Dumating ang panahon na marami nang naging pagtatangka sa buhay niya. Bunga nito, isinuko niya ang lahat ng ari-arian at mga kaibigan niya sa bayan at nagpunta siya sa Bundok Arayat. Dito niya inilaan ang lahat ng kaniyang oras upang kaibiganin ang mga hayop.
Hindi na mahirap para kay Sinukuan na makuha ang pagmamamahal ng mga hayop. May kapangyarihan siyang baguhin ang anyo niya sa kung ano man ang naisin niya. At palagi niyang ginagaya ang anyo ng hayop na nagpupunta sa kaniya.
Hindi nagtagal, nalaman ng lahat ng mga hayop ang kapangyarihan, katalinuhan, at pagiging makatarungan ng kanilang mabait na kaibigan kaya siya ang ginawa nilang hukom.
Isang araw, sa hukuman ni Sinukuan, dumating ang isang ibon. Hiniling niya kay Sinukuan na parusahan ang palaka sapagkat napakaingay nito sa gabi kung kailan gusto na niyang matulog. Ipinatawag niya ang mapanggulong palaka at tinanong kung ano ang dahilan ng kaniyang masamang asal. Mapagkumbaba na sumagot ang palaka, “Umiiyak lang ako para humingi ng tulong dahil natatakot ako sa pagong na may dala-dalang bahay sa kaniyang likod. Baka ako malibing sa ilalim nito.”
“Sapat na ’yang dahilan,”sabi ni Sinukuan. “Malaya ka na.”
Sumunod na ipinatawag ang pagong sa hukuman ni Sinukuan. Pagdating niya, mapagkumbaba niyang sinagot ang tanong ng hukom. “Kagalang-galang na hukom, dala-dala ko ang aking bahay sapagkat natatakot ako sa alitaptap. Naglalaro siya ng apoy at natatakot ako na baka masunog niya ang bahay ko. Hindi ba tama na protektahan ninuman ang bahay niya laban sa sunog?”
“Napakagandang katwiran. Malaya ka na,” sabi ni Sinukuan.
Sa parehong paraan, kinabukasan ay dinala sa hukuman ang alitaptap. Nang tanungin siya ng hukom kung bakit siya naglalaro ng apoy, mahina niyang sinabi, “Sapagkat wala akong ibang paraan para protektahan ang sarili ko laban sa matalim at matulis na punyal ng lamok.” Tila ito ay makatwirang sagot kaya napalaya rin ang alitaptap.
Sa bandang huli, nilitis ang lamok. Sapagkat hindi siya nakapagbigay ng magandang paliwanag sa pagdadala niya ng punyal, hinatulan siya ni Sinukuan na mabilanggo sa loob ng tatlong araw. Napilit niya na sumunod ang lamok. At sa panahon ng kaniyang pagkakakulong, naglaho ang boses niya. Simula noon, ang lalaking lamok ay nawalan ng boses. Takot na rin siyang dalhin ang punyal niya dahil natatakot siya sa higit na mabigat na parusa.
Post a Comment