Ang agila at ang maya


Ang Agila at ang Maya

Isang Agila ang kasalukuyang lumilipad sa kalawakan, buong yabang niyang iniladlad at ibinuka ang kanyang malalapad na pakpak. Habang patuloy siya sa kanyang paglipad ay nakasalubong niya ang isang maliit na ibong Maya at hinamon niya ito.
“Hoy Maya, baka gusto mong subukan kung sino sa ating dalawa ang mabilis lumipad?” buong kayabangan ni Agila. Kaya naipasya niyang tanggapin ang hamon nito para maturuan niya ng leksyon.
“Sige! Tinatanggap ko ang hamon mo. Kailan mo gustong magsimula tayo?”
Natuwa ang Agila, hindi niya akalain na tatanggapin nito ang hamon niya.
“Aba, nasa sa iyon ‘yan. Kung kailan mo gusto,” buong kayabangang sagot ni Agila.
Napatingin ang Maya sa kalawakan. Nakita niyang nagdidilim ang kalangitan, natitiyak niyang ang kasunod niyon ay malakas sa pag-ulan.
“Sige Agila, gusto kong umpisahan na natin ang karera ngayon na. Pero, para lalong maging masaya ang paligsahan natin ay kailangang bawat isa sa atin ay magdadala ng kahit anong bagay. Halimbawa ang dadalhin ko ay asukal ikaw nman ay bulak.”
Tumawa ang Agila sa narinig na sinabi ni Maya. Tuwang-tuwa talaga siya, bakit nga naman hindi eh, mas hamak na magaan ang bulak na dadalhin niya kumpara sa mabigat na asukal na dadalhin naman nito.
“O ano, Agila, payag ka ba?” untag ni Maya.
“Aba oo, payag na payag ako.”
“Sige doon tayo mag-uumpisa sa ilog na ‘yon at doon tayo hihinto sa tuktok ng mataas na bundok na iyon,” wika pa ni Maya.
Gusto ng matawa ni Agila sa katuwaan dahil tiyak na ang panalo niya subalit hindi siya nagpahalata.
At sisimulan nga nila ang paligsahan.
Habang nasa kalagitnaan na sila ng kalawakan ay siya namang pagbuhos ng malakas na ulan. Nabasa ang bulak na dala-dala ni Agila kaya bumigat ito ng husto. Nahirapan si Agila , kaya bumagal ang lipad niya.
Samantalang ang mabigat sa asukal na dala-dala naman ni Maya ay nabasa din ulan kaya natunaw ito. Napabilis ang lipad ni Maya.
Dahilan sa pangyayari, unang nakarating si Maya sa ituktok ng mataas na bundok at tinalo niya ang mayabang na Agila.

Aral

·         Huwag maging mayabang.
·         Huwag maliitin ang kakayahan ng iba.
·         Maging mapagpakumbaba anuman ang ating ginagawa.
·         Gamitin ang talino sa tamang paraan.



Post a Comment

Previous Post Next Post