Isang araw, may isang alakdan na lumilibot sa bundok upang makahanap ng lilipatan. Nilakbay niya ang mga gubat, burol... Umakyat sa mga batuhan at halamanan hanggang sa umabot siya sa isang ilog. Malawak at mahaba ang ilog kaya huminto siya at nagplano. Walang paraan para siya ay makatawid kaya't siya ay naglibot paakyat-pababa sa paligid ng ilog hanggang sa siya'y napaisip na bumalik na lamang. Mula sa isang tabi, may nakita siyang isang palaka na tumatawid sa ilog. Naisip niyang humingi ng tulong dito.
"Magandang Umaga Ginoong Palaka!" tawag ng alakdan. "Maaari mo ba kong isakay sa iyong likod para makatawid sa ilog?"
"Ayoko nga, paano ako makakasiguro na hindi mo ko papatayin?" tanong nang nangangambang palaka.
"Dahil," sagot ng alakdan. "Kung patayin kita, mamamatay din ako dahil hindi ako marunong lumangoy!"
Mula doon ay napaisip ang palaka. May punto nga naman ang alakdan... Nguni't para makasiguro ay tinanong niya ito ulit.
"Paano kung malapit na tayo sa baybayin? Maaari mo pa rin akong patayin tapos ay ikaw na lang ang uusad sa gilid ng ilog."
"Totoo," sumang-ayon ang alakdan, "Pero walang paraan para ako ay umabot sa kabilang dulo ng ilog."
"O sige... paano kung aantayin mo lamang tayong makatuntong sa kabilang dulo bago mo ko patayin." sabi ni palaka.
"Ahhh... dahil kapag nadala mo na ko sa kabilang dulo, magkakaroon ako ng utang na loob sa iyo kaya't hindi ko magagawang patayin ka, diba?" sagot ng alakdan.
Sumang-ayon ang palaka na itawid ang alakdan kaya siya ay nagpunta sa kinaroroonan nito at isinakay siya. Matapos noon, ay tumawid na ang palaka sa ilog na kasama ang alakdan... Bagaman malakas ang daloy ng ilog, siniguro niya na di malulunod ang kanyang pasahero. Nguni't sa kalagitnaan ng kanilang paglalakbay, naramdaman ng palaka na may tumusok sa kanyang likuran. Nang napasilip siya ay nakita niyang tinatanggal ng kanyang pasahero ang nakatusok na buntot na may lason sa kanyang likuran. Namanhid ang kanyang laman-loob hanggang sa kumalat ito sa kanyang buong katawan.
"Loko-loko!" sambi't ng palaka, "Ngayon mamamatay tayong dalawa! Bakit mo ginawa yon?"
Nagkipit-balikat ang alakdan at sinabing, "Wala akong magawa, natural na sa akin ang ganoon." At sabay silang nalunod sa malalim na ilog.
ARAL:
May mga taong mahirap baguhin ang kanilang pag-uugali. Kadalasan, nagkakamali tayong balewalain ang katotohanang ito. Minsan nakikipagkaibigan tayo sa mga taong hindi angkop na maging mabuting kaibigan o pumapasok tayo sa isang relasyon sa pag-aakalang mababago natin ang ugali ng kapareha. Bagama't karamihan sa atin ay likas na mabuti, may mga taong likas na ang kasamaan kaya laging mag-ingat sa pakikipaghalubilo sa mga taong hindi lubos na kilala bago pa maging huli ang lahat.
Post a Comment