Image Design by brgfx / freepik
Halaman ng Pagmamahal
Ang tagpuan ng
magkasintahang Malvar at Rosa ay isang malaking puno ng duhat. Sa lilim nito
sila’y nagkukwentuhan. Sa tabi ng puno may isang balon na yari sa mga batong
adobe. Ang labi ng balon ay halos pantay sa lupa. Bawal sa mga bata ang tumayo
o maglaro sa tabi nito.
Isang
araw, sa buwan ng Abril, nakita ni Malvar ang maraming bunga ng duhat.
Kumikintab ang maitim na balat ng mga hinog. Kay lalaki pa! Umakyat si Malvar
upang pagdating ni Rosa ay may ipapasalubong siya. Maraming mga hinog na duhat sa
dulo ng maliliit na mga sanga. Sa pagnanasa ni Malvar na mapitas iyon,
napayapak siya sa isang sangang marupok. Nahulog siyang tuloy-tuloy sa balon.
Nawalan siya ng malay tao. Kaya, kahit na mababaw lamang ang tubig sa balon, si
Malvar ay nalunod.
Di nagtagal
dumating si Rosa. Dati-rati ay dinaratnan niya si Malvar na laging nauuna sa
kanya. Bakit ngayon ay wala pa siya? Nakita niya ang maraming duhat na
nakakalat sa lupa. Mukhang bagong pitas. Tumingala siya. Wala namang nakaakyat.
“Pupulutin
ko nga,” ang sabi ni Rosa sa sarili. “Makatas ito at matatamis.”
Kumuha
muna siya ng dahon ng saging. Kapag puno na ang kanyang mga kamay, inilalagay
niya ang mga duhat sa dahon ng saging. May mga duhat na nahulog sa tabi ng
balon. Lumapit doon si Rosa. Nang yumuko siya upang damputin ang mga bunga
napansin niya ang tao sa ilalim ng balon.
“Panginoon
ko!” ang sigaw niya, “Si Malvar! Si Malvar!” Hinimatay siya. Sa kasamaang
palad, sa bunganga ng balon pa bumagsak ang katawan ni Rosa.
Nang hindi umuwi ang dalawa, naghanap ang kanilang kamag-anak at mga
kapitbahay. Kinabukasan natuklasan ang mga bangkay. Doon na rin sa balon sila
inilibing. Pinuno ng lupa ang balon.
Pagkaraan ng may isang taon may tumubong halaman sa ibabaw ng balon.
Walang bulaklak ngunit napakabango ng mga dahon.
“Nabuhay na muli sina Malvar at Rosa,” ang sabi ng mga taong nakakaalam
sa mga nangyari, “Sila’y naging isang halaman.”
Ang halaman ay tinatawag nilang Malvarosa. Ang mabangong dahon nito ay
isinasama sa rosas na isinasabit sa kasuotan ng mga dalaga.
Aral:
- Laging mag-iingat. Kung sa simula’t mula pa’y may malaking palatandaan na “Bawal Tumambay” na nakalagay malapit sa lugar kung saan namatay sina Malvar at Rosa, hindi na sana nagkakaroon ng malagim na pangyayari.
- Mas mainam sana kung sa mas
ligtas na tagpuan na lamang nagkita sina Malvar at Rosa. Sa ganitong
paraan ay maaring naiwasan sana ang maaga nilang pagkamatay.
- Laging magpaalam sa mga
magulang o “guardian” kung saan kayo pupunta at kung sino ang inyong
kasama upang mas madali kayong mahanap kung sakaling bigla ang inyong
pagkawala.
Mula sa kuwento ni
L. Salvador
Post a Comment