Si Mahistrado Kuwago
Isang araw, may krimeng
pinahuhusgahan sa isang hurado ang ilang hayop. Kabilang dito ang Ibon, ang
Palaka, ang Pagong, ang Alitaptap, at ang Lamok. Upang maparusahan ang
kriminal, napagkaisahan ng lahat na magsilbing huwes ang Kuwago.
“Sapagkat
ako ang napili ninyong magdesisyon kung sino ang kriminal sa kasong ito,
pakikinggan ko kayo sa inyong mga sasabihin.”
Nagsimulang
tumindig ang Ibon na nagpahayag ng kaniyang problema.
“Ako po
si Ibon. Hindi po ako makatulog sa gabi sapagkat kokak nang kokak ang Palaka.”
“O,
bakit kokak ka nang kokak?” tanong ng Hurado sa Palaka.
“Ako po
si Palaka. Kokak po ako nang kokak sa takot ko pong mahulugan ako ng bahay ni
Pagong.”
Tinawag
ng Hurado si Pagong.
“Totoo
ba iyon, Pagong?” takang-takang usisa ng Hurado.
“Totoo
po. Bakit naman hindi ko po dadalhin ang nag-iisa kong bahay? Takot po kasi ako
sa alitaptap na laging may baong apoy sa likuran.”
“E
bakit nga naman may apoy ka pang dala-dala?” pag-uusisa ng Hurado sa Alitaptap.
“Lagi
po kasing may dala-dalang sibat ang Lamok. Para po hindi ako masundot,
proteksiyon ko po ang apoy.”
Tinawag
ng Huradong Kuwago ang itinuturong Lamok.
“Totoo
bang may dala-dala kang sibat na panundot?”
Hindi
maipaliwanag ng Lamok kung bakit kailangang dala-dala niya lagi ang sibat.
Hindi
nagkamali ang lahat nang ibunton sa lalaking Lamok ang parusang mabilanggo.
Nang
akmang ipadadakip na ang hinatulan ay dali-dali itong lumipad. Kaagad siyang
pumunta sa Lamuklandia. Isinumbong niya sa mga kamag-anak ang malupit daw na Mahistrado.
“Dala-dala
mo lang ang sibat na pananggalang, huhulihin ka na upang parusahan?” galit na
reaksiyon ng mga Babaeng Lamok.
“Dapat
na ipagtanggol natin ang katribo!” sigaw ng mga Lalaking Lamok.
Inayos
ng mga Babaeng Lamok ang mga businang panggalugad at mga sibat na panundot ng
kanilang mga asawa.
Humanda
na sa paglusob nila ang batalyon ng mga Lamok.
Nang
mapansin ng Mahistradong dumarating na ang nagliliparang mga Lamok ay ikinampay
na nito ang mga pakpak. Dali-dali itong lumipad at pumasok sa kuweba sa
kagubatan.
Hindi
nag-aksaya ng oras ang mga lalaking Lamok. Upang masigurong bihagin ang
Mahistrado ay pinuntahan nila ang lahat ng kuweba sa paligid. Pati na tenga ng
mga tao ay sinisilip nila at binubusinahan sa pag-aakalang kuweba rin itong mapagtataguan.
Bigo
ang mga Lamok sa paghahanap nila sa Mahistrado.
Hanggang
ngayon ay patuloy ang mga lamok sa pagsilip at pagbusina sa ating mga tenga.
Aral
·
Maging makatarungan sa pagpaparusa kanino man.
Post a Comment