Ang mga Bubuyog at ang mga Putakti

Kasalukuyang pinag-aagawan ng mga bubuyog at ng mga putakti kung sino ang magmamay-ari ng pulot sa may pukyutan.

Sa hindi pagpayag ng magkabilang panig sa pakikipagkasundo, nauwi ito sa korte.
Ayon sa hukom (na isa ring insekto) hindi madaling magdesisyon kung sino ba ang nagsasabi ng totoo sa magkabilang panig.

May mga testigo na nagsasabing ang mga insektong nakitang labas pasok sa pukyutang iyon ay mga may kulay itim at dilaw. Ngunit hindi ito naging mabisang pahayag upang malaman kung sino talaga ang nagmamay-ari ng pukyutang iyon, dahil parehong may itim at dilaw ang katawan ng mga bubuyog at putakti.
Kaya't nagdesisyon ang hukom na maghintay pa at maghanap ng ibang impormasyon tungkol dito.

Sa naging pahayag ng hukom, naisip ni reynang bubuyog na baka sa haba ng kanilang paghihintay ay masira na ang mga pulot sa pukyutang iyon. Kaya't nakaisip siya ng solusyon, sinabi niya sa hukom na nais niyang ang bawat panig ay muling gumawa ng panibagong pukyot, at kung sino man ang mas pinakamabilis na maktapos ng pukyot ang siyang magmamay-ari ng pulot sa pukyutang iyon.

Sa kasamaang palad, ang mga putakti ay hindi talaga nakgagawa ng sarili nilang pukyot, kaya't hindi nila tinanggap ang suhestiyong iyon. Dahil sa hindi nila pagpayag sa kasunduang iyon, nagdesisyon na ang hukom na ibigay ang pukyot sa mga bubuyog.

Mensahe:
Kailan ma'y hindi nagtatagumpay ang nagsisinungaling sa nagsasabi ng totoo.

Post a Comment

Previous Post Next Post