Ito ay kuwento mula sa tribong Tinguian sa probinsiya ng Abra.
Isang araw, may isang lalaking nakapag-ipon ng niyog. Ikinarga niya ang napakabibigat na mga bunga ng niyog sa kabayo niya. Nang pauwi na siya, nakasalubong siya ng bata at tinanong niya ito kung gaano katagal ang kaniyang paglalakbay pauwi sa kanilang bahay.
“Kung dahan-dahan ka,” sabi ng bata habang nakatingin sa karga ng kabayo, “makararating ka agad. Pero kung bibilisan mo, aabutin ka nang maghapon.”
Hindi siya makapaniwala sa narinig. Kaya umalis na siya at pinatakbo nang mabilis ang kabayo. Ngunit nahulog ang mga niyog kaya napatigil siya para pulutin ang mga ito.
Pagkaraan, lalo niyang pinatakbo nang mabilis ang kabayo upang mabawi ang mga oras na nawala, subalit nahulog na naman ang mga niyog. Maraming ulit niyang ginawa ito, kaya gabi na nang makarating siya sa bahay niya.
ARAL:
May mga bagay na upang mapadali ay kailangang bagalan. Dapat gawing tama sa unang pagkakataon upang hindi na kailangan pang gawing muli, ika nga, mabagal man ngunit tiyak.
Post a Comment