Kambing at Kalabaw


Ang Magkapitbahay na Kambing at Kalabaw

Magkapitbahay ang kalabaw at ang kambing. Isang umaga ay nagpunta sa kapitbahay ang kambing.
“Ako ay nagugutom. Tayo na sa kabila ng ilog. Maraming bunga ng mais. Kumain ka ng kumain ng sariwang damo, kakain naman ako ng kakain ng mga murang mais,” ang sabi ng kambing sa kalabaw.
“Oo, tayo na,” ang sabi ng kalabaw.
“Pero hindi ako marunong lumangoy. Dalhin mo ako sa likod mo,” ang wika ng kambing.
Sumakay nga ang kambing sa kalabaw. Ito naman ay lumangoy sa ilog hanggang sa kabilang ibayo. Kumain sila ng kumain doon. Mabilis kumain ang kambing. Ang kalabaw naman ay hihinay-hinay kumain.
Madaling nabusog ang kambing. Ang kalabaw naman ay hindi pa nabubusog. Nainip na ang kambing. Kaya nagyaya nang umuwi.
“Kapitbahay, gusto ko nang umuwi. Busog na ako,” ang sabi ng kambing.
“Mabuti ka pa busog na,” ang sagot ng kalabaw. “Maghintay ka na muna.”
Nayamot na ang kambing. Inisip kung paano niya mapatitigil sa pagkain ang kalabaw. Mayroon siyang naisip. Naglulundag ang kambing. Gumawa ito ng malaking ingay.
Dahil sa ingay na iyon ay narinig sila ng mga tao. Nagdatingan ang mga tao. Nakita nilang kumakain ang kalabaw. Hinambalos nila nang hinambalos ang kalabaw.
“Ano, kapitbahay, gusto mo na bang umuwi?” Ang tanong ng kambing sa kalabaw.
“Oo, tayo na nga. Sige, lundag nasa likod ko,” ang sabi ng kalabaw. At lumakad nang papunta sa ilog.
Nang sila ay nasa gitna na ng ilog, huminto ang kalabaw. Tinanong niya kung bakit nag-ingay ang kambing.
“Ewan ko nga ba. Tuwing ako ay mabubusog, ay gawi ko na ang kumanta at magsayaw,” ang sagot ng kambing.
Lumakad na rin sa tubig ang kalabaw. Walang anu-ano ay narating nila ang malalim na bahagi ng ilog. Muling huminto ang kalabaw.
“O, bakit kahuminto? ang tanong ng kambing.
“Alam mo kapag ako ay nasa tubig, ay siyempre gusto kong gumulong-gulong sa tubig,” ang sabi ng kalabaw.
“Aba, huwag! Paano ako, mahuhulog ako sa tubig. Hindi naman ako marunong lumangoy,” ang sigaw ng kambing.
“E alam mo kapitbahay, naging bisyo ko na ang gumulong-gulong sa tubig,” at sinabayan nga ng gulong sa tubig.
Bumagsak sa tubig ang kawawang kambing. Hindi ito marunong lumangoy. Nalunod ang kambing.

Aral

·         Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sayo.


Post a Comment

Previous Post Next Post