Si Mariang Mapangarapin
Magandang dalaga si Maria.
Masipag siya at masigla. Masaya at matalino rin siya. Ano pa’t masasabing isa
na siyang ulirang dalaga, kaya lang sobra siyang pamangarapin. Umaga o tanghali
man ay nangangarap siya. Lagi na lamang siyang nakikitang nakatingin sa malayo,
waring nag-iisip at nangangarap nang gising. Dahil dito, nakilala siya sa tawag
na Mariang Mapangarapin. Hindi naman nagalit si Maria bagkus pa ngang ikinatuwa
pa yata niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.
Minsan niregaluhan siya ng
isang binata ng isang dosenang dumalagang manok. Tuwang-tuwa si Maria!
Inalagaan niyang mabuti ang alaalang bigay sa kanya ng nag-iisang manliligaw
niya. Nagpagawa siya sa kanyang ama ng kulungan para sa mga manok niya. Higit
sa karaniwang pag-aalaga ang ginawa ni Maria. Pinatuka niya at pinaiinom ang
mga ito sa umaga, sa tanghali at sa hapon. Dinagdagan pa ito ng pagpapainom ng
gamot at pataba. At pinangarap ni Maria ang pagdating ng araw na magkakaroon
siya ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming itlog.
Lumipas ang ilang buwan
hanggang sa dumating ang araw na nangitlog ang lahat na inahing manok na alaga
ni Maria. Labindalawang itlog ang ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw. At
kinuwenta ni Maria ang bilang ng itlog na ibibigay ng labindalawang alagang
manok sa loob ng pitong araw sa isang linggo. Kitang-kita ang saya ni Maria sa
kanyang pangarap.
At
inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa araw-araw. Nabuo ito
sa limang dosenang itlog. At isang araw ng linggo ay pumunta sa bayan si Maria.
Sunong niya ang limang dosenang itlog. Habang nasa daan ay nangangarap nang
gising si Maria. Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang itlog. Pagkatapos,
bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bistida at saka
lumakad siya ng pakendeng-kendeng. Lalong pinaganda ni Maria ang paglakad nang
pakendeng-kendeng at BOG!
Nahulog
ang limang dosenang itlog! Hindi nakapagsalita si Maria sa kabiglaan. Saka siya
umiyak nang umiyak. Naguho ang kanyang pangarap kasabay ng pagbagsak ng limang
dosenang itlog na kanyang sunung-sunong.
Aral:
- Hindi masama ang mangarap. Ngunit mas mabuti kung bigyang pansin ang kasalukuyan at mag-pokus upang makamit ang pangarap na ninanais.
- Huwag magbibilang ng sisiw hangga’t hindi pa napipisa ang itlog.
Post a Comment