Ang Uwak at ang Gansa

Ang Uwak at ang Gansa

Isang Uwak ang nakaramdam ng pagkasawa sa pang-araw-araw na gawain. Sawa na siya sa paglipad sa kalawakan. Sawa na rin siya sa pamamasyal sa matarik na kabundukan at malawak na kagubatan.
Ano kaya ang dapat niyang gawin upang malibang? Bigo siya sapagkat di niya makita kung anong bagay ang makapagpapaligaya sa kaniya.
Isang araw, dumapo siya sa sanga ng punong mangga. Tiningnan niya sa ibaba ang malinaw na batis. Kitang-kita niya ang kekembot-kembot na paglalakad ng isang pulutong na mga Gansa. Noon lamang napansin ng Uwak ang mapuputing balahibo ng pinanonood. Humanga siya sa mahahaba nilang leeg. Masasaya ang mga Gansa sa paglangoy nila sa batis. Maririnig mo ang malalamyos nilang tinig.
“Masasaya na sila, magaganda pa! Pagkapuputi ng mga balahibo nila. Maitim na maitim ako. Pagkapangit-pangit ko. Siguro nakapagpapaputi, nakapagpapaganda at nakapagpapaligaya ang batis na pinaglalanguyan nila.”
Upang makalangoy din, nakipagkaibigan siya sa isa sa mga Gansa.
“Binibining Gansa, maaari bang sumabay sa iyong paglangoy?”
“Aba, oo. Halika. Ang batis ay kalikasang handog ng Panginoon. Halika sumabay ka sa akin!”
Kumislap ang mga mata ng Uwak. Sa wakas ay makalalangoy na rin siya. Subalit di tulad ng mga Gansa, ang Uwak ay hindi marunong lumangoy. Sapagkat gustung-gustong madaling pumuti, gumanda at lumigaya, pinilit niyang lumangoy na malayo sa Gansang kinaibigan niya. Sa kasamaang palad ay nabasa ang mga pakpak ng Uwak at natangay siya ng rumaragasang mga alon.

Aral

·        Ang bawat isa ay nilikha ng Panginoon na espesyal at may kanya-kanyang katangian. Iwasang mainggit sa iba dahil ang inggit ay nagbubunga ng kapahamakan.



Post a Comment

Previous Post Next Post