Alamat ng Sampalok


Alamat ng Sampalok

May tatlong prinsipe noong araw na pawang masasama ang ugali. Sila ay sina Prinsipe Sam, Prinsipe Pal at Prinsipe Lok. Dahil magkakaibigan, madalas silang nagkikita at nagkakasama sa pamamasyal. Tuwing magkasama naman ang tatlo ay tiyak na may mangyayaring hindi maganda. Ang mga may kulang sa isip at mangmang ay kanilang pinaglalaruan, pinaparatangan at ipanakukulong. Lubha silang mapang-api, mapangmata at malupit sa mga dukhang mamamayan. Kahit matatanda ay hindi nila iginagalang. Mabait lamang sila sa mayayaman at kauri nilang mga dugong-bughaw.
Minsan sa pamamasyal ng tatlong prinsipe ay napadaan sila sa isang sapa. Saglit silang huminto at pinanood ang mga naliligong dalaga. Kasiya-siyang tingnan ang mga hugis ng katawang naaaninag sa manipis na tapis kaya sila ay nagtatawanan na para bagang nambabastos.
“Kamahalan, huwag po sana ninyo kaming panoorin at pagtawanan.”
Galit na bumaba ng kabayo si Prisipe Sam at walang salitang sinampal ang dalagang nakiusap. Uulitin pa sana ng prinsipe ang pagsampal subalit isang matandang babae ang namagitan. Palibhasa’y walang iginagalang ang mga prinsipe, basta’t mahirap, kaya pinagtulungan nilang saktan ang matanda.
Nagsiksikan naman sa isang tabi ang mga nahintakutang dalaga. Hindi alam ang gagawing pagtulong sa matandang hindi nila nakikilala. Datapuwa’t lahat ay napamulagat ang matanda ay nagbago ng anyo. Isa pala itong engkantada!
“Panahon na upang bigyang wakas ang inyong kasamaan!” sabay turo sa tatlong prinsipe at ang kanilang mga mata ay nangalaglag! Kasindak-sindak ang pangyayaring iyon sapagkat ang mga nahulog na mata ay agad nilamon ng lupa.
Sa halip na magsisi at humingi ng tawad ay nagpupuyos pa sa galit na nabanta ang magkakaibigan. Matapos kapain ang kani-kaniyang kabayo ay haghiwa-hiwalay na sila nang alis. Palibhasa’y mga bulag kaya hindi na alam ang daang pauwi. Tumakbo nang tumakbo ang kanilang mga kabayo hanggang silang lahat ay mangahulog sa bangin!
Kinabukasan, nagtaka ang lahat sa biglang pagtubo ng isang puno kung saan lumubog ang mga mata ng tatlong prinsipe.
Lumipas ang mga araw, ang puno ay namunga. Nang kanilang tikma, ito’y ubod ng asim! Palibhasa’y may nakaukit na parang matang nakapikit sa buto ng bungang maasim, kaya naalala nila ang mga mata nina Prinsipe Sam, Prinsipe Pal at Prinsipe Lok na sa lugar na iyon ay lumubog. Dahil dito, minarapat nilang tawaging Sampalok ang puno at bunga nito. Sa kalaunan natutuhan ng mga tao na gamiting pampaasim sa nilulutong ulam ang Sampalok.

Aral

·         Ang masamang ugali ay walang naidudulot na maganda sa buhay ng tao.


Post a Comment

Previous Post Next Post