Ang Inapi
Isa sa walong magkakapatid
si Rona na dahil sa kahirapan ay nanuluyan sa kanyang tiyahin sa Metro Manila.
Labing-tatlong taong gulang lamang siya noon ngunit ipinasa na sa kanya ang
halos lahat ng mga gawaing bahay: paglilinis, paghuhugas ng pinggan,
pagsasaing, paglalaba, pamamalantsa, pamamalengke at kung anu-ano pa.
Lima
ang anak ng tiyahin, isang babae at apat na lalaki na animo’y senyorita at
senyorito mula nang pumisan sa kanila si Rona. Ang panganay na si Evelyn,
gayong dalawampung taong gulang na, ay nagpapahilod pa ng kili-kili at likod
tuwing maliligo. Pati sarili nitong underwear ay si Rona pa ang naglalaba. Ang
tatlong lalaki naman, maliban sa isa, ay gayon na lamang kung mag-utos, laging
pasigaw o pagalit. Kapag naglilinis ng sahig si Rona ay di man lamang mag-alis
ng sapatos ang mga pinsan kapag dumarating. Animo’y nang-iinis pa na dadaan sa
harapan ng nakaluhod at nakayukong si Rona na nagpapahid ng floor wax.
Kadalasan ay pabalibag pang ihahagis ang pantalong de maong kay Rona at pasigaw
na “O, labhan mo ‘yan! Pag natuyo, plantsahin mo ha?!!
Bakasyon
noon.
Halos
araw-araw ay ganyan ang gawain ni Rona: linis, saing, laba, plantsa. Ang
bibigat pa mandin ng mga pantalong de maong ng mga pinsan. Ginawa siyang
taga-laba ng mga ito.
Si Rona
ay hindi itinuring na kamag-anak. Kapag may mga dumadalaw na kaibigan ang mga
pinsan, atsay o katulong ang pakilala sa kanya.
Sa
hapag kainan, si Rona ang taga-silbi. Hindi siya isinasabay sa pagkain, laging
huli, gayong mahaba naman ang mesang kainan. Kung ano ang matira ay iyon lang
ang makakain niya. Apat na beses sa isang linggo ay tinapang isda ang ulam
nila. Ulo lamang ng tinapa ang pwedeng kainin ni Rona. Iyon ang laging
itinitira sa kanya ng tiyahin.
Sa
murang katawan ni Rona, ang hirap ng trabaho at salat na pagkain sa piling ng
tiyahin ay hindi niya inalintana. Siya ay alilang-kanin. Ang mahalaga’y patuloy
siyang nakapag-aaral sa Pasig High School. Lagi niyang nilalakad pauwi ang
Pasig at Pateros na halos ay apat na kilometro ang layo. Wala siyang
pocket-money, walang snack, laging nagugutuman. Pagdating ng bahay, kahit pagod
at gutom, kailangan niya munang maghugas ng mga kaldero’t pinggan na nakatambak
sa lababo bago siya makakakain. Kadalasan, matutulog na lang siya ay pasigaw pa
siyang uutusan ng mga pinsan.
“Hoy,
plantsahin mo muna yung maong! ‘yung polo!”
Dalawang
taon nahirahan at nanilbihan si Rona sa tiyahin. Nang makatapos ng high school
ay kinuha siya ng kapatid at dinala sa Cebu City. Nagpatuloy ng pag-aaral si
Rona, naging academic scholar at nagtapos ng edukasyon nang may karangalan –
Magna cum laude. Muli siyang nag-aral tatlong kurso ang natapos niya at naging
Doctor of Education. Nakapag-asawa siya ng isang abogado.
Ngayon
ay isa nang matagumpay na educator at businesswoman si Rona. Isa na siyang
milyonarya at maligaya sa piling ng tatlong anak at mapagmahal na kabiyak.
Sino
ang mag-aakalang ang dating inapi ay isa nang matagumpay, at respetadong tao sa
mataas na lipunan? Ang mga pinsan nasa kanya ay nang-api ay walang natapos na pinag-aralan,
ganoon pa rin ang buhay hindi umasenso. Ang iba ay nakapag-asawa ng mga hirap
din ang buhay.
Aral
- Maging matiyaga at sikaping makapagtapos ng pag-aaral anuman ang kalagayan sa buhay.
- Sa taong masipag at nagsusumikap, may matagumpay na hinaharap.
Post a Comment