Minsan, may isang mahirap na magsasaka na nagmaymay-ari ng isang baka at isang kalabaw. Ang dalawang ito lang ang kayamanan niya. Araw-araw dinadala ang mga ito sa bukid upang mag-araro. Pinagtatrabaho niya nang sobra ang kaniyang mga alagang hayop kaya madalas silang magreklamo sa kaniya. Subalit hindi sila pinakikinggan ng malupit na amo. Isang araw napagod na sa ganoong uri ng buhay ang baka, sinabi niya sa kalabaw,
“Layasan na natin ang masamang tao na ’yan. Kahit napakarumi na natin, hindi man lang tayo pabayaang maligo. Kapag mananatili tayo rito kasama siya, matutulad tayo sa mga baboy na pangit at marurumi. Subalit kung lalayasan natin siya, mapipilitan siyang gawin ang sarili niyang trabaho. Makababawi na tayo. Bilisan mo! Alis na tayo!”
Nabuhayan ng loob ang kalabaw. Lumundag siya at umatungal nang malakas, at sinabi, “Matagal na rin akong nag-iisip na tumakas, subalit nagdadalawang isip ako dahil sa takot na baka ayaw mong sumama sa akin. Baka kaawaaan na tayo ng Diyos sa sobrang pagmamaltrato sa atin ng ating amo. Halika na! Alis na tayo!”
Umalis agad ang dalawang hayop. Tumakbo sila nang mabilis sa abot ng kanilang makakaya at pilit na umiwas sa mga tao. Pagsapit sa isang ilog, sabi ng baka, “Napakarumi natin, maligo muna tayo bago magpatuloy sa pagtakas. Napakalinis at linaw ng tubig sa ilog. Sandali na lang ay magiging mas malinis pa tayo kaysa noong bago tayo kunin ng ating napakasamang amo.”
Sumagot ang kalabaw. “Tumakbo pa tayo nang mas malayo, baka sinusundan na tayo ng ating amo. Isa pa, pagod na pagod na tayo. May nagsabi sa akin noon na masama sa kalusugan ang paliligo kapag pagod.”
“Huwag kang maniniwala diyan,” sagot ng baka. “Napakalaki ng katawan natin, kaya hindi tayo dapat matakot sa sakit.”
Sa wakas, napapayag ng baka ang kalabaw. Sabi niya, “Sige, hubarin natin ang mga damit natin bago lumusong sa tubig!”
Naghubad na nga ang dalawang hayop saka lumundag sa malalim at malamig na ilog. Mag-iisang oras na sila sa tubig nang matanaw nila na papunta sa kanila ang amo nila na may dalang malaking patpat. Tumakbo sila papunta sa kanilang mga damit. Sa pagmamadali, naisuot ng kalabaw ang damit ng baka at naisuot naman ng baka ang sa kalabaw. Nang nakabihis na sila, ipinagpatuloy nila ang mabilis nilang pagtakas. Sapagkat pagod na pagod na ang kanilang amo, nagpasiya ito na tumigil na sa paghabol at umuwi itong bigo.
Dahil sa higit na malaki ang kalabaw kaysa sa baka, naging maluwag ang balat sa leeg ng baka mula noon. At sapagkat nagkalayo ang dalawang magkaibigan, hindi na nila kailanman naibalik ang damit ng isa’t-isa. Samantala, dahil sa pagkakamali ng bihis na damit ng dalawang hayop, naging mahigpit naman ang balat sa leeg ng kalabaw.
Post a Comment