Tula Tungkol sa Pagmamahal sa Bayan


Tula Tungkol sa Pagmamahal sa Bayan (13 Tula)
Ang mga tula tungkol sa pagmamahal sa bayan na inyong matutunghayan ay pinagsama-sama mula sa mga kilala at hindi masyadong kilalang makatang Pilipino. Ilan sa mga ito ay galing kina Andress Bonifacio, Jose Rizal at Marcelo H. del Pilar. Ang ilan naman ay nakalap mula sa iba’t  ibang websites.

Nawa ay makatulong ng malaki ang mga sumusunod na tulang inyong mababasa at pag-ibayuhin nito ang pagmamahal natin sa ating bayan.

Halimbawa ng mga Tula tungkol sa Pagmamahal sa Bayan

Pag-ibig sa Tinubuang Lupa
Katapusang Hibik ng Pilipinas
Huling Paalam
Sa Kabataang Pilipino
Isang Alaala Ng Aking Bayan
Isang Tula sa Bayan
Pag-ibig sa Bayan
Pilipinas, Ikaw ang Aking Bansa!
Isang Tula sa Bayan
Sa Iyo… Aking Bayan
Ako ay Pilipino
Pilipinas kong Minamahal
Bayang Sinilangan

Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

Tula ni Andres Bonifacio
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa Tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
Ulit-ulitin mang basahin ng isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng isang katauhan ito’y namamasid.
Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.
Pagpupuring lubos ang palaging hangad
Sa bayan ng taong may dangal na ingat,
Umawit, tumula, kumanta’t sumulat,
Kalakhan din niya’y isinisiwalat.
Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
Buhay ma’y abuting magkalagut-lagot.
Bakit? Alin ito na sakdal ng laki,
Na hinahandugan ng buong pagkasi,
Na sa lalong mahal nakapangyayari,
At ginugulan ng buhay na iwi?
Ito’y ang Inang Bayang tinubuan:
Siya’y ina’t tangi sa kinamulatan
Ng kawili-wiling liwanang ng araw
Na nagbigay-init sa buong katawan.
Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan,
Ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal,
Mula sa masaya’y gasong kasanggulan
Hanggang sa katawa’y mapasa-libingan.
Sa aba ng abang mawalay sa bayan!
Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay,
Walang alaala’t inaasa-asam
Kundi ang makita’y lupang tinubuan.
Pati ng magdusa’y sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa bayan
At lalong mahirap. Oh, himalang bagay!
Lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.
Kung ang bayang ito’y masasa-panganib
At siya ay dapat na ipagtangkilik,
Ang anak, asawa, magulang, kapatid;
Isang tawag niya’y tatalikdang pilit.
Hayo na nga, hayo, kayong nagabuhay
Sa pag-asang lubos ng kaginhawahan
At walang tinamo kundi kapaitan,
Hayo na’t ibangon ang naabang bayan.
Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
Ng kahoy ng buhay na nilanta’t sukat,
Ng bala-balaki’t makapal na hirap,
Muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.
Ipahandug-handog ang buong pag-ibig
At hanggang may dugo’y ubusing itigis;
kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid,
Ito’y kapalaran at tunay na langit.

Katapusang Hibik ng Pilipinas

Tula ni Andres Bonifacio
Sumikat na Ina sa sinisilangan
ang araw ng poot ng Katagalugan,
tatlong daang taong aming iningatan
sa dagat ng dusa ng karalitaan.
Walang isinuhay kaming iyong anak
sa bagyong masasal ng dalita’t hirap;
iisa ang puso nitong Pilipinas
at ikaw ay di na Ina naming lahat.
Sa kapuwa Ina’y wala kang kaparis…
ang layaw ng anak: dalita’t pasakit;
pag nagpatirapang sa iyo’y humibik,
lunas na gamot mo ay kasakit-sakit.
Gapusing mahigpit ang mga Tagalog,
hinain sa sikad, kulata at suntok,
makinahi’t biting parang isang hayop;
ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?
Ipabilanggo mo’t sa dagat itapon;
barilin, lasunin, nang kami’y malipol.
Sa aming Tagalog, ito baga’y hatol
Inang mahabagin, sa lahat ng kampon?
Aming tinitiis hanggang sa mamatay;
bangkay nang mistula’y ayaw pang tigilan,
kaya kung ihulog sa mga libingan,
linsad na ang buto’t lumuray ang laman.
Wala nang namamana itong Pilipinas
na layaw sa Ina kundi pawang hirap;
tiis ay pasulong, patente’y nagkalat,
rekargo’t impuwesto’y nagsala-salabat.
Sarisaring silo sa ami’y inisip,
kasabay ng utos na tuparing pilit,
may sa alumbrado—kaya kaming tikis,
kahit isang ilaw ay walang masilip.
Ang lupa at buhay na tinatahanan,
bukid at tubigang kalawak-lawakan,
at gayon din pati ng mga halaman,
sa paring Kastila ay binubuwisan.
Bukod pa sa rito’y ang mga iba pa,
huwag nang saysayin, O Inang Espanya,
sunod kaming lahat hanggang may hininga,
Tagalog di’y siyang minamasama pa.
Ikaw nga, O Inang pabaya’t sukaban,
kami’y di na iyo saan man humanggan,
ihanda mo, Ina, ang paglilibingan
sa mawawakawak na maraming bangkay.
Sa sangmaliwanag ngayon ay sasabog
ang barila’t kanyong katulad ay kulog,
ang sigwang masasal sa dugong aagos
ng kanilang bala na magpapamook.
Di na kailangan sa iyo ng awa
ng mga Tagalog,O Inang kuhila,
paraiso namin ang kami’y mapuksa,l
angit mo naman ang kami’y madusta.
Paalam na Ina, itong Pilipinas,
paalam na Ina, itong nasa hirap,
paalam, paalam, Inang walang habag,
paalam na ngayon, katapusang tawag.
Pag-ibig sa Tinubuang Lupa
ni Andres Bonifacio
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
Ulit-ulitin mang basahin ng isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng isang katauhan ito’y namamasid.
Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.
Pagpuring lubos ang nagiging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat,
umawit, tumula, kumatha’t sumulat,
kalakhan din nila’y isinisiwalat.
Walang mahalagang hindi inihandog
ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, tiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.
Bakit? Ano itong sakdal nang laki
na hinahandugan ng buong pag kasi
na sa lalong mahal kapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi.
Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
siya’y ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw
na nagbibigay init sa lunong katawan.
Sa kanya’y utang ang unang pagtanggol
ng simoy ng hanging nagbigay lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.
Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan
ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
mula sa masaya’t gasong kasanggulan.
hanggang sa katawan ay mapasa-libingan.
Ang na nga kapanahon ng aliw,
ang inaasahang araw na darating
ng pagka-timawa ng mga alipin,
liban pa ba sa bayan tatanghalin?
At ang balang kahoy at ang balang sanga
na parang niya’t gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t sasa-ala-ala
ang ina’t ang giliw lampas sa saya.
Tubig niyang malinaw sa anak’y bulog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaa-aliw sa pusong may lungkot.
Sa kaba ng abang mawalay sa Bayan!
gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang ala-ala’t inaasam-asam
kundi ang makita’ng lupang tinubuan.
Pati na’ng magdusa’t sampung kamatayan
waring masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap, O! himalang bagay,
lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.
Kung ang bayang ito’y nasa panganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.
Datapwa kung bayan ng ka-Tagalogan
ay nilalapastangan at niyuyurakan
katwiran, puri niya’t kamahalan
ng sama ng lilong ibang bayan.
Di gaano kaya ang paghinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait
at aling kaluoban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?
Saan magbubuhat ang paghihinay
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan
kundi ang lugami sa ka-alipinan?
Kung ang pagka-baon niya’t pagka-busabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng pang-hampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaa-agos
Sa kanyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam
pusong naglilipak sa pagka-sukaban
na hindi gumagalang dugo at buhay.
Mangyari kayang ito’y masulyap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Castilang hamak.
Nasaan ang dangal ng mga Tagalog,
nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
bayan ay inaapi, bakit di kumikilos?
at natitilihang ito’y mapanuod.
Hayo na nga kayo, kayong ngang buhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
kaya nga’t ibigin ang naaabang bayan.
Kayong antayan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib
muling pabalungit tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.
Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
kahoy niyaring buhay na nilanta sukat
ng bala-balakit makapal na hirap
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.
Kayong mga pusong kusang (pugal)
ng dagat at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itanghal
agawin sa kuko ng mga sukaban.
Kayong mga dukhang walang tanging (lasap)
kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
sapagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.
Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig
hanggang sa mga dugo’y ubusang itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay (mailit)
ito’y kapalaran at tunay na langit.

Huling Paalam

Tula ni Jose Rizal
Paalam na, sintang lupang tinubuan,
Bayang masagana sa init ng araw,
Edeng maligaya sa ami’y pumanaw
At perlas ng dagat sa dakong Silangan.
Inihahandog ko ng ganap na tuwa
Sa iyo yaring buhay na lanta na’t aba;
Naging dakila ma’y iaalay rin nga
Kung dahil sa iyong ikatitimawa.
Ang nanga sa digmaan dumog sa paglaban
Handog din sa iyo ang kanilang buhay,
Hirap ay di pansin at di gunamgunam
Ang pagkaparool o pagtagumpay.
Bibitaya’t madlang mabangis na sakit
O pakikibakang lubhang mapanganib,
Pawang titiisin kung ito ang nais
Ng baya’t tahanang pinakaiibig.
Ako’y mamamatay ngayong minamalas
Ang kulay ng langit na nanganganinag
Ibinababalang araw ay sisikat
Sa kabila niyang mapanglaw na ulap.
Kung dugo ang iyong kinakailangan
Sa ikadidilag ng iyong pagsilang,
Dugo ko’y ibubo’t sa isa man lamang
Nang gumigiti mong sinag ay kuminang.
Ang mga nasa ko, mulang magkaisip,
Magpahanggang ngayon maganap ang bait,
Ang ikaw’y makitnag hiyas na marikit
Ng dagat Silangan na nakaliligid.
Noo mo’y maningning at sa mga mata
Mapait na luha bakas ma’y wala na,
Wala ka ng poot, wala ng balisa,
Walang kadungua’t munti mang pangamba,
Sa sandaling buhay maalab kong nais
Ang kagalingan mo’t ang paiwang sulit
Ng kaluluwa king gayak ng aalis:
Ginhawa’y kamtan mo! Anong pagkarikit!
Nang maaba’t ikaw’y mapataas lamang,
Mamatay at upang mabigyan kang buihay,
Malibing sa lupang puspos ng karika’t
Sa silong ng iyong langit ay mahimlay.
Kung sa ibang araw ikaw’y may mapansin
Nipot na bulaklak sa aba kong libing,
Sa gitna ng mga damong masisinsin,
Hagka’t ang halik mo’y itaos sa akin.
Sa samyo ng iyong pagsuyong matamis,
Mataos na taghoy ng may sintang sibsib,
Bayang tumaggap noo ko ng init,
Na natatabunan ng lupang malamig.
Bayan mong ako’y malasin ng buwan
Sa liwang niyang hilano’t malamlam;
Bayan ihatid sa aking liwayway
Ang banaang niyang dagling napaparam.
Bayaang humalik ang simoy ng hangin;
Bayaang sa huning masaya’y awitin
Ng darapong ibon sa kurus ng libing
Ang buhay payapang ikinaaaliw.
Bayaang ang araw na lubhang maningas
Pawiin ang ulan, gawing pawang ulap,
Maging panganuring sa langit umakyat,
At ang aking daing ay mapakilangkap.
Bayaang ang aking maagang pagpanw,
Itangis ng isnag lubos na nagmamahal;
Kung may umalala sa akin ng dasal,
Ako’y iyo sanang idalangin naman.
Idalangin mo rin ang di nagkapalad,
Na nangamatay na’t yaong nanganhirap
sa daming pasakit, at ang lumalangap
naming mga ina luhang masaklap.
Idalangin sampo ng bawa’t ulila
at nangapipiit na tigib ng dusa;
idalangin mo ring ikaw’y matubos na
sa pagkaaping laong binata.
Kung nababalot na ang mga libingan
Ng sapot na itim ng gabing mapanglaw,
at wala ng tanod kundi pawing patay,
huwang gambalain ang katahimikan.
Pagpitagan mo ang hiwagang lihim,
at mapapakinggan ang tinig marahil,
ng isang saltero: Ito nga’y ako ring
inaawitanka ng aking paggiliw.
Kung ang libingan kong limot na ang madla
ay wala nang kurus at bato mang tanda
sa nangangabubukid ay ipaubayang
bungkali’t isabog ang natipong lupa.
Ang mga abo ko’y bago pailanglang
mauwi sa wala na pinaggalingan,
ay makalt munag parang kapupunanng
iyong alabok sa lupang tuntungan.
Sa gayo’y walaa ng anoman sa akin,
na limutin mo ma’t aking lilibutin
ang himpapawid mo kaparanga’t hangin
at ako sa iyo’y magiging taginting.
Bango, tinig, higing, awit na masaya
liwanag aat kulay na lugod ng mata’t
uulit-ulitin sa tuwi-tuwina.
Ako’y yayao na sa bayang payapa,
na walang alipi’t punoing mapang-aba,
doo’y di nanatay ang paniniwala
at ang naghahari Diyos na dakila.
Paalam anak, magulang, kapatid,
bahagi ng puso’t unang nakaniig,
ipagpasalamat ang aking pag-alis
sa buhay na itong lagi ng ligalig.
Paalam na liyag, tanging kaulayaw,
taga ibang lupang aking katuwaan,
paaalam sa inyo, mga minamahal;
mamatay ay ganap na katahimikan.

Sa Kabataang Pilipino

Tula ni Jose Rizal
Itaas ang iyong noong aliwalas
ngayon, Kabataan ng aking pangarap!
ang aking talino na tanging liwanag
ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas!
Ikaw ay lumitaw, O Katalinuhan
magitang na diwang puno sa isipan
mga puso nami’y sa iyo’y naghihintay
at dalhin mo roon sa kaitaasan.
Bumaba kang taglay ang kagiliw-giliw
na mga silahis ng agham at sining
mga Kabataan, hayo na’t lagutin
ang gapos ng iyong diwa at damdamin.
Masdan ang putong na lubhang makinang
sa gitna ng dilim ay matitigan
maalam na kamay, may dakilang alay
sa nagdurusa mong bayang minamahal.
Ikaw na may bagwis ng pakpak na nais
kagyat na lumipad sa tuktok ng langit
paghanapin mo ang malambing na tinig
doon sa Olimpo’y pawang nagsisikap.
Ikaw na ang himig ay lalong mairog
Tulad ni Pilomel na sa luha’y gamot
at mabisang lunas sa dusa’t himuntok
ng puso at diwang sakbibi ng lungkot
Ikaw, na ang diwa’y makapangyarihan
matigas na bato’y mabibigyang-buhay
mapagbabago mo alaalang taglay
sa iyo’y nagiging walang kamatayan.
Ikaw, na may diwang inibig ni Apeles
sa wika inamo ni Pebong kay rikit
sa isang kaputol na lonang maliit
ginuhit ang ganda at kulay ng langit.
Humayo ka ngayon, papagningasin mo
ang alab ng iyong isip at talino
maganda mong ngala’y ikalat sa mundo
at ipagsigawan ang dangal ng tao.
Araw na dakila ng ligaya’t galak
magsaya ka ngayon, mutyang Pilipinas
purihin ang bayang sa iyo’y lumingap
at siyang nag-akay sa mabuting palad.

Isang Alaala Ng Aking Bayan

Tula ni Jose Rizal
Nagugunita ko ang nagdaang araw
ng kamusmusang kong kay sayang pumanaw
sa gilid ng isang baybaying luntian
ng rumaragasang agos ng dagatan;
Kung alalahanin ang damping marahan
halik sa noo ko ng hanging magaslaw
ito’y naglalagos sa ‘king katauhan
lalong sumisigla’t nagbabagong buhay
Kung aking masdan ang liryong busilak
animo’y nagduruyan sa hanging marahas
habang sa buhangin dito’y nakalatag
ang lubhang maalon, mapusok na dagat
Kung aking samyuin sa mga bulaklak
kabanguhan nito ay ikinakalat
ang bukang liwayway na nanganganinag
masayang bumabati, may ngiti sa lahat.
Naalaala kong may kasamang lumbay
ang kamusmusan ko nang nagdaang araw
Kasama-sama ko’y inang mapagmahal
siyang nagpapaganda sa aba kong buhay.
Naalaala kong lubhang mapanglaw
bayan kong Kalambang aking sinilangan
sa dalampasigan ng dagat-dagatan
sadlakan ng aking saya’t kaaliwan
Di miminsang tumikim ng galak
sa tabing-ilog mong lubhang mapanatag
Mababakas pa rin yaong mga yapak
na nag-uunahan sa ‘yong mga gubat
sa iyong kapilya’y sa ganda ay salat
ang mga dasal ko’y laging nag-aalab
habang ako nama’y maligayang ganap
bisa ng hanging mo ay walang katulad.
Ang kagubatan mong kahanga-hanga
Nababanaag ko’y Kamay ng Lumikha
sa iyong himlayan ay wala nang luha
wala nang daranas ni munting balisa
ang bughaw mong langit na tinitingala
dala ang pag-ibig sa puso at diwa
buong kalikasa’y titik na mistula
aking nasisinag pangarap kong tuwa.
Ang kamusmusan ko sa bayan kong giliw
dito’y masagana ang saya ko’t aliw
ng naggagandahang tugtog at awitin
siyang nagtataboy ng luha’t hilahil
Hayo na, bumalik ka’t muli mong dalawin
ang katauhan ko’y dagling pagsamahin
tulad ng pagbalik ng ibon sa hardin
sa pananagana ng bukong nagbitin.
Paalam sa iyo, ako’y magpupuyat
ako’y magbabantay, walang paghuhumpay
ang kabutihan mo na sa aking pangarap
Nawa’y daluyan ka ng biyaya’t lingap
ng dakilang Diwa ng maamong palad;
tanging ikaw lamang panatang maalab
pagdarasal kita sa lahat ng oras
na ikaw ay laging manatiling tapat.

Isang Tula sa Bayan

Tula ni Marcelo H. Del Pilar
Sa iyong kandungan tinubuang lupa,
paung nalilimbag ang lalong dakila,
narito rin naman ang masamang gaua,
na ikaaamiis ng puso’t gunita.
Ang kamusmusan ko kung alalahanin,
halaman at bundok, yaman at bukirin,
na pauang naghandog ng galak sa akin,
ay inaruga mo bayng ginigiliw.
Ipinaglihim mo nang ako’y bata pa,
ang pagdaralitang iyong binabata,
luha’y ikinubli’t nang di mabalisa,
ang inandukha mong musmos kong ligaya.
Ngayong lumaki nang loobin ng langit,
maanyong bahagya yaring pag-iisip,
magagandang nasa’y tinipon sa dibdib,
pagtulong sa iyo baying iniibig.
Ngayon na nga lamang, ngayon ko natatap
ang pagkadutsa mo’t naamis na palad.
sa kaalipunan mo’y wala nang nahabag,
gayong kay-raming pinagpalang anak!
Sa agos ng iyong dugong ipinawis,
marami ang dukhang agad nagsikimis,
samantalang ikaw, Bayang iniibig,
ay hapung-hapo na’t putos nang gulanit.
Santong matuid mo ay iginagalang,
ng Diyos na lalong makapangyarihan
na siya ngang dapat na magbigay dangal,
bagkus ay siya pang kinukutyang tunay.
Nguni’t mabuti rin at napupurihan,
sa paghahari mo itong pamamayan,
sapagka’t nakuhang naipaaninaw,
na dito ang puno’y din a kailangan.
Kung pahirap lamang ang ipadadala,
ng nangagpupuno sa ami’y sukat na
ang hulog ng langit na bagyo’t kolera
lindol, beriberi madla pang balisa.

Pag-ibig sa Bayan

Tula ni Marites C. Cayetano
huwag mo lang isigaw
patunayan mo rin
sa pagpapaunlad ng iyong kultura
yaman at galing.
Iyong tandaan
ikaw ang katawan ng bayan
lahat ng papuri
at pintas sa iyo
ay siya ring papuri
at pintas
sa iyong bayan.
Pag-ibig sa bayan
nawa’y huwag mong limutin
bagkus
gawin mong gabay
sa pagpapaunlad ng iyong sarili.

Pilipinas, Ikaw ang Aking Bansa!

Tula ni Avon Adarna
Sa hitik na yaman nitong kalikasan,
Hindi magugutom, hindi magkukulang,
Pilipinas na Ina ng mamamayan,
Kumakandili nga sa buting kandungan.
Ang mga dagat at kailaliman,
Saganang pagkai’t mga pangisdaan,
Ang lalim na tubig na asul sa kulay,
Ay siyang panlinis sa lupang katawan.
Ang mga gubat na hitik sa bunga,
Ipantawid-gutom sa kalam ng bituka,
At pati hayop sa dulong kabila,
Nabubusog din at nagpapakasawa!
Ang mga lupa sa luntiang bukid,
Ay pakikinabangan kapag pinilit,
Magtanim lamang ng palay o mais,
At tiyak na kakain sa oras ng gipit!
Mahalin ang bayan saan man pumunta,
Ipagtanggol nga sa dayuhang bansa,
Ibiging mabuti at maging malaya,
Upang manatili ang Inang dakila!
Ang tula ay alay sa mahal na bansa,
Pagkat ako’y kanyang inaaruga,
Itong Pilipinas na bayan ko’t ina,
Mamahalin ko saan man pumunta!

Isang Tula sa Bayan

Tula ni Cristine Mae Bagasbas
Sa iyong kandungan tinubuang lupa,
Pawang nalilimbag ang lalong dakila;
Narito rin naman ang masamang gawa
Na ikaaamis ng puso’t gunita
Ang kamusmusan ko kung alalahanin,
Halaman at bundok, yaman at bukirin;
Na pawang naghandog ng galak sa akin,
Ay inaruga mo, bayang ginigili.
Ipinaglihim mo na ako’y bata pa,
Ang pagdaralitang iyong binabata;
Luha’y ikinubli’t ng di mabalisa,
Ang inandukha mong musmos kung ligay.
Ngayong lumaki ng loobin ng langit,
Maanyong bahagya yaring pag-iisip;
Magagandang nasa’y tinipon sa dibdib,
Pagtulong sa iyo, bayang iniibig.
Ngayon na nga lamang, ngayon ko natatap
Ang pagdakusta mo’t naamis na palad;
Sa kaalipinan mo’y wala nang nahabag,
Gayong kayraming pinagpalang anak!
Sa agos nang iyong dugo ipinawis,
Marami ang dukhang agad nagsikimis,
Samantalang ikaw, Bayang iniibig,
Ay hapung-hapo na’t putos nang gulanit.
Santong matuwid mo ay iginagalang
Ng Diyos na lalong makapangyarihan
Na siya na dapat na magbigay-dangal,
Bagkus ay Siya pang kinukutyang tunay.
Ngunit mabuti rin at napupurihan,
Sa paghahari mo itong pamamayan,
Sapagkat nakuhang naipaaninaw,
Na dito na ang puno’y di na kailangan.
Kung pahirap lamang ang ipadadala
Ng nangagpupuno sa ami’y sukat na;
Ang hulog ng langit na bagyo’t kolera,
Lindol, beriberi, madla pangbalisa.

Sa Iyo… Aking Bayan

Ang tulang ito ay mula sa Pinoyedition.com
Pangako ko’y katapatan
Sa ‘yo aking mutyang bayan;
Sa puso ko’y laging simpan
Itong aking pagmamahal.
Watawat mo’y igagalang,
Itatampok sa isipan
Pagka’t ito ay sagisag
Nitong layang nakakamtan.
Ang dangal mo’y aariing
Isang hiyas na may ningning;
Yaman mo ay sisinupin
Ng kalinga at paggiliw
Iyong wika’y mamahalin,
Palagi kong gagamitin;
Sisikaping paunlarin
Magsisilbing buklod namin
Pag-unlad mo aking bansa
Dinadalangin sa Lumikha;
Sana’y kamtin ang biyaya,
Kaunlaran at pithaya.

Ako ay Pilipino

Tula ni Mga Anak ni Rizal (MAR) mula sa emeare.blogspot.com
Ako ay Pilipino
Ipinanganak na may talino
Na maipapamahagi ko
Para sa kapakanan ng mundo
Ako ay Pilipino
Isinasabuhay ko ang kultura ko
Hindi ko ikakahiya ito
Kahit saan man ako magtungo
Ako ay Pilipino
Ipaglalaban ko ang katarungan ko
Karapatan ko at ng lahat ng kalahi ko
Na matanggap ang nararapat na respeto
Ako ay Pilipino
Mahal ko ang bayan ko
Hinding hindi ko isusuko
Ang pagiging isang Pilipino

Pilipinas kong Minamahal

Tula ni Mga Anak ni Rizal (MAR) mula sa emeare.blogspot.com
Ako’y Pilipino
Pilipinong totoo
Aking dugo at pawis iaalay ko
Para sa bansang iniirog
Aking itsura, aking ipinagmamalaki
Ako’y di tulad ng iba
Pagkat sa Pilipinas nanggaling
Bansang ito’y labis na mamahalin

Bayang Sinilangan

Tula ni Mga Anak ni Rizal (MAR) mula sa emeare.blogspot.com
Ako ay Pilipino
Buong pusong minamahal ang aking sariling bayan
Paggalang at pagrespeto ay aking ihahandog
Para sa bayang aking sinilangan
Taglay nitong yaman ay hindi ko sasayangin
Pulu-pulong lupang lumulutang sa dagat
At mga bundok na natataniman ng mga halaman
Ay sapat lamang para sa ating pangangailangan
Kaya ating pangalagaan
Bayan kung saan tayo nagsimula
Dahil tanging hangad lang naman ng ating bayan
ay respetuhin at igalang ng lahat


Post a Comment

Previous Post Next Post