Tula Tungkol sa Kalikasan


Tula Tungkol sa Kalikasan (13 Tula)
Ang mga tula tungkol sa kalikasan na aming nakalap ay mula sa iba’t ibang makatang Pilipino. Ang ilan sa mga ito ay galing sa mga kilalang manunulat samantalang ang iba naman ay galing sa iba’t ibang websites.

Halimbawa ng mga Tula Tungkol sa Kalikasan

Isang Punungkahoy
Ulap
Gubat
Sa Paglubog ng Araw
Lupa
Kalikasan – Saan Ka Patungo?
Kalikasan
Puno at Ikaw
Tubig, Tubig, Tubig
Trahedya
Pag-ahon
“Na-Ondoy, Na-Pepeng”
Paglalanggas

Isang Punungkahoy

Tula ni Jose Corazon de Jesus
Kung tatanawin mo sa malayong pook,
Ako’y tila isang nakadipang kurus;
Sa napakatagal na pagkakaluhod,
Parang ang paa ng Diyos.
Organo sa loob ng isang simbahan
Ay nananalangin sa kapighatian,
Habang ang kandila ng sariling buhay
Magdamag na tanod sa aking libingan.
Sa aking paanan ay may isang batis,
Maghapo’t magdamag na nagtutumangis;
Sa mga sanga ko ay nangakasabit
Ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.
Sa kinislap-kislap ng batis na iyan,
Asa mo ri’y agos ng luhang nunukal;
At saka ang buwang tila nagdarasal,
Ako’y binabati ng ngiting malamlam.
Ang mga kampana sa tuwing orasyon,
Nagpapahiwatig sa akin ng taghoy,
Ibon sa sanga ko’y may tabing nang dahon,
Batis sa paa ko’y may luha nang daloy.
Ngunit tingnan ninyo ang aking narating,
Natuyo, namatay sa sariling aliw.
Naging kurus ako ng pagsuyong laing
At bantay sa hukay sa gitna ng dilim.
Wala na, ang gabi ay lambong na luksa,
Panakip sa aking namumutlang mukha!
Kahoy na nabuwal sa pagkakahiga
Ni ibon, ni tao’y hindi na matuwa.
At iyong isiping nang nagdaang araw,
Isang kahoy akong malago’t malabay.
Ngayon, ang sanga ko’y kurus sa libingan,
Dahon ko’y ginawang korona sa hukay!

Ulap

Tula ni Jose Corazon de Jesus
Dati akong panyo ng mahal na birhen
Na isinalalay sa pakpak ng anghel;
Maputi, malinis, maganda, maningning,
Ang lahat sa langit, nainggit sa akin.
At ako’y ginamit sa kung saan-saan,
Pamunas ng noo ni Bathalang mahal;
Kung gabi’y kulambo’t kung araw’y kanlungan,
Lalong pampaganda sa bukang-liwayway.
Kung umaga ako’y ginto sa liwanag,
Karong sinasakyan ng Araw sa sinag;
At kung gabi namang tahimik ang lahat,
Dahilan sa Buwan, nagkukulay pilak.
Dati akong puti, busilak ang ganda,
Sa Dios pamunas sa tuwi-tuwi na;
Sa Birhen ay panyong pamahid sa dusa,
At sa mga tala ay kulambo nila.
Dahilan sa ganyang dami kong gawain,
Ako ay dumumi, lumungkot, umitim,
At ang katawan kong ibig kong basain,
Kapag lumitaw na, ulan ay darating.
At ngayon sa aki’y sawa na ang lahat,
Di na nagunita ang lahat kong hirap,
Dios ang may sabi: Ang aking pamunas
Nang marumihan na’y tinawag kong ulap.

Gubat

Tula ni Moises Santiago
Malawak na dibdib
ng sangkalikasan
may pusong maliblib
ng kahiwagaan;
madawag sa tinik
ng kasiphayuan;
mababa, matarik
ang mga halaman;
may mahalumigmig
na himig ng buhay.
May sapa at batis
na umaaliw-iw
sa kristal na tubig
ang buntong-hinaing;
sarisaring tinig
ng galak at lagim;
may lamig at init
ng dusa at aliw.
Anupa’t kinapal
na napakalawak
ang kahiwagaang
hindi madalumat;
sa sangkatauhan
ay guhit ng palad
ng bawat nilalang
ang nakakatulad;
ganda’t kapangitan
ang buhay sa gubat.

Sa Paglubog ng Araw

Tula ni Jose M. Villena
Nagbabagang bolang ginto’y gumugulong sa kanluran,
Dahan-dahan kung ibuyog sa maulap na hantungan;
Ang katalik na maghapon ay aayaw na paiwan,
Nakabuntot sa pag-isod mula roon sa silangan.
Kadilimang naghuhunab sa mababang panginori’y
Pasalunong sumusunson sa luhaang takipsilim;
Ang daluyong ay pataghoy kung humalik sa pampangin,
Habang doon sa tumana’y dumadalit yaong hangin.
Ang akasya sa libingan ay nagtuping mga dahon
At ang hayop na nagligaw sa pastula’y nagsiyaon;
Alaala’y tiklop-tuhod sa bisitang nasa nayon,
Samantalang ang dupikal sa simboryo’y lumulungoy.
O kaylungkot na tanawing iginuhit ng tadhana…
O kaygandang panimdiming napupuntos ng hiwaga;
Sa masining na damdami’y likhang-guro ni Bathala…
Talinhaga’t salamisim sa daigdig ng Makata!

Lupa

Tula ni Manuel Principe Bautista
Lupa, narito ang lupa!
ikaw ay dumakot sa nakalahad mong palad
na makapal ay iyong timbangin at madarama
mo ang buong sinukob. diyan nakatanim ang
ugat ng buhay; umusbong sa patak ng masinsing
ulan. batis ay dumaloy na tulad ng ahas
na pakiwang-kiwang sa paa ng bundok. ang
halik ng araw sa dapit-umaga: naiiwang
sanlang hiyas na makinang na nakasisilaw
sa maraming mata ang magandang tampok.
nag-iwan ng sugat ang maraming daan.
dunong ay nanaig, nabuksan ang dibdib,
gaputok mang daing ay di mo naringgan.
ang pasalubong pa’y malugod na bating —
“tuloy, kabihasnan!”
Lupa, narito ang lupa!
ang buhay mong hiram ay diyan nagmulang
bigay-bawi lamang. sa mayamang dibdib:
diyan napahasik ang punla ng buhay na
kusang susupling sa pitak ng iyong hirap
at paggawa. katawang-lupa ka. narito
ang lupang karugtong ng iyong buhay at
pag-asa. dibdib. puso. bait. ang katauhan
mo’y lupa ang nagbigay. ang kasiyahan mo,
tamis ng pag-ibig at kadakilaan.
sapagka’t lupa ka, katawang-lupa ka —
ganito ring lupa. diyan ang wakas
mong galing —
sa simula!

Kalikasan – Saan Ka Patungo?

Tula ni Avon Adarna
Nakita ng buwan itong pagkasira,
Mundo’t kalisakasan ngayo’y giba-giba,
Ang puno – putol na, nagbuwal at lanta,
Ang tubig – marumi, lutang ang basura.
Nalungkot ang buwan sa nasasaksihan,
Lumuhang tahimik sa sulok ng damdam,
At nakipagluhaan sa poong Maylalang,
Pagkat ang tao rin ang may kasalanan.
Ang hanging sariwa, bilasa na ngayon,
Nasira ng usok na naglilimayon,
Malaking pabrika ng goma at gulong,
Sanhi na ginawa ng pagkakataon!
Ang dagat at lawa na nilalanguyan
Ng isda at pusit ay wala nang laman,
Namatay sa lason saka naglutangan,
Basurang maburak ang siyang dahilan!
Ang lupang mataba na bukid-sabana,
Saan ba napunta, nangaglayag na ba?
Ah hindi… naroon… mga mall na pala,
Ng ganid na tao sa yaman at pera.
Mga sapa at ilog sa Kamaynilaan,
Ginawa na ng tao na basurahan,
At kung dumating ang bagyo at ulan,
Hindi makakilos ang bahang punuan.
Ang tao rin itong lubos na dahilan,
Sa nasirang buti nitong kalikasan,
At darating bukas ang ganti ng buwan,
Uunat ang kamay ng Poong Lumalang!

Kalikasan

Ang tulang ito ay galing sa Filipino-tula.blogspot.com 
Ang ganda ng kalikasan ay tunay na yaman
Bahagi na ito ng aking kabataan.
Ito ang pundasyon nang ating kinabukasan.
Kaya’t pagsisikapan kong ito’y pagkainggatan.
Ang gubat sa bundok ay gubat ng yaman.
Pagkat sari-saring buhay dito matatagpuan.
Ang sinag ng araw ditto ay walang kasing kinang.
Ang himig ng hangin may dalang katahimikan.
Ang lambak ang aking hardin.
Punong-puno ito nang iba’t-ibang pananim.
Madaming bulaklak kahit saan tumingin.
Masustansyang pagkain ang kaniyang hain.
Ang hanging sariwa, naglilinis ng pang-unawa.
Libre lang langhapin, hindi nakakasawa.
May dalang himig sa musikero’t makata,
Na ang alay ay himig at tula.
Ang pagbabago ay hindi makakamtan,
Kung ang kalikasan ay mapababayaan.
Ito ang lakas ng isip at ng ating katawan.
Kapag nasira, tayo din ang mawawalan.

Puno at Ikaw

Tula ni Jasonhamster mula sa jasonhamster.wordpress.com 
I
Nakalimutan mo na bang ako’y iyong itinanim
Nang minsan ikaw ay walang makain?
Kay tagal mong nag-intay ikaw man ay nainip
Panahon na lumipas ako’y di mo man lang sinilip.
II
Ako ay mag-isang lumalaki na ayon sa kapalaran,
Ikaw ay nainip, bumaling sa ibang halaman.
Hindi ko kaagad naihandog sayo ang aking prutas
Ikaw ay nagtampo, sa ibang puno ka namitas.
III
Marami kami ngayon na naglipana sa gubat,
Tignan mo muna ang hawak mong patpat.
Sa akin ba galing yang hawak mo?
O napapaisip lang ako ng todo-todo.
IV
Ang sa akin lang naman munting kaibigan
Maaari sana’y mga kababayan mo ay pagsabihan.
Putulin man nila kami ng walang habas
Palitan naman ng bagong punlang pupungas-pungas.
V
Inalagaan ka ng iyong inay tama ba ako?
Sana’y madama mo na ganoon din ang nais ko.
Mumunti ako noon sa iyong paningin,
Sa paglipas ng panahon ako’y iyong titingalain.

Tubig, Tubig, Tubig

Tula ni Jasonhamster mula sa jasonhamster.wordpress.com 
I
Ako’y tumungo sa banyo at nagbukas ng gripo,
Laking gulat ko sa aking harapa’y may kung ano!
Maitim, marumi at mabaho ang sumorpresa
Gripong aking hawak ay agad-agarang isinara.
II
O Diyos ko, ano ba ang nangyayaring ito!
Saan man ako magtungo ang nakikita ko’y pare-pareho.
Sa kusina, sa kapitbahay, maging sa mga gusali.
Maruming tubig ay umaagos at tila nawiwili.
III
Ako’y hindi nawalan ng pag-asa sa aking nakita
Dalian akong dumako sa may ilog at sapa.
Ikinalambot ng aking puso at tuhod ang aking nadatnan.
Mga anyong tubig natin ay ginagawang basurahan.
IV
Nagtatakbo ako sa mga taong mga basura’y kinakalap,
Ngunit mga tao’y bingi-bingihan sa aking pakiusap.
Ako’y hinawi na parang laruan at tumilapon,
Nalaglag sa itim na tubig at hindi makaahon.
V
O Diyos ko, paano na ang tubig na walang kalinisan?
Pakiusap, mga taong iyon ay inyo pong tulungan…
Laking gulat ko ng ako’y magising sa higaan,
Huwag sanang maganap ang aking napanaginipan.

Trahedya

Ang tulang ito ay mula sa panitikanatbp.wordpress.com 
1.
Literal na paliligo sa dagat ng basura
Pagkaanod ng sariling bangkay
Sa rumaragasang ilog, bukal at sapa.
Ang tubig na noo’y bumubuhay
Sumisingasing, bumubugso, pumapatay
Uli-uling lumalamon sa sangkatauhan!
2.
Lupang pinagmulan ng lahi ni Adam
Lupang kayumangging biyaya ng buhay
Lupang paglilibingan ng lupang katawan.
Alog ng daigdig, badya ng trahedya
Bitak na animo’y bungangang nagnganga
Matibay na muog ay panlaman sa sikmura.
3.
Araw na siyang liwanag sa umaga
Araw ding sumusupok sa gubat at lupa
Patalim na balaraw sa bawat hininga.
Hanging hininga ni Inang Kalikasan
Hanging kailangan ng tao para mabuhay
Hangin ding lasong sa’yo ay papatay!
4.
Ano itong nangyayari sa daigdigan?
Sino ang sisihin sa bangis ng Kalikasan?
Ano nga ba ang trahedyang tunay:
Pagkabog ng lupa’t pagkatuyo ng dagat
Alulong ng hangi’t pagkaagnas ng gubat—
O kasakiman ng taong ugat ng lahat?

Pag-ahon

Ang tulang ito ay mula sa panitikanatbp.wordpress.com 
Anong lakas mayroon ka, o Pinay/Pinoy?
Sa anumang hagupit ng buhay:
Hirap man o gutom, baha man o lindol
Epidemya man o pagguho ng burol—
Sa iyong pagkakalugmok agad kang bumabangon?
Anong anting-anting, pangontra’t orasyon
Ang mayroon ka, o lahing kung tawagin ay Pinoy?
Sa halip na magmukmok, buong buhay magbaoy—
Bukas ay ngingiti, bukas ay babangon
Kahit pa ang luha sa ngayo’y bumabalong?
Marahil ay marunong ka lamang magdala
Ng sanglaksang problemang nagsisilang ng problema;
Marahil, sa haba ng panahon na binayo ka ng trahedya’y
Nasanay na ang katawan, puso mo’t kaluluwa
Kaya ang laging sabi sa sarili’y “May bukas pa!í”
Pero higit kayang maganda, higit kayang mainam
Na sa bawat pag-ahon sa mga bitak ng buhay
At bawat pagtayo sa iyong pagkakaratay
Itimo nang malalim sa puso’t isipan
Ang aral ng nagdaang mga kasaysayan—
Upang sa iyong pagbangon sa pagkakalugmok, pagkakahimlay
Ay hindi na parapara pang muling mabubuwal?

“Na-Ondoy, Na-Pepeng”

Ang tulang ito ay mula sa panitikanatbp.wordpress.com 
Bugtung-bugtong, anak ng pungapong
Aral ni Tandang Pepeng at Ondoy
Pakinggan, pakinggan, mga Ineng at Utoy
Upang tumalino sa susunod na panahon:
Unang aral na dapat matutunan
Hindi dapat ginagahasa si Inang Kalikasan
Sapagkat kapag nagbuntis ang sinapupunan
Hindi biyaya ang supling kundi kamatayan!
Ikalawang aral na dapat tumimo
Sa kukute natin at ating pangkuro:
Upang sa trahedya tayo’y malayo
Kahandaan lamang ang sagot katoto.
Ikatlong bertud ni Ondoy at Pepeng
Isang anting-anting walang mintis ang galing:
Matutong magsuri sa paligid natin
Upang makita ang tanda ng lagim:
Bitak sa lupa, mga guhit sa dingding
Kalbong gubat, banging malalim
Ilog na rumaragasa, dam na umaangil
Sirenang panawag sa paglikas natin.
Ikaapat na aral ni Ondoy at ni Pepeng
Na dapat na dapat, isabuhay natin:
Ating tutulang mahigpit at matining
Ang proyektong lalaspag sa kalikasan natin!
Huwag pabayaang magmina nang magmina
Huwag pabayaang gubat ay ipagahasa
Ipagtanggol ang tubig, hangin, at isla
Laban sa mapandambong na kapitalista!
Huling tagubilin nina Ondoy at Pepeng
Sa lahing Pilipinong piniste mandin:
Huwag pabayaang maghari ang sakim
Ugat ng demonyo’y putulin mandin!

Paglalanggas

Ang tulang ito ay mula sa panitikanatbp.wordpress.com 
Sugat sa puso ni Inang Daigdig
Na dulot nang labis na pagkaganid
Mawawala lamang ang naknak at sakit
Kung lalanggasin ng pagkalinga’t pag-ibig.
Bawat pagmamalabis, bunga ay kakulangan;
Bawat pagkukulang, ariing kasalanan;
Walang hustisyang iginawad, nang walang babayaran
Walang buhay na inutang, na buhay din ang kabayaran!
Kaya ang paglalangas, sa puso ni Ina
Ay hindi bukas, o kaya sa makalawa
Ikaw na matalino, nagsasabing pantas ka—
Dapat mong mapagkuro ang panaho’y ngayon na!


Post a Comment

Previous Post Next Post