Ang Sapatero at ang mga Duwende

May isang sapatero na ubod ng hirap at may materyales lang para sa isang pares na sapatos. Isang
gabi ginupit na niya at inihanda ang mga materyales para gawin sa umaga ang sapatos.
Anong laking gulat niya nang magisnan niya kinaumagahan na yari na ang mga sapatos at kay husay pa ng pagkakagawa! Madaling naipagbili niya ang sapatos at nakabili siya ng materyales para sa dalawang pares.
Inihanda na uli ang mga gagamitin para sa kinabukasan. Paggising niya sa umaga nakita uli na yari na ang dalawang pares na sapatos.
Naipagbili niyang madali ang mga sapatos at bumili naman siya uli ng mga gamit para sa apat na pares. Inihanda niya uli ito sa mesa para magawa sa umaga.
Ganoon na naman ang nangyari, na tila may tumutulong sa kanya sa paggawa ng mga sapatos. Kinalaunan, sa tulong ng mahiwagang mga sapaterong panggabi, gumaling ang buhay ng sapatero.
“Sino kaya ang mabait na tumutulong sa akin,” tanong niya sa asawa.
“Sino nga kaya? Gusto mo, huwag tayong matulog mamaya at tingnan natin kung sino nga siya?” alok ng babae.
Ganoon nga ang ginawa ng mag-asawa kinagabihan. Nagkubli sila sa likod ng makapal na kurtina para makita kung ano nga ang nangyayari sa gabi. Nang tumugtog ang alas dose, biglang pumasok sa bintana ang dalawang kalbong duwende.
Tuloy-tuloy ito sa mesa at sinimulan agad ang pagtatrabaho. Pakanta-kanta pa at pasayaw-sayaw pa na parang tuwang-tuwa sila sa paggawa. Madali nilang natapos ang mga sapatos at mabilis din silang tumalon sa bintana.
“Mga duwende pala!” sabi ng babae. “Kay babait nila, ano?”
“Oo nga. Paano kaya natin sila pasasalamatan? Ayaw yata nilang magpakita sa tao.”
“Hayaan mo. Itatahi ko sila ng mga pantalon at baro at iiwan na lang natin sa mesa sa gabi.”
Dalawang pares na maliliit na pantalon at dalawang pang-itaas ang tinahi ng babae para sa mga matutulunging duwende. Ipinatong nila ito sa mesa kinagabihan at nangubli uli sila sa likod ng kurtina.
Tuwang-tuwa ang maliliit na sapatero nang makita ang mga damit dahil nahulaan nilang para sa kanila iyon. Isinuot nila ang mga ito at sumayaw-sayaw sa galak.
Pagkatapos nilang magawa ang mga sapatos na handang gawin, mabilis silang tumalon sa bintana na suot ang mga bagong damit.
Buhat noon hindi na bumalik ang dalawang duwende ngunit nagpatuloy naman ang swerte sa buhay ng mag-asawa na marunong gumanti sa utang na loob.

Aral

·         Maging mabuti sa kahit na sino at matutong tumanaw ng utang na loob.


Post a Comment

Previous Post Next Post