Ano ang pabula?


Ang pabula (fable) ay isang maiksing kuwentong kathang-isip na kinatha nuong unang panahon. Eto ay ginagampanan ng mga hayop na nagsasalita at kumikilos na tulad ng tao. Ang pabula ay tumatalakay sa mga kilos at pag-uugali na nangangailangang ituwid o baguhin dahil sa pagiging hindi
mabuti o makatarungan.

Itinuturo sa atin ng pabula ang tama, patas, makatarungan, at makataong ugali at pakikitungo sa ating kapwa. Ang mga pabula ay lumaganap dahil sa mga magagandang aral sa buhay na ibinibigay nito.

Bakit mga hayop, at hindi tao, ang pangunahing gumaganap sa pabula?

Ang isang dahilan ay ang mga hayop (animals) ay may kanya-kanyang likas na katangian na madaling isalarawan upang mas maging malinaw ang paglalahad ng kuwento. Mga katangian na tulad ng pagiging maamo (tupa), mabagsik (lobo), masipag (langgam), mapanlinlang, at marami pang iba.

Ang isa pang dahilan ay nuong unang panahon ay magkakasama ang mga tao bagamat sila ay mula sa iba't-ibang lipi at antas ng lipunan. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga hayop bilang pangunahing tauhan sa pabula ay naiiwasan ang pagkakagalit at pagtatalu-talo ng mga tao sa maaaring maging  maling pag-aakala na ang kanilang lipi, o antas sa lipunan, ang tinatalakay at pinupuna pabula,

Sino si Aesop?

Si Aesop ay isang Griego (Greek) na namuhay nuong panahong 620- 560 BC at itinuturing na ama ng mga sinaunang pabula (ancient fables) Si Aesop ay isinilang na kuba at may kapansanan sa pandinig. Siya ay unang lumaki na isang alipin subalit sa kanyang ipinakitang sipag, katapatan, at talino ay pinagkalooban siya ng kalayaan ng kanyang amo at hinayaang maglakbay at makilahok sa mga kilos pambayan. Dito lumabas at nakilala ang kanyang talino at pagiging makatarungan. Siya ay lumikha ng mga pabula upang turuan ang mga tao sa tamang pag-uugali at pakikitungo sa kapwa. Tinataya na siya ay lumikha ng mahigit sa 200 pabula nang siya ay nabubuhay pa.

Ano ang kahalagahan ng pabula?

Nuong unang panahon, nang ang pamumuhay ng mga tao ay simple pa lamang, ang pabula ay ginagamit upang turuan ang mga tao sa tamang pag-uugali at pakikitungo sa kapwa.

Sa paglipas nang panahon ang pabula ay ginawang kuwentong pambata na karaniwang isinasalaysay sa mga bata bago sila patulugin (bedtime stories) ng kanilang mga magulang.

Sa panahon ngayon ang pabula ay muling binalikan at muling sumisikat sapagkat eto ay ginagamit sa ibang paraan upang kapulutang ng mga aral. Halimbawa sa larangan ng negosyo ang pabula ay ginagamit ng pamunuan ng mga kumpanya upang turuan and kanilang mga manggagawa sa wasto
at karapat-dapat na pakikitungo sa kanilang mga kalakalan, sa mga kapwa empleyado, at maging sa kanilang mga katunggali sa kalakalan.


Post a Comment

Previous Post Next Post