Ang Daga at ang Leon


Ang Daga at ang Leon
Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba.
Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga.
“Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong kainin,” ang sabi ng daga.
Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa.
“Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain ang pagtulog ko,” sabi ng leon.
“Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo,” sagot ng daga.
Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang bitag ng nangagaso sa kagubatan.
Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat. Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat.
“Utang ko sa iyo ang aking buhay,” laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang daga.

Aral

·         Ang paghingi ng paumanhin ay hindi nakakapag-pababa sa dangal ng isang tao.
·         Huwag maliitin ang kakayahan ng iba. Maliit man ang iyong kapwa ay may kakayahan pa rin itong makatulong sa paraang hindi madalas inaasahan ng iba.



Post a Comment

Previous Post Next Post