Unang Bersyon
Noong unang panahon sa bundok ng Cristobal ay may isang mabait na ina. Masipag at maalaga sa kanyang mga anak. Talagang napakabuti niya at mahal na mahal ang kanyang mga anak.
Dahil sa sampu ang kanyang anak, talagang nahihirapan siya sa pag-aaruga sa mga batang ito.
Isang araw, nagkasakit ang ina at bigla na lamang namatay. Ang kaawa-awang mga bata ay nag-iyakan at ang sabi nila ay ganito: “Sino na ang magapakain sa amin?” tanong ng pinakamatandang anak.
“Sino na ang mag-aalaga sa amin?” tanong ng ikalawang anak.
“Sino na ang maglalaba n gating damit?” tanong ng ikatlong anak.
Habang sila ay nag-iiyakan, may dumating na isang babae na di nila kilala. Siya’y maganda at maputi.
“Huwag na kayong umiyak,” sabi niya. “Di kayo pababayaan ng inyong ina. Ilibing ninyo siya at maghintay kayo sa kanyang libingan. Makikita ninyo na may tutubo roon na puno. Ang punong iyon ay pagkukunan ninyo ng makakain araw-araw.
Biglang nawala ang maputi at magandang babae. Akala ng mga bata ay nananaginip lang sila.
Sumunod sampung mababait na mga bata. Pagkalibing sa ina nila, binantayan nila ang libing araw at gabi at pagkatapos ng sandaling panahon ay may nakita na nga silang isang halaman na tumubo.
Mabilis ang paglaki nito at kaagad naging isang mataas na puno. Nagtaka ang mga bata dahil sa taas ng puno at sa dami ng bunga nito.
“Marahil aakyatin ko na lamang itong puno,” sabi ng pinakamatanda at dali-dali siyang umakyak at pumitas ng bunga.
“Mga ulo ninyo,” ang sigaw niyang babala sa itaas. “Ibabagsak ko ito at buksan ninyo.”
Nang biyakin ng ikalawang anak ang bunga, nakita nilang may tubig ito.
“Naku! Ang puti at ang tamis ng tubig,” sabi nila. Tinikman nila ang laman at ang nasabi ay: “Ang puti at kay sarap naman ng lasa ng bungang ito,” ang wika ng ikaapat na anak.
Naghulog pa ng maraming bunga ang batang umakyak sa itaas ng puno.
Nagkainan at nag-inuman at ngayon nakita nila na di nga sila magugutom pang muli. Ang mga bungang iyon ay kauna-unahang niyog ditto sa daigdig.
Pangalawang Bersyon
May isang engkantadang naninirahan sa lawa ng Laguna. May gabing tila siya diyosa at may gabing parang ordinaryong dalaga lamang siya. Napaibig siya ng isang makisig na mangingisda. Ipinagsama siya nito sa pulo ng Talim.
Nagbunga ang nasabing pagmamahalan subalit takang-taka ang engkantada kung bakit tatlo ang mata ng isinilang niyang sanggol. Hindi niya alam na isinumpa siya ng mga nayadas sa lawang kaniyang pinananahanan. Hindi matanggap ng mangingisda na kakaiba ang anyo ng anak niya kaya napilitan siyang takasan ang responsibilidad sa dalagang dati ay minamahal.
Sa wagas na pagkalinga ng mga nayadas o nimpa ng Lawa ng Laguna ay nakabalik ang engkantada sa malinaw na tubig na tirahan niya bilang diyosa. Dala-dala niya ang sanggol na may tatlong mata. Nilalaro ito ng mga nayadas. Sapagkat hindi naman engkantada, naging suliranin ng mga diyosa kung paano bubuhayin ang bata. Napagkasunduan nilang ipaampon ang sanggol sa sinumang taong matapat na magmamahal dito.
Balot ng mga tuyong dahon ay inilapag nila ang sanggol sa pampang. Umawit sila ng mapanggayumang himig.
Ilang sandali lang ay parang hinihigop ang isang mangingisda sa kinalalagyan ng sanggol. Gulat na gulat ang mangingisda nang matanglawan ng ilawan niya ang pobreng kaluluwa na may tatlong mata na kaawa-awang nag-iiyak sa tindi ng lamig. Iniuwi niya kaagad ang bata sa kaniyang asawa. Noong una ay nabahala sila na baka may sa impakto ang sanggol pero kapag umiiyak na ay nadudurog ang mga puso nila. Sapagkat hindi sila biniyayaan ng sariling anak, inisip ng dalawa na handog mula sa kalangitan ang sanggol.
Bagama’t may tatlong mata ay lumaking napakagandang dalaga ng anak-anakan nila. Laging pinipiringan ng magandang laso ang ikatlong mata nito upang hindi magimbal sa takot ang sinumang makakita dito.
Natutong umibig ang anak ng engkantada. Tulad ng inaasahan, naging napakalungkot itong karanasan sa kanya. Nang malaman ng binatang may ikatlong mata siya ay iniwan nitong nagdurusa ang dalaga.
Makalawang umibig ang dalaga. Ang masakit na karanasan ay naulit pa. Nagkasunud-sunod ang mapapait na karanasan sa pag-ibig ng anak ng engkantada. Nag-usisa siya sa mga nakagisnang magulang. Pilit niyang itinanong kung bakit kakaiba ang anyo niya sa ibang kadalagahan. Hindi maipaliwanag ng dalawa kung bakit may tatlong mata ang anak-anakan nila.
“Ba… bakit dalawa lang ang mata ninyo samantalang ang akin ay tatlo?” nag-uumiyak sa kalungkutang pagtatanong ng dalaga.
“Bigay yan ng Diyos sa iyo, ipagpasalamat mo.”
Nang mag-usisa ang dalaga ay hindi na nakayang maglihim ng ina-inahan niya. Ipinagtapat nitong sa pampang ng Lawa ng Laguna siya biyayang nakita ng ama-amahan niya.
Mabilis na nagtatakbo ang dalaga papunta sa Lawa ng Laguna. Nanginginig ang mga tuhod na sumunod ang dalawa. Kitang-kita ng mag-asawa na parang hinihigop ng mga awit ng mga diyosa ang dalaga. Sila mismo ay hindi makapaniwala sa paglabas ng mga naggagandahang diyosa.
“Anak ko,” sabi ng isa sa mga nimpa. “Ako ang ina mo. Alam kong naging malungkot ang buhay mo sa daigdig. Halika.”
Umahon sa tubig ang engkantada at mahigpit na niyakap ang pinakamamahal na anak.
Pinasalamatan ng engkantada ang mag-asawang nag-aruga sa dalaga. Sa pagmamahal na iniukol ng dalawa ay inabutan sila ng engkantada ng mga perlas bilang pagtanaw ng utang na loob. Nagpakatanggi-tanggi ang dalawa at sinabi nilang sila ang dapat magpasalamat sapagkat matagal ding biniyayaan silang magkaroon ng isang maganda at mabait na anak. Nabagbag ang damdaming maka-ina ng engkantada. Sinabi niya sa dalawang magtungo kaagad sa bundok ng Sierra Madre. Doon daw sila tatanggap ng handog niyang kapayapaan. Pakiusapan daw nila ang lahat ng mababait na sumama sa kanila.
Ilang sandali lang ang lumipas ay nagdilim na ang langit. Kumulog at kumidlat sa paligid. Maya-maya pa ay bumuhos na ang malakas na ulan. Kung may iilang nagsisunod sa mag-asawa ay marami namang masasama, mapang-api at mapagsamantalang parang nang-uuyam pa sa pagtawa.
Tulad ng dapat asahan, ang mabubuti ay nailigtas at ang masasama ay nangalunod.
Ilang araw ding namalagi sa tuktok ng bundok ang mag-asawa kasama ng ilang may busilak ding puso. Damang-dama ng lahat ang galit ng engkantada. Nang humupa ang ulan at bumaba ang tubig ay nagpasalamat ang lahat. Laking tuwa nila nang muling sumikat ang araw. Nagbalik ang mag-asawa sa tabi ng lawa upang tingnan kung naroroon pa ang mga nimpa pati na ang anak na kanilang pinakamamahal. Subalit wala silang anino man lang na nakita. Sa halip ay napuna nila ang pagsupling ng isang halamang may malalabay na dahon.
Ang halaman ay naging puno. Ang puno ay namunga.
Laking pagtataka nila nang balatan ang bunga. Bumulaga sa kanila ang isang animo ulo na may tatlong mata.
Napakagat ng labi ang dalawa sa lungkot at saya. Wala na ang anak-anakan nila pero heto at may bungang kahawig ng anak ng engkantada.
Mula sa Lawa ng Laguna ay naulinigan ng mag-asawa ang matatamis na awit ng mga nimpa.
Iyan ang pinagmulan ng alamat ng Niyog na may tatlong mata.
Ikatlong Bersyon
Noong unang panahon may mag-asawang taimtim na nagdarasal upang magkaroon ng anak. May dalawang taon nang nagsasama ang mag-asawang Juan at Maria ngunit wala pa rin silang mga supling.
Lahat na halos ng mga alam nilang paraan upang magka-anak ay kanila ng sinubukan. Nagawa na nilang magsayaw sa kalye kasama ng iba pang mga mag-asawang hindi rin magka-anak; nasubukan na rin nilang uminom ng iba’t ibang dahon-dahon na ayon sa matatanda ay makapagbibigay ng kanilang ninanais at kung ano-ano pang mga seremonyas. Ngunit wala pa ring supling ang nabuo sa sinapupunan ng babae.
Nawawalan na ng pag-asa ang mag-asawa nang sa wakas ay nabuntis din si Maria. Ngunit maselan siyang magbuntis. Halos buong maghapon ay nakahiga lamang ito sapagkat palagi siyang nahihilo at naduduwal. Hindi lamang iyon, marami din siyang hinihiling na kainin o di kaya’y pagmasdan.
Dahil sa matagal nilang inantay ang magkaroon ng anak, ibinibigay ni Juan ang lahat ng pinaglilihian ng kanyang asawa maski pa mahirapan ito sa paghahanap. Lahat ng mga kakaibang prutas, iba’t ibang luto ng pagkain at kung ano-ano pang hinihiling ni Maria ay pinipilit na hanapin ni Juan upang hindi magdamdam ang asawa at hindi mapasama ang bata sa kanyang sinapupunan.
Isang araw, may iba na namang pinaglilihian si Maria. Gusto raw niya ng prutas na bilugan ang hugis at sa loob nito ay may tubig at may puting laman na parehong ubod ng sarap at nakakabusog. Naghanap si Juan ng prutas na sinasabi ng kanyang asawa ngunit wala siyang makita na may ganoong paglalarawan. Maging ang mga kapitbahay na kanyang pinagtanungan ay walang alam na prutas na may ganoon bunga. Umuwi si Juan na bigo sa paghahanap ng nasabing prutas.
Dahil hindi nakakain ng pinaglilihian niyang prutas ay dinamdam ito ni Maria. Ayaw niyang kumain ng kahit ano maliban sa pagkaing kanyang inilalarawan. Siya ay unti-unting nanghina at nagkasakit. Nagmakaawa si Juan na kumain ang asawa dahil sa buntis pa man din ito ngunit ayaw talagang kumain ni Maria hangga’t matikman niya ang hinahanap na prutas.
Patuloy na nanghina si Maria at di kalaunan ay namatay. Dahil sa lungkot, inilibing ni Juan ang asawa sa kanilang bakuran. Ilang buwan ang nagdaan at may kakaibang halamang umusbong sa pinaglibingan kay Maria. Inalagaan ito ni Juan dahil naaalala niya ang yumaong asawa sa halamang ito.
Dumaan pa ang dalawang taon at nagkabunga ang halaman na ngayon ay isa ng matayog na puno. Kumuha ng bunga si Juan at nang biyakin niya ito ay may laman itong parang tubig at puting laman. Tinikman ni Juan ang prutas at ito ay ubod sarap. Muli niyang naalala ang prutas na pinaglilihian ni Maria noon na ganoong-ganoon nga ang paglalarawan. Sa pagkakataong iyon, alam niya na ang puno ay ang kanyang namayapang asawa na si Maria.
Post a Comment