Alamat ng Sampaguita
Alamat ng Sampaguita
(Version 1)
Sa isang malayong bayan sa Norte ay may isang napakagandang dalaga na
Liwayway ang pangalan.
Ang kagandahan ni Liwayway ay nakarating hanggang sa malalayong bayan.
Hindi naging kataka-taka kung bakit napakarami ng kanyang naging mga
manliligaw.
Mula sa hilaga ay isang grupo ng mga mangangaso ang nagawi sa lugar nina
Liwayway. Sa kasamaang palad, si Tanggol, isa sa mga ito ay inatake ng
baboy-ramo. Ang binata ay dinala sa ama ni Liwayway para mabigyan ng pangunang
lunas. Iyon ang naging daan ng paglakalapit nila.
Umibig sina Liwayway at Tanggol sa isa’t-isa sa maikling panahon ng
pagkikilala.
Nang gumaling si Tanggol ito ay nagpaalam kay Liwayway at sa mga
magulang niya. Anang binata ay susunduin ang ama’t ina upang pormal na hingin
ang kamay ng dalaga.
Puno ng pangarap si Liwayway nang ihatid ng tanaw si Tanggol.
Subalit dagling naglaho ang pag-asa ni Liwayway na babalik si Tanggol
tulad ng pangako. Ilang pagsikat na ng buwan mula nang umalis ito ngunit ni
balita ay wala siyang natanggap.
Isang dating manliligaw ang nakaisip siraan si Tanggol. Ikinalat nito
ang balita na hindi na babalik si Tanggol dahil may asawa na ito.
Tinalo ng lungkot, pangungulila, sama ng loob at panibugho ang puso ni
Liwayway. Nagkasakit siya. Palibhasa ay sarili lang ang makagagamot sa
karamdaman kung kaya ilang linggo lang ay naglubha ang dalaga at namatay.
Bago namatay ay wala siyang nausal kundi ang mga salitang, “Isinusumpa
kita! Sumpa kita…”
Ang mga salitang “Isinusumpa kita! Sumpa kita…” ang tanging naiwan ni
Lwayway kay Tanggol.
Ilang araw makaraang mailibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama
ang mga magulang. Anito ay hindi agad nakabalik dahil nagkasakit ang ina. Hindi
matanggap ng binata na wala na ang babaing pinakamamahal.
Sa sobrang paghihinagpis, araw-araw ay halos madilig ng luha ni Tanggol
ang puntod ni Liwayway. Hindi na rin siya bumalik sa sariling bayan upang
mabantayan ang puntod ng kasintahan.
Isang araw ay may napansin si Tanggol sa ibabaw ng puntod ni Liwayway.
May tumubong halaman doon, halaman na patuloy na dinilig ng kanyang mga luha.
Nang mamulaklak ang halaman ay may samyo iyon na ubod ng bango. Tinawag iyong
‘sumpa kita’, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway bago namatay. Ang
‘sumpa kita’ ay ang pinagmulan ng salitang ‘sampaguita’.
Buod ng
Alamat ng Sampaguita (Version 1)
Napaka-gandang dalaga nitong si Liwayway. Hindi na kataka-taka kung
marami siyang naging manliligaw.
Nang minsang may isang binata na ang pangalan ay Tanggol na inatake ng
baboy-ramo, dinala ito sa ama ng dalagang si Liwayway upang mabigyan ng
pangunang lunas.
Sa maikling panahon ay nagkaibigan sina Liwayway at Tanggol. Nang
magaling na ang binata ay nagpaalam itong uuwi muna sa kanila upang sunduin ang
kanyang mga magulang at pormal na hingiin ang kamay ng dalaga.
Lumapas ang maraming araw ngunit hindi pa rin bumabalik si Tanggol.
Isang dating manliligaw ni Liwayway ang siniraan si Tanggol at sinabing hindi
na raw ito babalik dahil may asawa na ito.
Napuno ng sama ng loob, lungkot at pangungulila si Liwayway na siyang
naging dahilan ng pagkakasakit nito. Ilang linggo lamang ang lumipas ay namatay
ang dalaga.
Bago namatay si Liwayway ay naiusal nito ang mga katagang, “Isinusumpa
kita! Sumpa kita…”
Makaraan ang ilang araw makalipas ilibing si Liwayway ay dumating si
Tanggol kasama ang kanyang mga magulang. Hindi pala agad ito nakabalik dahil
nagkasakit ang kanyang ina. Labis ang paghihinagpis ng binata sa pagkawala ng
kanyang pinakamamahal.
Hindi na muling bumalik sa kanyang bayan si Tanggol. Sa halip ay
araw-araw itong pumupunta sa puntod ni Liwayway upang bisitahin. Nadilig ng
kanyang luha ang puntod ng dalaga.
Isang araw ay napansin nitong may tumutubong maliit na halaman sa puntod
ni Liwayway. Namulaklak ang halaman at ito ay ubod ng bango. Tinawag ang
halamang ‘sumpa kita’, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway bago
namatay. Sa kalunan, ang ‘sumpa kita’ ay naging ‘sampaguita’.
Aral
·
Huwag makinig sa mga
sabi-sabi. Gayundin naman, huwag gumawa ng hindi totoong kwento tungkol sa iba
dahil wala itong mabuting maidudulot kaninuman.
·
Kadalasan, ang
paghihintay ay matagal. Ngunit kung tayo ay may tiyaga, siguradong may
magandang kahihinatnan ang iyong paghihintay.
Alamat ng Sampaguita (Version
2)
Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang
magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga
makabagong pangalan, bagaman ayon sa matanda, ang mga tagpong inilalarawan sa
kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.
Noo’y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang
Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na
bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at
pinapalitan. Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa
Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit
ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.
Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang
pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay
Rosita, wala na siyang ina, datapuwa’t mayroon siyang apat na abay na pawang
mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming
binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay
ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.
Nakapagtataka kung bakit gayong ang kanilang mga ama ay
mahigpit na magkaaway ay sila’y tinubuan ng pag-ibig sa isa’t isa. Marangal ang
pag-ibig ni Delfin kay Rosita — walang halong pag-iimbot, walang ano mang
masamang hangarin. Sa isang sulok ng bakod ng hangganang natatabingan ng
malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan na kanyang
madaraanan. Kaya’t kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila
ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy
ng kabukiran at pinanonood nila ang kaaya-ayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan
nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.
Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang
hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos
siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga
taga-Balintawak. Nang sila’y magbalik, tumanggap siya ng balita na ang bagong
bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin,
at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng
Balintawak.
“Sabihin ninyo,” anya sa mga utusan, ” na
ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa,
sapagkat tunay na isang pagnanakaw.”
Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa
kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin ng sabihin sa kanya ang bilin ng datu
roon. “Sabihin niyo sa inyong datu,” ang wika niya sa mga sugo,” na ako’y hindi
magnanakaw. Ang bakod ay binabalik ko lamang sa dapat kalagyan ayon sa
natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno.”
Ipinag-alab ng loob ng ama ni Delfin ang
tinanggap niyang balita. Sa gayong mga alitan, ang karaniwang nagiging
hangganan ay digmaan.
Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga
hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay
niya ay ninakaw sa kanya. Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang
Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang
mga kawal. Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga
taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at
di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya
ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.
Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay
na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong
karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming
pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana
niyang magkausap sila ni Delfin upang ito’y himuking iurong na ang digmaan at
mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa’t wala na silang
panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo’y lalabas na sa larangan ang
kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.
Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang
dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng
sugat, at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang
at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang
mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hangganang bakod, malapit sa lihim na
lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita,
kasama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan.
Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento
ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng
labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito: nang mabalitaan ni Rosita ang
pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding
dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit
sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga. Unti-unti
itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal,
hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon lamang ilibing sa tabi
ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya
ang kahilingan ng minamahal niyang anak.
Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na
ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng
Maynila. At buhat noo’y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit
ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay.
Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may
mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng dalwang
nayong naturan. Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang
marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. “Sumpa
kita! …Sumpa kita!” ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa’t
sila’y nagbabantay, ay wala namang nakikita. Napansin nila na ang waring
nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang
ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming talulot at ang
iwing bango’y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung
buwan ng Mayo, taun-taon.
Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang
dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang
kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap.
Nguni’t ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang
dalawang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang
bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa
kalansay. Ngayo’y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang
kapos-palad – Si Delfin at si Rosita.
Samantala….
Ang kuwento’y nagkasalin-salin sa maraming
bibig, at ang “Sumpa kita!” na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng
mga nagmamatyag ay naging “Sampaguita” , na siyang iningalan na tuloy sa
mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.
Buod ng
Alamat ng Sampaguita (Version 2)
Noon ay may magkatabing baranggay, ang Balintawak at ang Gagalangin.
Bagama’t hindi magkasundo ang mga datu sa dalawang naturang baranggay ay
nagkaibigan naman ang mga anak nito, sina Rosita at Delfin.
Noon ay may malaking bakod na gawa sa pinatuyong kawayan ang naghahati
sa dalawang baranggay. Kada limang taon ay pinapalitan ito ng mga kawal
ng Balintawak at ang Gagalangin.
Linggid sa kaalaman ng kanilang mga magulang, sina Delfin at Rosita
aynamamasyal kung gabing maliwanag ang buwan. May lagusan palang ginawa si
Delfin upang magkita sina ni Rosita.
Isang araw, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hangganang bakod ay
binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Ibinabalik lamang daw ng datu
sa Balintawak ang dating porma ng bakod, base sa natuklasan niyang kasulatan ng
kanilang ninuno.
Sa madaling sabi, mauuwi sa digmaan ang alitang ito ng dawalang datu.
Ngunit ilang araw bago magsimula ang labanan, dinapuan ng mahiwang sakit ang
ama ni Delfin na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Kaya naman naiwan ang
responsibilidad kay Delfin. Ayaw sanang matuloy ni Rosita ang digmaan ngunit
wala silang panahon ni Delfin para makapag-usap.
Nasawi din sa digmaan si Delfin. Inilibing ito sa hangganang bakod
malapit sa lagusang malimit niyang daanan upang makipag-kita kay Rosita tuwing
maliwanag ang buwan.
Sa tindi ng lungkot na dinanas ng naulilang si Rosita, siya naman ay
nagkasakit na naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Bago malagutan ng hininga
ay hiniling niya sa amang datu na ilibing siya malapit sa pinaglibingan ng
kanyang pinaka-mamahal na si Delfin.
Maraming panahon ang lumipas at nawala ang dalawang baranggay
ng Balintawak at ang Gagalangin. Ayon sa sabi-sabi, kung gabi raw ay may
nariringgan ang mga tao malapit sa lugar na iyon ng isang tinig ng babae na
nagsasabing, “Sumpa kita. Sumpa kita.” Tila raw nagmumula ang tinig sa dalawang
puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming
talulot at ang iwing bango’y pambihira.
Nang kanila itong hukayin ay laking gulat nila ng makitang ang
dalawang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang
bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa
kalansay.
Naalala ng mga matatanda sa lugar ang malungkot na pag-iibigan nina
Delfin at Rosita.
Sa paglipas ng panahon, ang “Sumpa kita!” na madalas marinig ng mga
taga-roon malapit sa mabangong halaman na nabanggit ay naging “Sampaguita.”
Aral
·
Walang hindi naaayos
sa mabuting usapan. Kung may alitan sa iba ay pag-usapan ito ng maayos upang
hindi na humantong sa mas malalang alitan.
Post a Comment