Ang Kaibigan Ba o Ang Tiya
Labintatlong taong gulang
lamang si Rod nang mamatay ang mga magulang sa isang car accident. Solong anak
lamang siya, kinupkop ng tiyahin na si Aling Magda, na nakatatandang kapatid ng
kanyang ama. Matandang dalaga ito, limaput-dalawang taong gulang na at ubod ng
sungit. May tindahan si Aling Magda sa silong ng bahay. Mayroon siyang
katulong, si Aling Tasya, limampung taong gulang na, biyuda at walang anak.
Tatlong taon na itong naninilbihan sa kanya at nakasanayan na ang kayang
kasungitan. Masipag na katulong si Aling Tasya, mabait at makapagkakatiwalaan.
Mula
nang maulila sa mga magulang si Rod ay kay Aling Magda na ito nanirahan.
Tumutulong si Rod sa mga gawaing bahay, nagwawalis sa maluwang na bakuran,
nagsisiga ng mga tuyong dahon, nagpapakain ng mga manok, at nagbibitbit ng mga
pinamili ng tiyahin tuwing araw ng sabado at linggo. Natutuwa si Aling Tasya sa
kasipagan ni Rod kaya lagi niya itong ipinaghahanda ng miryenda. Sa simula’y
medyo nahihiya si Rod ngunit nang lumaon ay nakasanayan na nito ang mga
miryenda na sadya ni Aling Tasya para sa kanya. Kalaunan ay nakikipagbiruan na
ang bata kay Aling Tasya na itinuring niyang kaibigan.
Walang
panahong makipag-usap si Aling Magda kay Rod dahil lagi itong abala sa pag-aasikaso
ng tindahan, mula umaga hanggang gabi. Tatlo lang sila sa loob ng bahay ngunit
hindi sila nagsasabay kumain. Kadalasan ay sa loob ng tindahan mismo kumakain
si Aling Magda kaya sina Aling Tasya at Rod lamang ang laging nagkakasabay sa
hapag-kainan.
Nang
taong iyon ay hindi muna pinag-aral si Rod ng tiyahin kaya naging katu-katulong
muna ang bata sa tindahan at sa ibang gawaing bahay.
Bagama’t
masipag si Rod ay hindi nito nadama ang pagmamahal ng tiyahin. Lagi nalang
nakabulyaw kung mag-utos sa kanya ang tiyahin. Walong buwan na siyang
naninilbihan dito ngunit ni minsan ay hindi man lamang siya naabutan ng pera.
Sira na at may tagpi ang kanyang mga shorts, luma na rin ang kanyang mga damit
na iilan lamang at lagi pang napipigtal ang kanyang tsinelas na goma. Nahihiya
naman siyang magsabi sa tiyahin dahil lagi na lamang itong nakasimangot, hindi
yata marunong ngumiti.
Tanging
si Aling Tasya lamang ang nakikita niyang ngumingiti sa kanya, nakikipagbiruan
pa. Nang minsang utusan ni Aling Magda si Aling Tasya na mamili ng paninda sa
bayan ay ipinasama siya upang makatulong sa pagbibitbit. Gayon na lamang ang
gulat ng bata nang bilhan siya ni Aling Tasya ng 3 shorts, 2 kamiseta at bagong
tsinelas.
“Ho?
Para ho ba sa akin ‘yan?” tanong ng bata.
“Ay, oo
iho, para sa iyo talaga ito. Luma na kasi ang mga damit mo eh. Huwag ka nang
mahiya, bigay ko ‘yan sa iyo.”
“Naku,
salamat po Aling Tasya, maraming salamat po.”
Tuwang-tuwang
tinanggap ng bata ang mga ibinigay ng katulong. “Mabuti pa si Aling Tasya,
samantalang ang tiyang…” Napabuntong-hininga na lang ang bata.
Nagalit
si Aling Magda kay Rod nang makitang may mga bago itong damit, akala kasi ay
naghingi ito kay Aling Tasya. Ngunit nang mapagpaliwanagan ng katulong ay hindi
na kumibo si Aling Magda.
Minsan
ay nagkaroon ng mataas na lagnat si Rod, alumpihit ito kaya labis na nabahala
si Aling Tasya.
“Sus,
lagnat lang ‘yan! Painumin mo ng gamot.”
Ang
walang pagkabahalang sinabi ni Aling Magda at pumasok na ito sa tindahan, ni
hindi man lamang nilapitan ang pamangking may sakit.
Magdamag
na binantayan ni Aling Tasya si Rod, pinupunasan ang mga pawis sa noo at likod.
Tila ina siyang nag-aaruga sa anak.
Kinabukasan,
mabuti-buti na ang pakiramdam ni Rod. Nilagang itlog at mainit na lugaw ang
inihanda ni Aling Tasya.
Lumipas
ang mga araw, lalong napamahal si Rod kay Aling Tasya. Maraming hinog na
bayabas at kaymito sa bakuran ang pinipitas ng bata para ihandog kay Aling
Tasya na mahilig kumain ng prutas. Mayroon ding saging, papaya at abokado.
Isang
gabi, naalimpungatan si Rod na natutulog sa sala, sa hindi inaasahang
pangyayari umuuga ang buong kabahayan, wala namang lindol. Gayon na lamang ang
pagkahindik nito nang matanaw ang rumaragasang lahar, mabilis siyang umakyat
upang gisingin ang tiyahin at si Aling Tasya na natutulog sa magkabilang silid.
Krakk!
Krakk! Magigiba na ang bahay! Sinalpok ito ng lahar!
Sa oras
na iyon sino ang kanyang unang pupuntahan? Nasa kanang silid ang tiyahin; nasa
kaliwang bahagi ng bahay at silid ni Aling Tasya.
Krakkk!…
gumigiray ang bahay! Sabay na naririnig ni Rod ang mga sigaw ng tiyahin at ni
Aling Tasya. Kapagdaka’y tumakbo si Rod patungong silid. Kailangang may
matulungan siya! Kailangang may mailigtas siya!
Kinaumagahan,
maraming bahay ang nawasak, marami ang inanod ng lahar, sa ibabaw ng isang
inaanod na bubong ng bahay ay naroon ang mga walang malay na sina Rod, at si
Aling Tasya. Wala si Aling Magda!
Nang
mahimasmasan, nalaman ni Rod na isa ang tiyahin sa mga inanod ng lahar. Hindi
na niya ito napuntahan sa silid. Inuna niya si Aling Tasya at mabilis silang
nakaakyat sa bubong bago tuluyang naanod ang bahay! Naisin man niyang tulungan
ay tiyahin ay wala ng panahon.
Aral
·
Huwag maging masungit. Maging mabuting tao kahit na kanino.
Post a Comment