Ang Alamat ng Pinya


Nuong unang panahon sa isang malayong nayon ay may naninirahang isang batang babae. Ang pangalan niya ay Filipina at ang kanyang palayaw ay Pina. Bata pa si Pina nang maulila kaya siya ay kinupkop ng kanyang tiyahing si Marta.

Si Pina ay mabait, masipag, at mapagtiis samantalang ang kanyang tiyahin ay tamad, masungit, at pabaya sa buhay. Nang bata pa si Pina ay nagkasakit siya ngunit hindi siya ipinagamot ni Marta bagay na naging dahilan upang manlabo ang kanyang mga mata. Napilitan siyang huminto sa pag-aaral dahil hindi na niya mabasa ang mga aralin sa paaralan. Kuntento na lamang siya na tumulong sa
mga gawaing bahay at makipaglaro sa mga kapwa bata.

Lumipas pa ang maraming araw at mas lumubha ang panlalabo ng kanyang mga mata. Kadalasan kapag sila ay naglalaro ng taguan ang mga salbaheng bata ay hindi na nagtatago at sa halip ay nanatiling nakapaligid sa kanya. Sapagkat bahagya niyang naaaninang ang mga kalaro ang mga salbaheng bata ay kinukurot siya sa iba't-ibang bahagi ng katawan habang kinukutya ang kanyang
kapansanan. Ang lahat ng mga eto ay kanyang pinagtitiisan.

Isang araw habang siya'y naglalaro sa harapan ng kanilang bahay ay galit na tinawag siya ni Marta.  "Pina, maghugas ka ng mga pinggan at kaldero sa kusina. Ang tamad- tamad mo!" sigaw si Marta. "Pagkatapos mong maglinis sa kusina ay maglaba ka."

Agad namang iniwan ni Pina ang paglalaro at nagtungo sa kusina upang maghugas. Ano ba't dahil sa panlalabo ng kanyang mga mata ay di sinasadyang natabig niya ang lalagyan ng mga pinggan at baso, at bumagsak ang mga gamit sa sahig. Nang makita ni Marta na nabasag ang ilang plato at baso ay labis siyang nagalit. Kinuha niya ang walis tingting at malakas na pinagpapalo si Pina
sa kanyang mga binti.

"Wala kang silbi! Dapat ang ulo mo'y napaliligiran ng mga mata para nakikita mo ang lahat ng nasa paligid mo!" malakas na sigaw ni Marta habang pinapalo pa rin si Pina.

"Tiya, patawarin po ninyo ako. Hindi ko po sinasadya," pagmamakaawang pakiusap ni Pina. Ngunit lalo pang nilakasan ni Marta ang pagpalo sa kanya.

Nang di na matitiis ni Pina ang sakit ng pagpalo sa kanya ay umiiyak siyang tumakbo sa labas ng bahay patungo sa kalapit na kagubatan. Lumipas ang maghapon at hindi bumalik si Pina. "Babalik din siya kapag siya ay nagutom, " sabi ni Marta sa kanyang sarili.

Lumipas ang maghapon, gumabi, at nag-umaga ngunit hindi bumalik si Pina. Hindi rin nakatiis si Marta at kasama ang ilang bata ay hinanap nila si Pina. Ngunit siya ay naglaho na parang bula. May mga nag-isip na si Pina ay kinupkop ng isang diwata sa kagubatan na naawa sa kanyang kalagayan.

Lumipas pa ang maraming araw. Isang umaga ay nagulat na lamang ang lahat nang may nakita silang halaman na umusbong sa harapan ng bahay ni Marta. Ang halaman ay nagbunga ng isang prutas na korteng ulo at may mga mata sa paligid. Bigla nilang  naalala si Pina at ang sinabi ni Marta sa kanya:  "Dapat ang ulo mo'y napaliligiran ng mga mata para nakikita mo ang lahat ng nasa paligid
mo."

"Si Pina siya!" biglang nasambit ng isang kapitbahay sa kanyang mga kasama. Ilang salbaheng bata ang lumapit upang maki-usyoso. Subalit paglapit nila ay pawang nangatusok sila ng matutulis na tinik sa dulo ng mga dahon ng halaman. Naalala nila ang ginawang pag-aapi kay Pina. "Si Pina nga siya," anang isang salbaheng bata.

"Ayaw na ni Pina na nilalapitan natin siya." Sigaw ng isa pang salbaheng bata. "Ayaw niyang kinukurot natin kaya tayo naman ang tinutusok ng kanyang mga tinik." "Si Pina nya! Si Pina nya!" magkakasabay na sigaw ng mga bata habang itinuturo nila si Marta na nasa harapan ng bahay at nakatingin sa kanila.

Mula nuon tuwing makikita ng mga tao ang halaman at ang prutas nitong hugis ulo na maraming mata ay tinatawag nila etong si Pina nya. Nang lumaon ay naging Pinya na lamang ang naging tawag nila dito.

Post a Comment

Previous Post Next Post