Ang Taong Di-Marunong Magpatawad


Ang Taong Di-Marunong Magpatawad

Isang hari ang nagpasyang alamin ang pagkakautang sa kanya ng kanyang mga alagad. Nagsisimula pa lamang siya nang biglang iharap sa kanya ang isa sa kanyang mga alagad dahil sa milyung-milyong dolyar na utang nito sa hari. Ang alagad ay walang maibayad sa napakalaking pagkakautang nito, kaya ipinag-utos ng hari na ipagbili ito bilang alipin kasama ang kanyang asawa at mga anak. Gayundin, ang lahat ng kanyang ari-arian ay iniutos na kunin upang maidagdag sa bayad sa hari.


Lumuhod at nagmakaawa sa hari ang lalaki.


"Bigyan ninyo po ako ng panahon at babayaran ko kayo," pagsusumamo nito sa hari. Naawa naman sa kanya ang hari kaya't siya ay pinatawad sa kanyang pagkakautang.


Nang lumabas ang lalaki upang umuwi na ay nasalubong niya ang isang kapwa alagad na may utang sa kanyang ilang dolyar. Agad niya itong hinawakan at sinimulang sakalin.


"Bayaran mo ang utang mo sa akin," matigas na sabi nito.


Lumuhod ang kanyang kapwa alagad at nagmakaawa sa kanya.


"Bigyan mo ako ng panahon at babayaran kita," pagmamakaawa nito.


Ngunit hindi niya ito pinatawad at sa halip ay kanyang ipinakulong. Nagalit ang ibang alagad ng hari nang mabatid nila ang pangyayari. Ipinaalam nila sa hari ang ginawa ng lalaki sa kanyang kapwa alagad na may utang sa kanya.


Ang lalaki ay ipinatawag ng hari.


"Ikaw ay isang walang kwentang alipin! Pinatawad kita sa lahat ng iyong pagkakautang dahil nagmakaawa ka sa akin. Dapat ay naawa ka rin sa iyong kapwa alagad tulad ng pagkaawa ko sa iyo," wika ng hari.


Dahil sa galit, ipinabilanggo ng hari ang lalaki hanggang sa mabayaran nito ang kanyang pagkakautang.

Post a Comment

Previous Post Next Post