Alamat ng Waling-Waling
Sa tabi ng ilog Daba-daba, na ang tubig ay umaagos mula sa
Bundok ng Apo, nakatahanan ang balangay ng Dayaw. Pinamumunuan ito ni Raha
Musukul. Si Rani Waling ang magandang asawa ng Raha. Siya ang nagdadala ng
kaligayahan at kariktan sa Dayaw.
Magdadapit-hapon na nang may isang tauhan ng balangay ang nagmamadaling
tumungo sa tahanan ng Raha. Isang masamang balita ang inihatid nito. Ang
nakababatang kapatid ni Raha Musukul na si Datu Ambungan ay napatay sa Bundok
ng Apo. Sinasabing habang nangangaso ang Datu kasama ang kanyang tauhan, isang
kasapi mula sa tribo ni Raha Makalisang ang pumatay sa kanya.
Sa pagkarinig nito ni Raha Musukul ay sumiklab ang kanyang poot kay Raha
Makalisang. Ang tribong ito ay matatagpuan sa kabilang dako ng Bundok ng Apo.
Agad-agad na pinatawag niya ang kanyang tagapagpayo na si Datu Kinadmanon at
ipinahanda ang isandaang mga sundalo. Sa kanyang paghihiganti ay lulusubin niya
ang tribo ni Raha Makalisang.
Subalit sa pagpapasyang ito ay hindi sumang-ayon si Datu Kinadmanon.
“Hindi mo maaaring pilitin na lumusob sa balangay ni Makalisang. Hindi
tayo handa at mapanganib ito para sa iyong buhay,” ang nag-aalalang sabi ng
Datu.
“Ako man ay hindi nag-aalala sa sarili kong buhay. Pinatay nila ang
pinakamamahal kong kapatid at dapat babayaran ni Makalisang ang buhay niya ng
sariling dugo,” ang pagtitimping pananalita ni Raha Musukul.
“Ngunit paano ang iyong Rani? Papabayaan mo na lang bang iwan siya na
walang katapatang ika’y magbabalik?”
Dumating si Rani Waling at nagtangkang pigilan ang paglisan ng asawa.
“Mahal kong Raha, hindi ako makakapayag na ilagay mo ang sariling buhay
sa guhit ng kamatayan,” ang pag-iyak ng magandang Rani.
“Kailangan kong ipaglaban ang buhay ng yumaong si Ambungan. Mahal,
sana’y maintindihan mo ang pasya ko,” ang sagot naman ng Raha.
“Si Raha Makalisang ay kilala sa pagpapatay ng sinumang dayuhang
lalampas sa kanyang teritoryo nang walang permiso. Wala siyang binubuhay na
nagkakasala,” pagmamakaawa ni Rani Waling.
“Alam ko iyan. Datapuwat iya’y hindi makakapigil sa aking pagsalakay.
Maghintay ka lamang, magbabalik ako at ito ay isang pangako,” ang matamlay na
pamamaalam ng magiting na Raha.
Nang gabing iyon ay lumisan si Raha Musukul kasama ang isandaang tauhan
patungo sa kabilang dako ng Bundok ng Apo. Maraming araw silang naglakbay sa
kabundukan upang makaabot sa tribo ng Raha Makalisang.
Maraming linggo ang dumaan at lubos na nag-aalala na si Rani Waling
tungkol sa Raha.
“Sa pagkakataong ito ay dapat nakabalik na sila mula sa labanan,” ang
nababalisang sabi ng Rani kay Datu Kinadmanon.
“Mahal na Rani, ika’y huwag mawalan ng pag-asa. Darating ang Raha,
maghintay ka lamang,” ang pananalig na pagsabi ni Datu Kinadmanon.
“Kailangang hanapin ko na siya ngayon. Ako’y nag-aalala sa kanyang kaligtasan.”
“Bilang paggalang mahal na Rani, hindi ako makakapagpahintulot na ika’y
aalis at maghahanap sa Raha. Mahigpit na bilin sa akin ng Raha Musukul na ika’y
pananatilihin dito sa balangay.”
Sinikap ni Rani Waling na umasa at maghintay sa Raha ngunit paglipas ng
dalawang buwan ay muling umalab ang pag-aalala nito.
Nag-iiwan ng tanong sa mga isipan ng mga taga-Dayaw ang paglulusob ni
Raha Musukul. Ito ay dahil sa mahabang panahon na dumaan ay walang nakabalik
mula sa labanan.
Isang gabi, nang tulog na ang Datu Kinadmanon ay pinatawag ni Rani
Waling ang alalay na si Kugihana. Napagpasyahan ni Rani na tumakas at hanapin
ang Raha.
Tumungo sina Rani Waling at Kugihana sa Bundok ng Apo upang maghanap sa
Raha.
Maraming araw silang naglakbay at naghanap ngunit wala silang natagpuang
pahiwatig na nabubuhay pa ang Raha. Buo pa rin ang loob ng Rani na buhay pa ang
matapang na Raha at magbabalik ito, dahil ito ay isang pangako.
Sa kapayapaan ng kagubatan ay lalong nagdurusa si Rani Waling sa
nadadamang pagdadalamhati. Umakyat siya sa isang matayog at malapad na
punongkahoy. Buong araw siya doon namalagi sa isa sa mga naka-usbong na mga
bisig ng puno upang mas mainam niyang matanaw ang maluwang na paligid sa
pagdarating ng iniirog na kabiyak.
Sumapit ang isang hapon at naubusan na sila ng pagkain.
“Kugihana, hanapan mo tayo ng makakain. Magpapatuloy tayo sa ating
paglalakbay ngunit nangangailangan tayo ng pagkain at pahinga. Pumitas ka ng
mga prutas mula sa mga punongkahoy sa may tabing ilog ng Daba-daba,” utos ng
Rani.
“Ngunit, mahal na Rani, napakalayo noon at hindi kita maaaring iwan ng
matagal. Mapanganib dito sa bundok ng Apo,” ang nababalisang sagot ni Kugihana.
“Basta’t sundin mo ako at lumisan ka na upang makabalik ka bago
magbukang liwayway,” ani Rani Waling.
At nagsimula nang maglakad nang palayo si Kugihana habang maigi itong
nagtataka sa mga salita ng Rani. Subalit sa layong inilakbay ni Kugihana ay
napagod siya matapos magtumpok ng mga makakain. Dahil sa labis na pagkapagod,
siya ay napaidlip sa lilim ng isang malaking punongkahoy.
Samantala, nang makaalis na si Kugihana, nagdasal si Rani Waling na
parang hindi siya nagdadasal noon. Ito na ang nagmimistulang
pinakamakapangyarihang dasal na naisabi niya sa Bathala.
“Mahal na Bathala, ibalik niyo po sa akin ang sinisinta kong si Raha
Musukul. Kailangang matupad niya ang pangakong pagbabalik sa aking buhay. Ang
kaluluwa ko’y hindi mamamayapa hangga’t hindi ko siya makikita. Ako’y
maghihintay sa buong buhay, masubaybayan lang ang kanyang pagdating.”
Ang nagdadalamhating daing ng Rani ang siyang nangingibabaw sa kagubatan
ng Bundok ng Apo. Sa paghahagulhol ni Rani Waling ay dahan-dahang
nagtumpuk-tumpok ang mga nangingitim na mga ulap sa naninilim na himpapawid.
Nagsimulang umulan, kumulog at kumidlat, na tila sumasagot ang Bathala sa
pighating paghihikbi ng Rani.
Buong gabing umiiyak si Rani waling, kasabay ang matinding unos na
iniluluha ng kalangitan.
Kinabukasa’y napakaliwanag ng araw ngunit hindi namalayan ni Kugihana na
umaga na pala. Nang masilayan siya ng sinag ng araw ay nagising siya at sa
kanyang pagkabigla ay agad-agad siyang napatakbo patungo sa kinaroroonan ng
Rani, taglay ang mga prutas na kanyang pinitas.
Ngunit nang makaabot siya sa pinag-iwanan niya kay Rani Waling, siya ay
biglang napahinto. Wala na ang Rani sa mayabong na punongkahoy na
kinananatilihan niya kahapon.
Subalit sa sangang iyon na noo’y kinauupuan ni Rani Waling ay may taglay
na kakaibang bulaklak. Ito’y munti at ang mga lilang petal nito’y
kabigha-bighani.
Dalawang araw na naghanap si Kugihana kay Rani Waling sa kagubatan,
ngunit hindi niya ito natagpuan. Umuwi na lamang siya sa balangay ng Dayaw
upang humingi ng tulong. Sinabihan niya si Datu Kinadmanon sa lahat ng mga
pangyayari na sa pagkarinig nito’y madaling naghanda ng mga tauhan upang
tumungo sa gubat.
Sa kagubatan ay naghanap silang lahat kay Rani Waling sa loob ng tatlong
araw. Walang ni isang kaalaman ang naiwan ng Rani, maliban lang sa bulaklak na
iyon. Sa pagkakita nito ni Kugihana ay nabigla siya sa pagdami nito. Ang mga
lilang bulaklak na iyon ay kumalat na bumabalot sa punong iyon at sa mga
katabing puno nito na wari’y may hinahanap.
“Ang bulaklak na ito’y kasingrangya at kaakit-akit ng magandang si Rani
Waling. Siya ay ating ipaubaya na sa makapangyarihan na Bathala, hanggang sa
pakakataong matanto niya ang tanging ninanais: ang pagbabalik ng iniirog na si
Raha Musukul,” ang marahang pananalita ni Datu Kinadmanon.
Magmula noon ay Waling-Waling ang tinatawag sa lilang bulaklak na iyon.
Pinaniniwalaang patuloy na naghihintay pa rin si Rani Waling sa pagbabalik ng
sinta. Ito ay lalung-lalo na tuwing umuulan at mabagyo kung kailan dumadami at
kumakalat ito sa mga puno. At ang lilang kulay nito ang kulay ng pagdadalamhati
ni Rani Waling na hanggang ngayo’y hindi pa natatahan.
Aral
·
Huwag gumawa ng desisyon kung galit upang hindi
masakripisyo ang buhay at mga bagay sa iyong paligid.
·
Matutong makinig sa payo ng mga nakatatanda
upang hindi mapahamak.
Post a Comment