Ang Dalawang Magtotroso at ang Engkantada


Isang hapon may isang magtotroso na nagtungo sa kagubatan upang pumutol ng isang puno upang gawing panggatong. Pinili niya ang isang mataas at tuwid na puno sa tabi ng isang lawa. Sinimulan niyang putulin ito ng kanyang palakol. Ang ingay na nilikha ng palakol ay umalingawngaw sa buong kagubatan.
Mabilis ang pagkilos ng lalaki sa dahilang ayaw niyang abutan siya ng dilim. Nang di sinasadya, ang talim ng palakol na kanyang tangan ay tumilapon sa lawa.
Agad niyang sinisid ang lawa ngunit sa kasawiang palad nabigo siyang makita ang kanyang hinahanap. Naupo siya sa paanan ng puno at nag-isip kung ano ang susunod niyang gagawin. Nang biglang lumitaw sa kanyang harapan ang isang engkantada, “Ano ang problema mo?”
“Ang talim ng aking palakol ay nahulog sa tubig, tugon niya. Hindi ko alam kung ito’y makikita ko pang muli.”
“Tingnan natin kung ano ang aking maitutulong sa iyo,” wika ng engkantada sabay talon sa lawa.
Paglitaw ng diwata ay may hawak siyang talim ng palakol na lantay na ginto. “Ito ba ang hinahanap mo?” tanong ng engkantada.
Pinagmasdang mabuti ng magtotroso ang palakol. “Hindi, hindi sa akin iyan,” ang tanggi ng magtotroso.
Inilapag ng diwata ang gintong talim sa may pampang at sumisid na muli ito sa lawa.
Di nagtagal ay muli siyang lumitaw na hawak ang pilak na talim ng palakol. “Ito ba ang talim ng iyong palakol?”
“Hindi, hindi sa akin iyan.”
Inilapag ng engkantada ang pilak na talim sa tabi ng gintong talim at pagdaka’y muli itong sumisid sa lawa.
Nang muling lumitaw ang diwata tangan niya ang isang bakal na talim, “Ito ba ang iyong hinahanap?” tanong niya.
“Oo, iyan nga ang aking nawawalang talim,” masayang sagot ng lalaki. “Maraming salamat sa iyong pagtulong sa akin.”
Ibinigay ng engkantada ang kanyang talim pati na ang ginto at pilak na mga talim at ito’y nagsabing:
“Ako’y humahanga sa iyong katapatan. Kaya’t bilang gantimpala, ipinagkakaloob ko sa iyo itong ginto at pilak na mga talim.”
Nagpasalamat ang lalaki at lumakad na siyang pauwi sa taglay ang kagalakan.
May kapitbahay ang lalaki na isa ring magtotroso na nakakita sa mga talim na ginto at pilak, at ito’y nag-usisa. “Saan mo nakuha ang mga talim na ‘yan?”
“Mangyari’y pumuputol ako ng isang punongkahoy sa tabi ng isang lawa sa gubat nang matanggal at nahulog sa tubig ang talim ng aking palakol. May tumulong sa aking isang engkantada at ako’y binigyan pa niya ng dalawa.” May pagmamalaking salaysay nito.
“Sabihin mo sa akin kung paano ako makakarating doon. Nais ko ring subukin ang aking kapalaran,” wika ng magtotrosong kapitbahay.
Hindi naman nahirapan sa paghahanap ang lalaki sa naturang lawa at sinimulan niya ang pagputol ng isang puno. Dinig na dinig sa buong kagubatan ang ingay na nilkha niya. Hindi nagtagal at ang talim ng palakol na sadya niyang niluwagan ay natanggal at nahulog sa tubig. Sumisid siya at nagkunwaring naghahanap. Naupo siya sa pampang at kunwa’y nalulungkot sa kanyang sinapit.
Maya-maya’y lumitaw ang isang diwata at nagtanong. “Ginoo, tila yata malungkot ka?”
“Mangyari’y nawala ang pinakamahalaga kong pag-aari,” hinagpis ng magtotroso.
“Ano ang nawala at paano nawala ito?” tanong ng diwata.
“Pinuputol ko ang punong ito, malungkot na wika ng lalaki, Nang biglang natanggal ang talim ng aking palakol at nahulog sa tubig. Naglagay ako ng panibagong talim at nagtatrabahong muli ngunit nahulog din ito sa lawa. Sinisid ko, ngunit hindi ko natagpuan,” nagpatuloy sa pag-iyak ang lalaki.
“Huwag ka nang umiyak,” wika ng dalaga, “at titingnan ko kung ano ang aking maitutulong.”
Nang lumitaw ang diwata ay tangan niya ang isang gintong talim. “Ito ba ang iyong nawawalang talim?” tanong ng diwata.
Kinuha ng lalaki ang gintong talim at nagsabing, “Oo, ito nga ang aking gintong talim. Maraming salamat sa iyo. Mayroon pa akong isang talim na nawawala.”
“Susubukin kong hanapin din iyon,” wika ng diwata at pagdaka’y sumisid muli sa lawa.
Ngayon, naisip ng lalaki, magiging kasing yaman na ako ng aking kapitbahay.
Ilang sandali pa’y lumitaw ang diwata na may hawak na pilak na talim. Iniabot niya ito sa lalaki at nagtanong, “Ito ba ang isa mo pang talim na nawawala?”
Iniabot ng lalaki ang talim na pilak at nagwika, “Oo, oo! Iyan nga ang isa pa. Hanga ako sa iyo, napakagaling mong sumisid. Maraming salamat sa ginawa mong pagtulong sa akin.”
Ngunit hindi pinagkaloob sa kanya ng diwata ang talim at nagwika ito, “Hindi mapapasaiyo ang mga ito. Ang mga matatapat lamang ang aking pinagkakalooban ng tulong. Ang mabuti pa’y umalis ka na sa kagubatang ito kung hindi ay magsisisi ka!” Pagwika nito ay naglaho na ang diwata.
Nahihiyang lumakad nang pauwi ang lalaki. Ngayon nawala pa ang aking bakal na talim, wika niya sa sarili. “Sana naging matalino ako.”

Aral:

·         Maging matapat sa lahat ng pagkakataon. Kung hindi sa iyo ang isang bagay ay huwag itong angkinin.
·         Huwag maging sinungaling. Ikapapahamak mo lang ang pagsisinungaling.
·         Huwag maging ma-iinggitin. Maging masaya sa nakakamit na tagumpay ng iba at huwag mo silang kainggitan.
·         Kung nais mong yumaman, magsumikap ka. Magsipag. Trabahuhin mo ang iyong pangarap at huwag kang umasa sa iba.
·         Maging matalino sa paggawa ng desisyon. Isipin ng maraming beses ang maaring maging bunga ng desisyong gagawin at kung ito’y hindi magdudulot ng mabuti sa iyo at sa iba ay huwag na lamang gawin.


Post a Comment

Previous Post Next Post