Kapuri-puring Bata
“Nais ko pong ipabili sa
aking ina para sa aming notse buena yaong pagkaing pinananabikan ko, katulad ng
mansanas at fried chicken…” Tugon ito ni Ralph, Grade III – 1, ng Paaralang
Bagong Barangay, nang siya ay tanungin ng kanyang guro sa Journalism kung ano
ang kanyang gagawin sa kanyang tatlong alkansiyang puno ng mga barya. Ito ay
natipon niya sa pagiging batang-basurero.
Namumukod
si Ralph, 10 taong gulang, sa mga ininterbyu ni Gng. Aida Escaja, isang
tagapayo ng pahayagang pampaaralan. Dalawang palagiang trabaho ang ginagampanan
ni Ralph. Ipinagtatapon niya ng basura ang mga nakatira sa Bagong Barangay
Tenement at errand boy sa palengke ng may bibingkahan sa kanilang pook.
Napili
ng kanyang guro ang sinulat ni Ralph, “Kumita Habang Nag-aaral” para sa
kanilang pamaskong isyu. Si Ralph ay isa sa mga batang sinasanay ng kanilang
guro upang maging kagawad ng patnugutan pagtuntong niya ng ikaanim na grado.
Matalino siya pagkat lagi siyang kasama sa “Top Ten” ng kanilang klase mula pa
noong Grade 1.
May
kabutihan ding nagagawa ang kahirapan sa mga bata. Maaga pa’y nalalantad na
sila sa pakikibaka sa buhay kaya nagiging matatag sila sa pagharap sa mga
suliranin sa buhay. Hindi sila nagpapanik na tulad ng mga sanay sa ginhawa.
Nagiging malikhain sila sa paghanap ng mapagkakakitaan.
Kasama
ni Ralph sa pagtatapon ng basura sina Topher, 11 taong gulang, Grade III din,
at si Jun-jun, 6 na taong gulang at nasa unang baitang.
Tumatanggap
sila ng mula biyente sentimos hanggang dalawang piso, ayon sa rami ng basurang
kanilang itinatapon. Tuwing alas-dos naroroon na sila na may dalang sako.
Nagkaisa
sila sa hatian ng kanilang kita: 45 porsiyento para kay Topher na malaki at
malakas; 35 porsiyento para kay Ralph at 20 porsiyento para kay Jun-jun.
Magkakapit-kwarto ang kanilang tinitirhan at tsuper ang kanilang mga ama.
Kapuri-puri
ang tatlong batang ito na maagang nagising sa katotohanang sa iyong pawis
manggagaling ang iyong ikabubuhay.
Ayon sa
kanilang magulang, may isang taon nang nangungulekta ng basura sa tenement
house ang tatlong batang ito. May recycling pa silang ginagawa, ipinagbibili
nila ang mga nakukuha nilang papel, plastik, bote, at bakal bago nila ito’
tuluyang itapon.
Isang
errand boy si Ralph ng may-ari ng bibingkahan. Siya ang nagpapagiling ng bigas
sa may palengke at siya pa rin ang kumukuha ng isang sakong bao sa palengke.
Sa
puspusang pag-aaral at paggawa dapat imulat ang mga bata. Ito ang panuntunang
sinunod ni Rizal sa kanyang munting paaralan sa Dapitan. Naniniwala ang ating
bayani na maaga pa ay dapat nang ituro sa mga bata ang pagmamahal sa paggawa.
Maliit
pa sina Ralph, Topher at Jun-jun ay may direksyon na ang kanilang buhay. Sa
pamamagitan ng pagbabanat ng buto at pagpapatulo ng pawis, sila ay kumikita na.
Hindi na sila matitigil sa pag-aaral. May tiyak na silang mababaon, may kaunti
pang maibibigay sa magulang at may maihuhulog pang barya sa alkansiya.
Aral:
- Bagama’t mahirap man ang kalagayan sa buhay, huwag nawa itong maging hadlang para abutin ang iyong pangarap o minimithi balang araw.
- Kung nanaisin, maraming mabuting paraan upang umunlad sa buhay. Gamitin ng wasto ang katalinuhan at lakas na kaloob ng Diyos upang umunlad sa kasalukuyan at sa hinaharap.
- Matutong mag-impok upang sa oras ng pangangailangan ay may madudukot.
- Huwag mong sabihing bata ka. Sa mura mong edad at kaisipan ay marami kang magagawa at maari kang magsilbing inspirasyon para sa iba.
Post a Comment