Si Juan at ang mga Alimango
Isang araw si Juan ay
inutusan ng kanyang inang si Aling Maria. “Juan, pumunta ka sa palengke at
bumili ng mga alimangong maiuulam natin sa pananghalian.”
Binigyan
ng ina si Juan ng pera at pinagsabihang lumakad na nang hindi tanghaliin.
Nang
makarating si Juan sa palengke ay lumapit siya sa isang tinderang may tindang
mga alimango at nakiusap na ipili siya ng matataba. Binayaran ni Juan ang
tindera ng alimango at nagpasalamat siya.
Umuwi
na si Juan ngunit dahil matindi ang sikat ng araw at may kalayuan din ang bahay
nila sa palengke ay naisipan ni Juan na magpahinga sa ilalim ng isang
punungkahoy na may malalabay na sanga. Naisip niyang naghihintay sa kanya ang
ina kaya’t naipasya niyang paunahin nang pauwiin ang mga alimango.
“Mauna
na kayong umuwi, magpapahinga muna ako, ituturo ko sa inyo ang aming bahay.
Lumakad na kayo at pagdating sa ikapitong kanto ay lumiko kayo sa kanan, ang
unang bahay sa gawing kaliwa ang bahay namin. Sige, lakad na kayo.”
Kinalagan
ni Juan ang mga tali ng mga alimango at pinabayaan nang magsilakad ang mga
iyon. Pagkatapos ay humilig na sa katawan ng puno. Dahil sa malakas ang hangin
ay nakatulog si Juan. Bandang hapon na nang magising si Juan. Nag-inat at
tinatamad na tumayo. Naramdaman niyang kumakalam ang kanyang sikmura.
Nagmamadali nang umuwi si Juan.
Malayu-layo
pa siya ay natanaw na niya ang kanyang ina na naghihintay sa may puno ng
kanilang hagdan. Agad na sinalubong ni Aling Maria ang anak pagpasok nito sa
tarangkahan.
“Juan,
bakit ngayon ka lang umuwi, nasaan ang mga alimango?”
“Bakit
po? Hindi pa po ba umuuwi?” Nagulat ang ina sa sagot ni Juan. “Juan, ano ang
ibig mong sabihin?”
“Nanay,
kaninang umaga ko pa po pinauwi ang mga alimango. Akala ko po ay narito na.”
“Juan,
paanong makauuwi rito ang mga alimango? Walang isip ang mga iyon.”
Hindi
naunawaan agad ni Juan ang paliwanag ng ina. Takang-taka siya kung bakit hindi
nakauwi ang mga alimango. Sa patuloy na pagpapaliwanag ng ina ang mga alimango
ay hindi katulad ng mga tao na may isip ay naliwanagan si Juan na mali nga ang
ginawa niyang pagpapauwi sa mga alimango.
Aral
·
Unahin ang inuutos ng Ina at iwasan ang pagiging tamad.
·
Huwag utusan ang mga hayop ng mga gawaing pang-tao dahil hindi
lahat ng hayop ay may kakayahang sundin ito.
Post a Comment