Si Antonio Luna de San Pedro y Novicio-Ancheta ay isinilang noong October 29, 1866 sa Binondo, Maynila mula sa mag-asawang Laureana Novicio-Ancheta, isang mestisang tubong-Ilocos, at Joaquin Luna de San Pedro, isang ahente na tubong-La Union. Siya ay bunso sa pitong magkakapatid. Siya ay nakababatang kapatid ng tanyag na pintor na si Juan Luna (ang lumikha sa Spoliarium) at Joaquin Luna, na isa ring heneral.
Matalinong bata si Luna. Una siyang nag-aral ng pagbabasa, pagsusulat at aritmetika sa ilalim ng pamamahala ni Maestro Intong sa edad na anim na taong gulang. Pumasok siya sa Ateneo Municipal de Manila kung saan niya nakuha ang kanyang Bachelor of Arts noong 1881.
Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng kemiko, musika at literatura sa University of Santo Tomas. Nanalo siya ng unang gantimpala para sa kanyang isinulat na “Dos Cuerpos Fundamentales de la Quimica” (Two Fundamental Bodies of Chemistry) sa nasabing unibersidad. Bukod rito, nagsanay rin si Luna ng pag-eeskrima, pag-eespada at iba pang taktikang pang-militar sa ilalim ni Don Martin Cartagena.
Noong 1890, nagtungo siya, kasama ang kapatid na si Juan, sa Madrid upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Nakuha niya ang kanyang lisensya sa parmasiya mula sa Universidad de Barcelona, at doctorate naman sa Universidad Central de Madrid. Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng bacteriology at histology sa Pasteur Institute sa Paris, France hanggang sa Belgium.
Habang nasa Espanya, nakapaglimbag siya ng isang pag-aaral ukol sa sakit na malaria. Dahil sa kanyang papel, itinalaga siya bilang isang espesiyalista sa communicable and tropical diseases ng pamahalaan ng Espanya noong 1894. Sa Europa na rin siya sumali sa kilusang Propaganda at nagsulat sa makabayang pahayagan na La Solidaridad sa ilalim ng alyas o sagisag-panulat na “Taga-ilog”. Kagaya ng ilang Filipino sa Europa, sumapi rin sa Masonerya si Luna.
Makalipas ang isang taon, nagbalik ang magkapatid na Luna sa Pilipinas. Naging punong kemiko si Antonio ng Municipal Laboratory sa Maynila. Katuwang ang kapatid na si Juan, itinatag nila ang Sala de Armas, isang samahan ng mga eskrimador, sa Maynila.Bagama’t hinikayat ang magkapatid na Luna na sumapi sa lihim na samahan na Katipunan, tumanggi ang dalawa. Bagama’t hindi naging kasapi, inaresto pa rin ang magkapatid, kasama ang isa pa nilang kapatid na si Jose Luna, noong 1896. Pinakawalan si Juan, habang si Antonio’y ipinatapon at ipiniit sa Carcel Modelo de Madrid sa Espanya. Sa tulong ng impluwensya ng kanyang kapatid na si Juan, napalaya si Antonio noong 1897.
Kasunod ng pagkakaaresto sa kanilang magkakapatid, at pagbaril sa kanilang kaibigan na si Rizal noong December 1896, pinagbuti ni Antonio ang kasanayan sa militarya at nag-aral sa ilalim ni Gerard Leman bago siya nagtungo sa Hong Kong. Sa Hong Kong siya nakipagkita kay Pangulong Emilio Aguinaldo, at siya’y bumalik sa Pilipinas noong July 1898 upang pangunahan ang digmaan.Sa pagtatapos ng Digmaang Filipino-Espanyol, panibagong kalaban naman ang dumating – ang mga Amerikano.
Inutusan ng talagang si Antonio Luna ang iba pang mga komandante na magpadala ng karagdagang tropa sa Maynila upang mapigilan ang pagpasok ng mga Kano ngunit tumutol si Aguinaldo. Naniniwala ang Pangulo na mabuti ang hangarin ng Amerika para sa bansa. Ngunit taliwas sa paniniwala ni Aguinaldo, kalaban din pala ang Amerika. Itinalaga ng pangulo si Antonio Luna bilang Brigadier General noong September 26, 1898 at pinangalanan bilang hepe ng digmaan.Ipinagpatuloy ni Luna ang digmaan, ganun na rin ang pagsasaayos sa militar – sa uniporme, sa organisasyon, sa asal at disiplina, at sa pakikitungo sa Amerika.
Naniniwala si Luna na kailangan ng pagbabago sa militarya ng Pilipinas. Dahil dito, itinatag niya noong October 1898 sa Malolos ang Academia Militar (ngayo’y Philippine Military Academy), na tumakbo lamang ng ilang buwan bago sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika noong February 1899.Pagsiklab ng Digmaang Filipino-Amerikano, pinangunahan ni Heneral Luna ang katipon ng mga sundalong lalaban sa mga Amerikano sa La Loma.
Isa pang pag-atake ang naganap noong February 23, 1899 ngunit hindi ito naging matagumpay kasunod ng pagtanggi ng ilang sundalo mula Cavite na sumunod sa utos ni Heneral Luna. Ani ng mga tropa ng Cavite, kay Pangulong Aguinaldo lamang sila susunod. Kilalang istrikto at mainitin ang ulo, dinisarmahan ni Luna ang mga sundalo. Muling inarmasan ni Aguinaldo ang mga sundalong ito, at itinalaga pa bilang Presidential Guards.
Kasunod ng insidenteng ito, at ilang pang problema sa mga sundalo, nagbitiw sa puwesto si Luna na tinanggap naman ni Pangulong Aguinaldo. Kasabay ng paglakas ng puwersa ng Amerika, hinikayat ni Pangulong Aguinaldo si Heneral Luna na bumalik sa tungkulin, at siya’y itinalaga bilang punong hepe ng sandatahang lakas.
Binalaan ng kapatid na si Joaquin si Heneral Luna noong May 1899 na may mga sundalong nagsasabwatan upang siya’y paslangin. Ipinagkibit-balikat lamang ito ng heneral at naniniwalang hindi siya hahayaan ni Pangulong Aguinaldo na mapatay.June 2, 1899. Nakatanggap ng dalawang telegrama si Heneral Luna. Ang una’y pinapupunta siya sa isang pag-atake sa San Fernando, Pampanga.
Ang ikalawang telegrama naman ay mula kay Pangulong Aguinaldo, na nag-uutos sa kanyang magtungo sa bagong kabisera, sa Cabanatuan, Nueva Ecija, para sa bubuuing bagong gabinete. Nagdesisyon si Heneral Luna na magtungo sa Cabanatuan, kasama ang 25 katao. Dahil sa problema sa transportasyon, naiwan ang ilang mga sundalo at tanging si Luna, kasama sina Col. Francisco “Paco” Roman at Capt. Eduardo Rusca, ang nagtungo sa Cabanatuan.
Sa halip na si Aguinaldo, kamatayan pala ang katatagpuin nila. June 5, 1899, narating ng tatlo ang bagong kabisera. Imbes na si Aguinaldo, mga sundalong kanyang dinisarmahan at si Felipe Buencamino, ministro ng Ugnayang Panlabas, ang sumalubong sa kanya. Nang magtanong ang Heneral kung nasaan ang Pangulo, sinabing nakaalis na ito patungong San Isidro, Nueva Ecija.
Dahil sa inis, nagkapalitan ng mga maaanghang na salita sina Luna at Buencamino. Pansamantala itong natigil matapos siyang makarinig ng putok ng baril sa ibaba. Dali-daling bumaba ang Heneral at siya’y sinalubong ni Pedro Janolino, kasama ang Kawit Batallion, ang Presidential Guards ni Aguinaldo. Dito na siya halinhinang sinaksak, pinagtataga at binaril ng mga sundalo ni Aguinaldo.
Nagtamo ng higit 30 sugat ang heneral. Sa edad na 32 taong gulang, pumanaw ang magiting na heneral sa kamay ng mga Filipino. Kasama rin sa nasawi si Heneral Roman. Sa pagkamatay ni Heneral Luna, humina ang puwersa ng mga Filipino.
Napilitang tumakas si Aguinaldo pa-hilaga bago siya nahuli ng mga Amerikano sa Palanan, Isabela noong March 1901. Itinanggi ng Pangulo na siya ang nasa likod ng pagkamatay ni Luna. Noong 2018, nadiskubre ng mga kaanak ni Luna ang orihinal na telegramang natanggap ng heneral bago siya paslangin.
Post a Comment