Alamat ng Pinya


Alamat ng Pinya (3 Different Versions)

Alamat ng Pinya (Version 1)

Matamis at masarap ang nasabing prutas lalo na kapag katamtaman ang pagkahinog. Maraming nagsasabi na ito raw ay magaling na pantunaw lalo na kapag bagong kain tayo. Kung bakit maraming mga mata at kung bakit pinya ang tawag sa kanya ay malalaman nating sa ating alamat.
Sa isang malayong pook ng lalawigan, nakatira ang mag-inang si Aling Osang at si Pina na kaisa-isang anak. Palibhasa’y bugtong na anak, hindi ito pinagagawa ng ina at sa halip siya ang nagtatrabaho ng lahat nang gawaing bahay. Ang katuwiran ng ina ay “maliit pa naman si Pina.” Marahil ay paglumaki na ay gagawa rin siya. Kung kaya ang gawain ni Pina ay maglaro, maligo, magbihis at matulog. Si Pina ay lumaki sa layaw dahil na rin kay Aling Osang.
Nais na sana ng ina na turuan ang anak na gumawa, ngunit naging ugali na nito ang katamaran. Kaya sa malimit na pangyayari, hindi na mautusan ng ina ang anak, palibhasa’y ina kaya matiisin.
Kung ayaw magtrabaho ng anak, siya na ang gumagawa.
Tumagal ang sakit ni Aling Osang, nagrereklamo na si Pina na pagod na raw ito sa paglilingkod sa ina.
Isang umaga, si Pina’y nagluto at maghahain na lamang ito ngunit hindi makita ang sandok.
“Saan kaya naroroon ang sandok?” ang sambit nito.
“Hanapin mo, naririyan lamang yan,” ang sagot ng ina.
“Kanina pa nga ako hanap ng hanap e! Talagang wala!” sabi ng anak.
“Bakit ba hindi ka na lang magkaroon ng maraming mata nang makita mo ang hinahanap mo! Ito talagang anak ko, walang katiyaga-tiyaga.”
“Marami naman kayong sinisermon pa” ang wika ng anak sabay panaog. Marahil ay hahanapin niya ang sandok sa silong at baka nahulog.
Lumipas ang mga oras ngunit hindi na nakabalik si Pina sa itaas. Nawala siya na parang bula na naglaho at walang nakakita sa kanya kahit kapitbahay. Ilang araw ang nakaraan sa tulong at awa ay gumaling na si Aling Osang. Hinanap ng ina ang anak ngunit hindi na sila nagkita.
Isang araw, sa may bakuran ay nagwalis si Aling Osang. Laking gulat niya nang makita niya ang tumubong halaman malapit sa kanilang tarangkahan. Inalagaan niya iyon at dinilig araw-araw. Di nagtagal at nagkaroon ng bunga. Napansin niya ito at tila maraming mata. Tuloy naalala niya ang sinabi niya sa kanyang anak.

Alamat ng Pinya (Version 2)

Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang bugtong na anak. Kaya lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina. Kaya’t pinabayaan na lang niya ang kanyang anak.
Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw. Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano ng anak.
Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya’t napilitan si Pinang na gumagwa sa bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang nangyayari. Walang bagay na di makita at agad tinatanong ang kanyang ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya’t nawika nito:
“Naku! Pinang, sana’y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang tanong sa akin.”
Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain.
Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang.
Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong uri ang halaman iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito’y magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito’y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata.
Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pinang, na sana’y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang. Sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang Pinang ay naging Pinya.

Alamat ng Pinya (Version 3)

Noong unang panahon sa isang malayong nayon ay may naninirahang mag-ina, sina Aling Marya at ang kaisa-isa niyang anak na si Pina.
Palibhasa nag-iisang anak, si Pina ay hindi pinapagawa ng ina at sa halip siya ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay. Ang katwiran ni Aling Marya ay, “maliit at bata pa naman si Pina, matuto rin iyan”. Kaya ang nakasanayang gawin lang ni Pina ay maglaro, maligo, magbihis at matulog.
Ang anak ay lumaki sa layaw dahil na rin sa inang si Aling Marya. Noong dalagita na si Pina ay gusto na sana ni Aling Marya na turuan ang anak ng mga gawaing bahay, ngunit naging ugali na ni Pina ang katamaran. Kaya sa malimit na pangyayari, hindi na mautusan ng ina ang anak, palibhasa’y ina kaya matiisin. Kung ayaw magtrabaho ng anak, siya na ang gumagawa. Hanggang isang araw si Aling Marya ay nagkasakit ng malubha at palagi na lang nakahiga.
Pina: Naku! Bakit ka nagkasakit nanay?
Aling Marya : Ewan ko nga ba. Anak, pwede bang ipaglugaw mo ang nanay?
Sumunod naman ang anak sa utos ng ina. Naglugaw si Pina subalit dahil sa walang alam sa gawaing bahay ang nilutong lugaw ay nasunog. Pero masaya pa rin si Aling Marya kahit medyo mapait ang lugaw na kinain dahil kahit papaano ay napagsilbihan siya ng anak.
Tumagal ang sakit ni Aling Marya at si Pina ay nagrereklamo na sapagkat pagod na raw sa pagsisilbi sa nanay niya. Isang umaga, si Pina ay nagluto ng almusal at maghahain na lamang ito ngunit hindi makita ang sandok.
Pina: Saan kaya naroroon ang sandok? Saan ba iyon nakalagay?
Aling Marya: Hanapin mo, naririyan lamang yan.
Pina: Kanina pa nga ako hanap ng hanap pero hindi ko nga makita.
Aling Marya: Ito talagang anak ko, walang katiyaga-tiyaga. Bakit ba hindi ka na lang magkaroon ng maraming mata para makita mo ang hinahanap mo!
Pina: Marami pa naman kayong sinasabi eh, nagsesermon pa kayo!
Pagkasagot sa ina ay sabay panaog si Pina. Siguro ay hahanapin niya ang sandok sa silong at baka nahulog.
Lumipas ang maghapon, gumabi, at nag-umaga ngunit hindi na nakabalik si Pina sa itaas. Naglaho siya na parang bula, maging ang mga kapitbahay nila ay tumulong kay Aling Marya sa paghahanap pero talagang hindi na nakita si Pina. Ilang araw ang nakaraan sa tulong ng mababait na mga kapitbahay ay gumaling na si Aling Marya.
Hinanap pa rin ng ina ang anak ngunit talagang hindi na niya ito nakita. Isang araw habang nagwawalis sa bakuran si Aling Marya, ay nagulat ito ng makita ang umusbong na halaman sa malapit sa kanilang tarangkahan. Dinilig ni Aling Marya ang halaman at inalagaan araw-araw.
Di nagtagal at nagkaroon ng bunga ang halaman. Napansin ni Aling Marya na ang bunga ay tila hugis ulo na maraming mata. Naalala niya ang huling sinabi sa anak bago ito nawala, “Bakit ba hindi ka na lang magkaroon ng maraming mata para makita mo ang hinahanap mo!”.
“Si Pina nya!” ang sabi ng mga kapitbahay ng makita nila ang prutas na maraming mata habang itinuturo nila si Aling Marya.
Mula noon tuwing makikita ng mga tao ang prutas na maraming mata ay tinatawag nila itong si “Pina nya”. Nang lumaon ay naging Pinya na lamang ang naging tawag dito.
Aral
Huwag palakihing tamad ang mga anak.
Gamitin ang mga mata at hindi ang bibig na pang-hanap sa mga bagay.


Post a Comment

Previous Post Next Post