Bakit Hati Ang Kuko Ng Kalabaw


Minsan nagkasalubong ang kalabaw at ang pagong sa daan. Naglakad sila sa kagubatan at nagkaroon ng magandang pag-uusap. Ang pagong ay komikero, at madalas magpamalas ng kaniyang galing sa pagkuha ng pagkain na may halong pandaraya. Gustong-gusto niya maging kaibigan ang kalabaw sapagkat naisip niya na kapag naging magkaibigan sila, ang malaking hayop na ito ang tutulong sa kaniya sa tuwing mapapaaway siya. Kaya sinabi niya sa kalabaw, 


“Magsama na tayo sa isang tirahan at sabay maghanap ng makakain. Sa ganitong paraan, matitigil ang pagkabagot natin sa buhay mag-isa.” 


Subalit suminghal ang kalabaw sa mungkahi niya. Sumagot ito, “Ikaw na makupad! Kung gusto mo, doon ka mamuhay kasama ang mga utusang bubuyog, at hindi ang isang tulad kong mabilis at malakas.” 


Masyadong nasaktan ang pagong. Upang makabawi, hinamon niya sa isang karera ang kalabaw. Noong una, ayaw tanggapin ng kalabaw ang hamon. Naisip niyang lalabas siyang kahiya-hiya kung makikipagkarera siya sa isang pagong. Sinabi ng pagong sa kalabaw, 


“Kung hindi ka makikipagkarera sa akin, ipapamalita ko sa buong kagubatan, kakahuyan, at kabundukan, at sasabihin ko sa lahat ng mga kasamahan mo at mga kaibigan ko, at sa buong kaharian ng mga hayop na duwag ka.” 


Dahil dito nakumbinsi din ang kalabaw, at sinabi niya, “Sige, bigyan mo lang ako ng tatlong araw para paghandaan ang karera.” 


Masayang-masaya naman ang pagong na naurong nang tatlong araw ang karera. Dahil dito, mapaghahandaan din niya ang mga plano niya. Napagkasunduan ng pagong at kalabaw na paabutin ang karera hanggang sa pitong burol. 


Kaagad-agad na binisita ng pagong ang pito sa kaniyang mga kaibigan. Sinabi niya sa kanila na kapag nanalo siya, para ito sa karangalan ng kaharian ng mga pagong. Nangako naman sila na tutulungan siya. Kinabukasan, ipinuwesto niya ang isang pagong sa itaas ng bawat burol pagkatapos silang bigyan ng tagubilin. 


Dumating ang ikatlong araw. Kinabukasan, maagang-maagang nagkita ang pagong at kalabaw sa nagpagkasunduang burol. 


Sa isang hudyat, nagsimula na ang takbuhan. Hindi nagtagal, hindi na nakita ng mga mananakbo ang isa’t isa. Pagdating sa ikalawang burol, labis na nagtaka ang kalabaw dahil naroon na at nauna pa sa kanya ang pagong. Sumigaw siya, “Narito ako!” Kaagad namang nawala ang pagong. At sa bawat narating na burol, nauuna talaga sa kaniya ang pagong. Sa ikapitong burol, naisip niya na talo na siya. Lubha siyang nagalit kaya sinipa niya ang pagong. Dahil sa napakatigas ng balat ng pagong, di man lang ito nasaktan. Pero nahati sa dalawa ang kuko ng kalabaw sa lakas ng pagsipa niya. Hanggang ngayon, dala-dala pa rin ng mga kalabaw ang tatak ng hindi makatarungang ginawa ng kanilang ninuno laban sa isa na alam niyang higit na mahina sa kaniya. 

Post a Comment

Previous Post Next Post