Si Ederlyn
(Maikling Kuwento tungkol sa pag-ibig)
Si Alex, isang mag-aaral
sa kolehiyo na nagmahal ng isang babaeng nagngangalang Ederlyn De Vivarre.
Hindi naman niya inasahan na magkakasama pala sila sa iisang klase, kaya sa
hindi inaasahang pagkakataon, sila ay naging malapit sa isa’t isa.
Lalong nahulog
ang loob ni Alex kay Ederlyn.
Patapos
na ang ikalawang semestre noon. Kung kaya’t hindi mapiglan ni Alex na gumawa ng
paraan upang ipagtapat na kay Ederlyn ang kanyang nararamdaman. Gumawa siya ng
sulat at inipit ito sa aklat na nasa mesa ni Ederlyn habang break time ng mga
estudyante.
Pag uwi
sa bahay, hindi mapakali si Alex dahil nag-aalala siya sa kung anong mangyayari
matapos basahin ni Ederlyn ang sulat. Kinabukasan, hindi siya pinapansin o
kinakausap manlang ni Ederlyn. Ganito nang ganito ang pangyayari sa dalawang
araw matapos niyang ibigay ang sulat. Sa sobrang lungkot na tila ba gumuho na
ang mundo ni Alex, hindi na siya nakapagpigil na lapitan at kausapin si
Ederlyn. Ngunit bago pa man siya makapagsalita, may iniabot si Ederlyn na
maliit na papel sa kanya sabay alis na wala manlang siyang narinig na anumang
salita mula dito. Nang buklatin niya ang papel, isa pala itong imbitasyon sa
isang piging na gaganapin sa bahay nila Ederlyn.
Kinabukasan
ay pumunta siya sa piging. May kalayuan at liblib pala ang lugar nitong si
Ederlyn. Pagkarating niya doon, agad na may sumalubong sa kanya na isang
karwahe. Lulan ng sasakyang ito si Ederlyn. Iniaabot ni Ederlyn ang kanyang
kamay kay Alex upang pasakayin sa karwahe.
Pagkarating
nila sa isang malaking hardin, napansin ni Alex na tila siya lamang ang naiiba
sa kanilang lahat dahil ang lahat ng taong nandoon ay pawang mga dugong bughaw.
Ang kulay ng kanilang mga buhok ay ginto. Lahat sila ay mapuputi at anyong
mayayaman.
Hindi naman niya naramdamang siya ay naiiba sakanila pagkat ang mga tao
doon ay mababait at may pakisama sa kaniya. Kahit pasulyap-sulyap lamang siya
kay Ederlyn, ang gabing iyon ay maituturing niyang pinakamasaya sapagkat
nakasama niya at nakilala ang pamilya ni Ederlyn.
Ngunit, biglang nawala ang lahat at tila ba naglaho na parang bula ang
mga tao sa paligid maging si Ederlyn. Nagising siya sa isang kwarto na tila ba
pamilyar sa kanyang paningin. Nakita niya ang kanyang ina na tuwang-tuwa at
nagpapasalamat dahil nagising na ang kanyang anak.
Matapos magising sa katotohanan, ikinwento ng kanyang ina ang lahat ng
nangyari sa kanya sa loob ng isang linggo.
Sinabi ng kanyang ina na isang linggo na raw siyang wala sa sarili. Wala
siyang kilala kahit isa sa kanyang mga kamag-anak at lagi raw siyang
nakatulala. Nagsimula raw ito matapos siyang matagpuan ng isang lalaki na
nakahandusay sa gitna ng kalsada sa isang di-kilalang lugar.
Nagising na lamang daw siya nang may isang batang hindi taga-roon ang
nag-abot ng isang maliit na papel sa kanyang ina. Binigay ng ina ang sulat kay
Alex. Binuksan niya ito at nakasulat ang mga salitang…
Kami man ay marunong ding magmahal.
– Ederlyn
– Ederlyn
Aral
·
Kilalaning mabuti ang taong iibigin. Kadalasa’y mas mabuti kung maging
magkaibigan muna kayo bago pumasok sa isang relasyon. Sa ganitong paraan,
unti-unti mong makikilala ang taong nais mong pag-alayan ng iyong pag-ibig.
·
Ugaliing manalangin sa lahat ng panahon at pagkakataon. Hingiin sa Diyos
na patnubayan ka sa lahat mong ginagawa upang hindi ka mabiktima ng mga di-maipaliwanag
na elemento sa mundong ito.
Post a Comment