Alamat ng Bahaghari
Alamat ng Bahaghari
(Version 1)
Noong unang panahon may mag-asawang Manobo na naninirihan sa baybayin ng
mga Isla ng Saranggani. Bagama’t maginhawa ang kabuhayan, malungkot ang
mag-asawa sapagkat hindi sila biniyayaan ng kahit na isang anak man lamang.
Lahat ng uri ng mga halamang gamot na ipinayo sa kanila ay walang naidulot na
mabuting epekto. Ito ang dahilan kung kaya malungkot na malungkot ang dalawa.
Sumangguni sila sa mga nakatatanda na nagpayong, “kung hindi magamot ng
tao, Diyos ang balingan ninyo.”
Nagpasyang makipagkita kay Walian ang mag-asawa. Ang Esperatista ay
nagdasal upang ihatid ng Diwata ng Pagdadalangtao ang kanilang kahilingan.
Ilang buwan lang ang nakaraan ay tuwang-tuwa nang ibinalita ng babae sa asawa
na siya ay buntis na. Nagpasalamat ang mag-asawa kay Bathala sa magandang
handog sa kanila.
Isang malusog na sanggol na babae ang naging supling nila na
pinangalanang Blunto. Lumaking napakaganda nito. Ipinagkakapuri ng mga tribung
Manobo ang angking kariktan ni Blunto.
Bukod sa ganda, masipag na masipag din ang dalagita. Tinamnan niya ng
makukulay na bulaklak ang paligid ng bahay nila. Magaganda ang lumaking mga
rosas, ilang-ilang at kamya. Nakakatawag pansin ang bugambilya, santan at ehampaea.
Nakakabighani rin ang rosal, dama de noehe at orkidya.
Parang may magneto ang mga kamay niya. Bawat halamang madiligan ay
pinamumulaklakan. Bawat bulaklak na bumukadkad ay kinagigiliwan. Lagi nang
nagpapasalamat si Blunto sa Araw at Buwan sa pagtanglaw nila sa mga bulaklak
dumilim man o lumiwanag.
Isang gabi, habang pinanonood ni Blunto ang marahang pamumukadkad ng mga
bulaklak ay nagulat siya sa isang parang panaginip na nabanaagan niya mula sa
dagat-dagatan. Hindi siya nagkakamali.
Isang makisig na binata ang sakay ng isang puting kabayong lumilipad sa
alapaap.
Hindi alam ni Blunto na ang Araw at Buwang pinasalamatan na Hari at
Reyna ng Kaitaasan ay natanawan siyang namimintana sa kanilang tinitirhan. Alam
nilang mabuti ang kalooban ni Blunto na angkop na makilala ng kaisa-isa nilang
anak. Iyon ang dahilan kaya parang panaginip na ipinatanaw nila sa dalagita ang
katauhan ng anak nila.
Maya-maya pa ay biglang naglaho ang papalapit na sanang binata.
Kinaumagahan, iniisip-isip ni Blunto kung panaginip nga lang ba ang nakita
niyang makisig na binata, at puting kabayong lumilipad sa alapaap?
Isang umagang nagdidilig ng mga bulaklak si Blunto ay binulaga siya ng
isang tinig. Paglingon niya ay hindi siya makapaniwala. Ang lalaking makisig sa
kaniyang panaginip ang kaharap niya.
Nakikiusap itong makikiinom sa matinding uhaw sa pamamasyal. Hindi na
inusisa pa ng dalaga kung saan galing ang kausap niya. Para sa kaniya, sapat
nang masaya siya habang kinakausap ng bisita.
Nakipagkilala ang makisig na binata. Sinabi nitong sa isang napakalayong
lugar siya nakatira na mahirap puntahan ninuman. Naging pala-isipan kay Blunto
ang misteryosong binata. Hindi na niya itinanong kung ito nga ba yung binatang
nakasakay sa puting kabayong lumilipad sa alapaap. Sapagkat nahihiya naman
siyang sundan at tingnan kung nasaan ang may pakpak na kabayo, nakuntento
nasiyang nakita niya ang maamong mukha at nangungusap na mga mata ng isang
binatang taos pusong iibigin niya.
Laging hinihintay ni Blunto ang paglubog ng araw. Nangangahulugan kasi
itong maaari na namang maligaw sa hardin niya ang makisig at mabait na binatang
tinitingala niya.
Hindi nagkamali ng sapantaha ang dalagita. Tuwing hapon nga ay dinadalaw
siya ng panauhin niya. Lubos na napagsino ni Blunto ang kabaitan at katapatan
ng binata. Ang makisig na panauhin ay nabighani rin sa kagandahan ni Blunto.
Bukod sa panlabas na anyo, ang binata ay humanga sa natural na pag-uugali ng
dalagita. Matapat at simpleng-simple lang ang mga gawi nito.
Mapagkakatiwalaan mo si Blunto. Naniniwala ang makisig na binata na
hindi panlabas na anyo ang dapat maging husgahan ng isang nagmamahal.
Kailangang may katuwaan ka sa puso kapag kasama mo ang dalagang pakakasalan mo.
Kailangang iisa ang tinatanaw ninyong pangarap. Kailangang gusto mo siyang makasama
sa buhay at kamatayan.
Pero bata pa si Blunto upang tumanggap ng seryosong pakikipag-ibigan.
Sapagkat wagas ang pagmamahal, matagal ding naghintay ang binata.
Ilang taon din ang binilang bago tanggapin ni Blunto ang pag-ibig ng
binata.
Nang sagutin siya ng matamis na oo ay ipinagtapat ng misteryosong ginoo
ang kaniyang tunay na katauhan.
“Blunto, mahal ko, gusto kong malaman mo kung sino talaga ako.”
Sinabi ng binata na anak siya ng Haring Araw at Reyna Buwan. Na bumaba
siya sa lupang sakay ng puting kabayong may pakpak mula sa kaitaasan. Na
ipinadala siya ng mga magulang upang ipasabi sa dalagang nakararating sa kanila
ang mga dasal ng pasasalamat na siyang dahilan upang ang mga tanim niya ay
mag-usbong at mamulaklak. Na natutuwa ang mga magulang niya sa pagkakaroon ng
isang nilalang sa daigdig na may busilak na kaloobang hindi mapapantayan ng
anumang kayamanan.
Binanggit din ng binata na alam na ng mga magulang niya ang damdamin
nito sa dalaga. Na siya ay umiibig nang wagas kay Blunto. Na ipagsasama niya
ang dalaga upang pakasalan sa kanilang kaharian sa kaitaasan.
Nang pituhan ng binata ang puting kabayo na nagkakanlong sa mga puno ay
naniwala na si Blunto sa sinasabi ng binata. Totoo nga palang may puting pakpak
ang kabayo na katulad sa panaginip na nabanaagan niya maraming taon na ang
nakaraan.
“Hindi panaginip ang nakita mo, mahal ko. Ako yon na nagpakita sa iyo
mula sa alapaap sa ibabaw ng dagat!”
Sapagkat matagal nang minahal ni Blunto ang misteryosong mangingibig ay
pinakiusapan niya itong ipagpaalam siya sa mga magulang.
Sapagkat parang kabubukadkad pa lang na bulaklak si Blunto kaya tumutol
ang mga magulang niya sa pagpa-paalam. Ayaw mawalay ng mga magulang ang
nag-iisa nilang anak.
Nagtangkang magtanan ang magsing-irog pero nahuli sila. Lalo tuloy
hinigpitan ang dalaga. Bilang parusa, ikinulong si Blunto sa bahay nila at
itinaboy ang misteryosong binata. Sa sobrang kalungkutan, ang dalaga ay
nagkasakit. Lubos na nag-alala ang kasintahan niya. Kahit na anong sibat ang
iharang ay nagmamakaawa pa rin itong dalawin ang kasintahan. Sa pagpupumilit ng
binata ay naaawa naman ang mga magulang ni Blunto. Ibinase nila ang pagpapalaya
sa anak sa matapat na pag-ibig ng binata. Sa takot na baka magkasakit na muli
ang kaisa-isang anak ay pumayag na silang iuwi ng binata sa kaharian ng Araw at
Buwan ang kaisa-isa nilang anak na pinakamamahal.
Nanindigan ang mga magulang ni Blunto na kailangan munang maikasal sa
lupa ang dalawa bago umalis papuntang kaitaasan.
Simple subalit makabagbag-damdamin ang idinaos na kasalan. Magkahalong lungkot at saya ang nadama ng mga magulang ni Blunto. Saya na may makakatuwang na sa hirap at ginhawa ang anak nila.
Simple subalit makabagbag-damdamin ang idinaos na kasalan. Magkahalong lungkot at saya ang nadama ng mga magulang ni Blunto. Saya na may makakatuwang na sa hirap at ginhawa ang anak nila.
Lungkot, sapagkat malalayo na ang tanging anak na pinanggagalingan ng
kanilang katuwaan sa araw-araw.
Pagkatapos na pagkatapos ng seremonya ay nagpaalam na ang mga bagong
kasal. Sakay ng puting kabayong maglilipad sa kanila sa kaitaasan, dala-dala
nila ang makukulay na bulaklak na pararamihin nila sa kaitaasan.
“Ama, Ina,” luhaang pagpapaalam ni Blunto, “kung malulungkot po kayo ay
tumingin kayo sa kalangitan at tiyak na makikita ninyo ang mga bulaklak na
tanim ko. Kapag nakita ninyo ang mga makukulay na arko ng mga bulaklak ay tiyak
na naroroon ako at tinatanaw ko kayo.”
Mahigpit na niyakap ng mga magulang ang kaisa-isang anak at matapat na
kinamayan ang manugang nila. Sa isang kisapmata ay nasa kalawakan na ang mga
bagong kasal na kumakaway sa mga Manobong nagsisipagbunyi.
Ilang araw lang ang lumipas ay malungkot na ang ama at ina ni Blunto.
Subalit tulad ng pangako ng anak ay matatanaw nga naman sa kaitaasan ang arko
ng mga bulaklak na sa lupa ay parang makulay na bahag ng hari. Bagama’t
pinanginginigan ang mga labi ng kalungkutan ay mapapansin din naman ang
katuwaan sa mga mukha ng mga magulang. Habang tumatagal ay lalong nagiging
makulay ang bahaghari ng kalikasan.
Iyan ang alamat ng Bahaghari ng mga taga-Isla Saranggani sa Mindanao.
Aral
·
Ang pagsasabi ng tapat ay pagsasama ng maluwat.
Buod ng Alamat ng
Bahaghari (Version 1)
Noong unang panahon, may isang mag asawang di pinalad na magkaroon ng
anak. Lahat ng naipayong halamang gamot sa kanila ay walang mabuting naidulot.
Lubhang malungkot ang mag-asawa.
Humingi sila ng payo sa isang nakatatanda. “Kung hindi madaan sa anumang
gamot, Dyos ang lapitan nyo”.
Nagpasya silang lumapit kay Walian, isang esperitista. Ito ay nagdasal
upang humingi ng tulong sa diwata ng pagdadalantao.
Laking tuwa ng mag-asawa ng ilang buwan lamang ay nagsilang ang ginang
ng isang malusog na babae.
Pinangalanan nila itong “Blunto”. Si Blunto ay ubod ng ganda.
Bukod sa maganda ay napakasipag din nito. Bawat halamang dinidiligan ni
Blunto ay namumukadkad at kinagigiliwan.
Isang gabi habang minamasdan ang pamumukadkad ng mga bulaklak ay tila
isang panaginip ang nakita ng dalagita.
Isang makisig na lalaki na nakasakay sa
lumilipad na puting kabayo.
Ngunit maya maya lamang ay naglaho sa paningin
nang dalagita ang makisig na lalaki.
Hindi malaman ni Blunto kung ang nakita ay
isang panaginip lang.
Isang umaga habang nagdidilig ay bigla na
lamang binulaga si Blunto ng isang tinig.
Paglingon nya ay ang lalaking makisig sa
panaginip ang nasa harapan nya.
Nagpakilala ito at sinabing nanggaling pa sa
napakalayong lugar na mahirap puntahan ninuman. Naging palaisipan kay Blunto
ang pagkatao ng makisig na binata. Di na nya tinanong kung ito ba ang nakita
nya nung nakaraan.
Hindi na inusisa ng dalagita kung saan galing
ang binata sapagkat makausap lamang ito ay masaya na sya.
Laging hinihintay ni Blunto ang pag lubog ng
araw sa kadalihanang sa hapon ito dinadalaw ng binata. Umibig sya sa
misteryosong binata at ganoon din ito sa kanya.
Bata pa si Blunto upang tumanggap ng
mangingibig, sapagkat totoo ang nararamdaman ng binata, nag hintay ito ng ilang
taon bago tanggapin ang matamis na oo ni Blunto.
Nang sagutin ng dalaga ay ipinagtapat na ng
binata ang totoong pagkatao.
Sinabi ng binata na sya ay anak ng Haring Araw
at Reyna Buwan.
Inamin din nito na di panaginip ang nakita ng
dalaga. Alam din ng magulang ng binata ang nadarama sa dalaga.
Ngunit mariin ang tutol ng mga magulang ni
Blunto sa pag iibigan ng dalawa sapagkat ang dalaga ay parang kabubukadkad na
bulaklak pa lamang.
Nagawang magtanan ng magkasintahan ngunit bigo,
kalaunay ikinulong si Blunto ng magulang sa kwarto at itinaboy ang binata.
Sa pag pupumilit ng binata ay nahabag din ang
mga ito, ngunit nagbigay ng isang kondisyon.
Ito ay ang makasal ang dalawa sa lupa bago
isama sa kaitasan.
Naging payak ang kasal ni Blunto.
“Ama, Ina” mangiyak ngiyak na paalam ni Blunto
sa magulang bago sumakay ng puting kabayo na magdadala sa kanila sa kaitasan.
Mahigpit na niyakap ng magulang si Blunto at
matapat na kinamayan ng mga ito ang ngayoy manugang.
Ilang araw ang lumipas ay naging malungkot ang
mga magulang ni Blunto, subalit tulad ng pangako ng anak ay matatanaw nila ito
sa kaitasan.
Ang mistulang arko ng mga bulaklak sa langit ay
makukulay na tila bahag ng hari.
At iyan ang alamat ng Bahaghari ng mga taga
isla sa Saranggani sa Mindanao.
Alamat ng Bahaghari
(Version 2)
isinulat ni Kenneth Monterola
Sa simula pa lamang, mayroon ng pitong kulay dito sa mundo. Sila ay sina
Pula, Kahel, Dilaw, Luntian, Bughaw, Indigo at Lila.
Inatasan sila ni Bathala na magbigay ng kulay dito sa mundo ngunit sa
hindi inaasahang pagkakataon, hindi sila magkasundo-sundo. Sinabi ni Bathala,
na magtulong-tulong at magbigayan sa lahat ng oras sa isa’t-isa ngunit hindi
nila ito ginagawa. Patuloy silang hindi nagkakasundo sa iba’t ibang bagay.
Palagi silang nagkakaroon ng kumpitensya sa isa’t-isa lalo na sa oras ng
kanilang trabaho.
Sabi ni Luntian, “Ako ang pinakamaraming nagawa dito kaya nararapat
lamang na ako ang mabigyan ni Bathala ng gantimpala.”
Ngunit sumagot si Bughaw, “Anong sinasabi mo dyan na ikaw ang maraming
nagawa? Hindi hamak na mas marami ang ambag ko kaysa iyo. Tingnan mo na lamang
ang karagatan at ang kalangitan, at iyong makikita ang aking pinaghirapan kung
kaya ako ang nararapat na mabigyan na sinasabi mong gantimpala.”
Ngunit hindi pa natapos ang alitan, bagkus ay lalo pa itong lumala dahil
nakisali sa usapan ang iba pang mga kulay. Nagpapagalingan sila ng
nagpapagalingan. Pasikatan ng pasikatan at walang nagpapatalo. Gusto nilang
lahat na mabigyan ng gantimpala, kaya lalong tumindi ang kanilang kumpitensya.
Nagkagulo sila dahil sa kanilang pagtatalo.
Narinig ni Bathala ang nangyayari, ang pagtatalo ng mga kulay. Dahil
dito, nagalit si Bathala. Pinarusahan sila nito.
Sinabi niya, “dahil hindi kayo magkasundo, paparusahan ko kayo ng ayon
sa inyong kagustuhan. Dahil palagi kayong magkakakumpitensya, gusto kong
malaman ninyo ang kahalagahan ng kooperasyon sa isa’t-isa. Ang kahalagahan ng
bawat isa sa inyo. Mula ngayon hanggang sa habang buhay. Gagawin ko kayong isa
upang nang sa gayon ay maramdaman ninyo ang inyong kahalagahan at kagandahan ng
bawat isa sa inyo.”
Kung kaya, pinagsama ni Bathala ang pitong kulay. Pinagdikit-dikit niya
ang mga ito. At dahil sa sobrang nagalit si Bathala kung kaya siya ay nahabag
sa pag-iyak. At nagtago ang mga kulay sa takot kay Bathala. Lumabas na lamang
sila pagkatapos umiyak ni Bathala. Ngunit laking gulat nila nang sila’y lumabas
ay dikit-dikit na sila. Hindi na nila mapaghiwalay ang kanilang mga sarili kahit
anong pilit nila. At nalaman nila na mula sa pito, sila’y naging isa.
Sa pangyayaring iyon, sinasabing si Bathala na kanilang hari ay nahabag.
Kung kaya ngayon, ang habag na hari na pinagmulan ng mga ito ay sa
paglaoy naging bahaghari. Ang pitong kulay ay tinawag na bahaghari.
Mapupuna natin ngayon na ang bahaghari ay lumalabas na lamang pagkatapos
ng ulan na nangangahulugang pag-iyak ni Bathala. At makikita natin dito ang
pitong kulay na naging isa na hanggang sa ngayon ay tinatatawag nating
BAHAGHARI.
Aral
·
Iwasan ang pagiging mainggitin at mapagmataas.
Huwag gumawa ng mga bagay na ikalulungkot ng Diyos.
Buod ng Alamat ng
Bahaghari (Version 2)
Noong araw ay magkakahiwalay ang pitong kulay sa bahaghari. Sila ay
sina Pula, Kahel, Dilaw, Luntian, Bughaw, Indigo at Lila.
Inatasan sila ni Bathala na magbigay kulay sa mundo ngunit hindi
sila magkasundo-sundo. Panay ang pagpapasikat nila at
pakikipag-kumpitensya sa isa’t isa.
Dahil napapadalas ang kanilang pagtatalo, nagalit sa kanila si Bathala.
Pinarusahan niya at pinagdikit-dikit ang mga ito. Dahil sa pangyayaring iyon,
sinasabing si Bathala na kanilang hari ay nahabag sa pag-iyak.
Ang habag na hari sa kaluna’y naging bahaghari. Ang pitong kulay na
ngayo’y magkakadikit ay tinawag na bahaghari.
Lumalabas lamang ang bahaghari sa tuwing makatapos ang pag-ulan na ang
sabi ay nangangahulugan ng pag-iyak ni Bathala. Iyan ang alamat ng Bahaghari.
Post a Comment