Kaibigan Daw
Isang hapon, naglalakad
ang dalawang binatang magkaibigan sa gubat. Masaya nilang pinag-uusapan ang mga
karanasan nila nang bigla na lamang nilang narinig ang kaluskos sa may gawing
likuran. Nang lingunin nila ay natanaw nilang dumarating ang napakalaking oso.
Mabilis na umakyat sa katabing puno ang isa sa binata. Hindi niya naala-alang
pagsabihan man lang ang kasama sa laki ng takot sa mangyayari sa sarili.
Naiwan
ang kasama na di na makakibo dahil sa aabutan na ng oso. Naisipan na lamang niyang
dumapa sa kinatatatayuan niya at magkunwaring patay. Alam niyang hindi inaano
ng oso ang mga taong patay.
Lumapit
nga ang oso, inamoy-amoy ang taong pigil na pigil naman ang paghinga. Pagkaraan
ng ilang sandali, iniwan na siya ng oso at lumayo na ito.
Bumaba sa puno ang unang
lalaki.
“Ano ang ibinulong sa iyo
ng oso?” ang pabiro niyang tanong sa kasama.
“Sabi niya sa akin,” sagot
ng binatang dumapa, “hindi raw maaasahan ang isang kaibigang iiwan sa iyo sa
gitna ng kagipitan. Hindi raw ganoon ang tunay na kaibigan.”
Naghiwalay
ang dalawa, ang isa’y nahihiya, at ang isa’y nagdaramdam.
Aral:
·
Ang tunay na kaibigan, bukod sa hindi nang-iiwan, dapat din ay maasahan
at hindi ka ilalagay sa sitwasyong iyong ikapapahamak.
·
Maraming magsasabi na sila ay totoong kaibigan, ngunit ang taong daramay
lamang sa iyo sa panahon ng kagipitan ang matatawag na tunay na kaibigan sa
kanilang lahat.
·
“Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng
kagipita’y kapatid na tumutulong.” (Mga Kawikaan 17:17)
Post a Comment