Ang Matalinong Pintor
Masama ang loob ni Zandrey
habang minamasdan niya ang kahabaan ng bakuran nila. Bitbit niya sa kanang
kamay ang isang lata ng pinturang puti at sa kaliwang kamay ang brotsang
gagamitin sa pagpipintura.
Nag-aalmusal
pa siya nang sabihin sa kanya ng nanay niya na, “huwag kang aalis, Zandrey,
dahil may ipagagawa ako sa iyo.”
“Ano po
iyon, inay?” tanong ni Zandrey na nag-uumpisa nang mag-alala. Kasunduan nilang
mga magkababata na maglalaro ng basketbol sa parke ngayong umaga.
“Pangit
na ang pintura ng ating bakod. Kupas at marumi pa. Nakabili na ako ng pinturang
puti at brotsa at maaari mo nang masimulan pagkakain mo.”
Hindi
maaring hindi susunod sa utos. Mabait ito kung sa mabait, ngunit ang mga utos
niya ay parang utos ng reyna na di mababali.
Habang
minamasdan ni Zandrey ang bakuran, lalo namang nagsisiksikan sa pag-iisip niya
ang tiyak na nasa laruan nang mga kababata, malamang ay inip na inip na sa
pag-aantay sa kanya, o di kaya’y naglalaro na at hindi na siya hinintay.
Isinawsaw
niya ang brotsa sa lata ng pintura at dahan-dahang idinampi sa isang sulok ng
mahabang bakuran.
“Sa
lahat ng trabaho, ito talaga ang nakakapundi,” wika niya sa sarili. “Binabalak
pa naman namin ni James na ilampaso ngayon sina Henry.”
Nang
walang kagana-ganang isasawsaw na uli ang brotsa sa lata ng pintura, natanaw
niyang dumarating ang kapwa bata ring si Vince.
“Hoy,
Zandrey!” Di siya lumingon at kunwari ay walang narinig. Binilisan niya ang
paghahaplos ng pintura sa bakod.
“Ano
ang ginagawa mo, Zandrey?”
Wala pa
rin siyang narinig. Humakbang siya sa likod at sinipat ang napinturahan na.
“Kawawa
ka naman, Zandrey. Nagpipintura ka.”
“Oy,
nandiyan ka pala, Vince. Di kita napansin.”
Isinawsaw
na uli ni Zandrey sa lata ang brotsa at ganadong-ganadong itinuloy ang
pagpipintura. Maya’t-maya’y sinisipat ang napintahan na. Sisipol-sipol siya at
tila tuwang-tuwa sa ginagawa. Si
Vince ay nakatungangang nagmamasid.
Vince ay nakatungangang nagmamasid.
“Papinta
rin nga,” maya-maya’y pakiusap, nito. “Titikman ko lang magpintura.”
“Ay,
huwag! Baka hindi mo kaya. At saka, magagalit ang nanay ko. Kailangang maayos
ang pintura nito.”
“Sige
na, patikim lang. Aayusin ko. O, ibibigay ko sa iyo ang trumpo ko, pagpintahin
mo lang ako.”
“O,
sige na nga.” Naupo si Zandrey sa isang tabi at hinayaang magpintura ang kababata.
Habang pinapanood niya si Vince, nabuo sa isipan niya ang isang balak para
mapadali ang trabaho niya at makaipon pa siya ng mga regalo.
Nang
umalis na ang napagod nang si Vince, sumunod namang naisahan ni Zandrey si
Armel. Binigyan siya nito ng yoyo kapalit ng pagpipintura sa bakod. Sumunod
naman dito si Erick, saka si Ethan, si Alexander, si Richard.
Nang
matapos ang araw, malaking kayamanan ang inisa-isang bilangin ng matalinong si
Zandrey – may yoyo, trumpo, tatlong malalaking sigay, kandadong walang susi,
larawan ni Batman at Robin, komiks na Superman, mahabang tali ng borador,
plastic na baril-barilan, singsing na tanso….
Pinagmasdan
niya ang bakod na pininturahan. May makapal, may manipis, may paayon,
pasalungat, may kulang-kulang na pintura. Ngunit sa paningin ni Zandrey, ang
bakod ay napakaganda, dahil ni-kaunti man ay di siya napagod at nakakamal pa
siya ng maraming yaman.
May mga
aral pa sa buhay na kanyang natutuhan. Ano kaya ang mga iyon?
Aral
·
Huwag manlamang sa kapwa.
·
Gawin ng buong husay at galak ang trabahong pinagagawa ng
magulang upang matapos ito ng maayos.
Post a Comment