Ang laban ng mga alimango


Ito ay kuwento mula sa Visayas.


Isang araw, nagpulong ang mga alimango. Sabi ng isa sa kanila, “Ano ang gagawin natin sa mga alon? Palagi silang kumakanta nang malakas, hindi na tayo makatulog.” 


“Kung gano’n,” sagot ng isa sa mga pinakamatandang alimango, “kailangan na nating makipagdigma sa kanila.” 


Sinang-ayunan ito ng iba. Napagkasunduan nila na kinabukasan ay kailangan maghanda sa pakikipaglaban sa mga alon ang lahat ng mga lalaking alimango. Papunta na sila sa dagat tulad ng napagkasunduan nang makasulubong nila ang isang hipon. 


“Mga kaibigan, saan kayo pupunta?” tanong ng hipon. 


“Makikipaglaban kami sa mga alon,” sagot ng mga alimango. “Sapagkat masyado silang maingay sa gabi at hindi na kami makatulog.” 


“Sa tingin ko hindi kayo magtatagumpay,” sabi ng hipon. “Napakalakas ng mga alon samantalang napakahina ng mga binti n’yo na halos sumasayad na sa lupa pati ang mga katawan n’yo kapag lumalakad kayo.” Tumawa nang malakas ang hipon pagkatapos. 


Ito ang lalong nagpagalit sa mga alimango. Sinipit nila ang hipon hanggang sa mangako ito na tutulong sa kanilang pakikipaglaban. 


Nagpunta silang lahat sa tabing-dagat. Napansin ng alimango na iba ang puwesto ng mga mata ng hipon at hindi katulad ng sa kanila. Naisip nila na may mali kaya pinagtawanan nila ito, at sinabi sa kaniya, “Kaibigang hipon, nakaharap sa maling direksiyon ang mukha mo. Ano ang sandata mo sa pakikipaglaban sa mga alon?” 


“Ang sibat sa aking ulo ang sandata ko,” sagot ng hipon. Pagkasagot na pagkasagot niya, nakita niya na may malaking alon na paparating at tumakbo siya papalayo. Hindi ito nakita ng mga alimango, sapagkat nakatingin silang lahat sa tabing-dagat. Natabunan sila ng tubig at nalunod. 


Hindi nagtagal, nag-alala na ang mga asawa ng mga alimango dahil hindi na sila bumalik. Dahil dito, pumunta sila sa may tabing-dagat para tingnan kung may maitutulong sila sa labanan. Ngunit hindi nagtagal, natabunan rin sila ng tubig at namatay. 


Libo-libong maliliit na alimango ang nakita sa may tabing-dagat. Binibisita silang madalas ng hipon at ikinukuwento sa kanila ang malungkot na sinapit ng kanilang mga magulang. Magpasahanggang ngayon, makikita pa rin ang maliliit na alimangong ito na patuloy na tumatakbo papunta at pabalik sa tabing-dagat. Tila nagmamadali silang bumaba para labanan ang mga alon. Kapag hindi naging sapat ang tapang nila, tumatakbo sila pabalik sa lupa kung saan tumira ang kanilang mga ninuno. Hindi sila tumira sa lupa tulad ng kanilang mga ninuno at hindi rin sa dagat kung saan nakatira ang ibang mga alimango. Nakatira sila sa tabing-dagat kung saan tinatangay at sinusubukan silang durugin ng alon kapag mataas ang tubig sa dagat. 

Post a Comment

Previous Post Next Post