Bakit Laging Nag-Aaway ang Aso, Pusa at Daga

Bakit Laging Nag-Aaway ang Aso, Pusa at Daga?
Noong unang panahon, ang mga hayop ay nakapagsasalita at nagkakaintindihan. Sila ay magkakaibigan. Ang daigdig ay napakapayapa at animo’y isang paraiso. Ang mga aso, pusa at daga ay mabubuting magkakaibigan. Sama-sama silang kumakain. Lagi silang nagbibigayan at nagtutulungan sa kani-kanilang mga suliranin. Subalit ang lahat ng ito ay nasira dahil lamang sa isang pangyayari.

Isang araw, umuwi ang aso na may dala-dalang buto para pagsaluhan nila ng kaniyang mga kaibigang pusa at daga. Wala doon sina pusa at daga dahil naghahanap pa rin ang mga ito ng pagkain. Nakarinig ng ingay ang aso sa pintuan ng bahay. Inilapag ng aso ang buto at tumakbo sa labas upang tingnan kung ligtas ang kaniyang amo.
Sa oras naman na iyon ay dumating ang daga. Malungkot siya dahil wala siyang nakuhang pagkain. Nakita niya ang buto. Kinuha niya ito at dinala sa bubungan ng bahay.
“Mamayang gabi ay may pagsasaluhan kami ng aking mga kaibigang aso at pusa,” bulong ng daga sa sarili.
Pagbalik ng aso sa bahay ay nagulat ito ng makitang wala na ang iniwang buto. Naghanap nang naghanap ang aso subalit hindi rin niya makita ang buto. Dumating ang pusa na wala ring dalang pagkain. Tinulungan niya ang aso sa paghahanap ng buto. Nakarating sila sa itaas ng bahay hanggang sa kinaroroonan ng daga. Nagulat ang aso at pusa. Akala nila ay sadyang kinuha ng daga ang buto para masolo niya ito.
Mabilis na lumapit ang pusa sa daga at pinagalitan ito. Nagpaliwanag ang daga ngunit hindi rin siya pinakinggan ng pusa. Nag-away silang dalawa kaya’t ang buto ay nalaglag. Nasalo ito ng aso at dali-daling tumakbo hanggang sa likod ng bahay.
“Hah..hah.. hihintayin ko na lang sila dito. Siguro mamaya ay magkakasundo na rin sila at masaya naming pagsasaluhan itong buto,” bulong ng asong humihingal.
Dahil sa pagod at matagal-tagal ding paghihintay sa pagdating ng dalawang kaibigan, kinain na ng aso ang ikatlong bahagi ng buto. Itinira niya ang parte ng daga at ng pusa.
Mainit pa ang ulo ng pusa dahil sa galit nang ito ay dumating sa kinaroroonan ng aso. Inabutan niya ang aso na kumakain ng mag-isa. Bigla niyang inangilan ang aso. Nagkasagutan silang dalawa hanggang sa sila ay magkasakitan ng katawan. Narinig ng may-ari ng bahay ang ingay na dulot ng pag-aaway ng aso at pusa. Inawat silang dalawa at pinaghiwalay. Naghiwalay ang aso at pusa na kapwa may tanim na galit sa isa’t-isa. Iyon na ang simula ng kanilang pagiging magkaaway.
Magmula noon, sa tuwing makikita ng aso ang pusa ay kinakahulan niya ito. Ang pusa naman ay di padadaig. Lagi siyang sumasagot at lumalaban sa aso. At sa tuwing makikita ng pusa ang daga ay hinahabol niya ito. Dahil naman sa takot ang daga ay pumapasok sa isang maliit na lungga at lumalabas lamang doon kapag wala na ang pusa.

Aral

·         Huwag makikipag-away.
·         Kung may hindi pagkaka-unawaan, ayusin ito sa maayos na paraan.
·         Makipag-usap ng mahinahon at huwag agad magsakitan.


Post a Comment

Previous Post Next Post