalubong ng prinsipe. Namangha ang lahat ng mga kababaihan nang makita siya. Siya ang pinakamaganda sa lahat. Di nagtagal, umupo siya sa pagitan ng kaniyang dalawang kapatid, subalit hindi siya nakilala ng sinuman sa kanila. Buong oras siyang isinayaw ng prinsipe. Nang mapansin ni Maria na alas-onse y medya na, ibinalik ng puno sa luma ang kaniyang magandang damit. Umuwi na siya pagkatapos. Pagdating niya sa hardin, ibinalik ng puno sa luma ang kaniyang magandang damit at naglaho ang karwahe. Noon din ay natulog siya. Nang makauwi ang kaniyang mga kapatid, ikinuwento sa kaniya ang lahat ng nangyari sa kasayahan. 

Nang sumunod na gabi, nagpatawag na naman ng kasayahan ang prinsipe. Pagkatapos isuot nila Rosa at Damiana ang pinakamagaganda nilang damit at saka umalis, pumunta ulit si Maria sa hardin upang humiling ng magandang damit. Sa pagkakataong ito, binigyan siya ng karwahe na hinihila ng limang 

kabayo. Tulad ng dati, pinaalalahanan siya na bumalik bago dumating ang alas- dose. Tuwang-tuwa ang prinsipe na makita siya. Isinayaw siya nito nang buong gabi. Nalibang nang husto si Maria kaya hindi niya napansin ang oras. 

Mabilis siyang tumakbo palabas ng pinto ng palasyo. Ngunit sa kaniyang pagmamadali, nalaglag ang isa sa mga ginintuang tsinelas niya. Nang gabing iyon lumakad siyang pauwi na suot ang kaniyang luma at punit-punit na damit. Nasa kaniya ang isa sa mga ginintuang tsinelas, subalit ang isa na nalaglag niya sa may pinto ay napulot ng isa sa mga guwardiya at ibinigay sa prinsipe. Sinabi niya na naiwan ito ng isang magandang binibini na tumakbo papalabas ng palasyo nang pumatak na sa alas-dose ang orasan. Noong oras ding iyon, ipinaalam sa lahat ng naroroon ang nais ng prinsipe, 

“Kung kanino mang binibini magkakasiya ang tsinelas na ito ang magiging asawa ng prinsipe.” 

Kinaumagahan, inutusan ng prinsipe ang isa sa kaniyang mga guwardiya na dalhin ang gintong tsinelas sa bawat bahay sa siyudad sa pagbabakasakaling mahanap ang nagmamay-ari nito. Ang unang bahay na kanilang pinuntahan ay ang tinitirhan nina Maria. Sinubukan itong isuot ni Rosa pero lubhang napakalaki ng paa niya. Isinukat din ito ni Damiana pero napakaliit naman ng paa niya. Paulit-ulit na sinubukang isuot ng magkapatid ang tsinelas ngunit nabigo sila. Sinabi ni Maria na nais din niyang subukan sukatin ang tsinelas pero agad na tumutol ang kaniyang mga kapatid, “Marumi ang mga paa mo. Hindi magkakasiya sa paa mo ang ginintuang tsinelas na ito sapagkat higit na malaki ang mga paa mo kaysa sa amin,” saka siya pinagtawanan. 

Subalit ang mismong guwardiyang may dala ng tsinelas ang nagsabi, “Pabayaan ninyo siyang isukat ang tsinelas. Ang utos ng prinsipe ay ipasukat ito sa lahat.” 

Kaya ibinigay ito kay Maria at sukat na sukat ito sa kaniya. Saka niya kinuha ang kapares ng tsinelas sa ilalim ng damit niya at isinuot sa kabilang paa. Nang makita ng magkapatid ang dalawang tsinelas sa paa ni Maria ay muntik na silang himatayin sa pagkamangha. 


Pinakasalan ng Prinsepe si Maria at namuhay sila ng masaya sa napakahabang panahon.

Post a Comment

Previous Post Next Post