Ang Inang Matapobre
Laging bukambibig ni Aling
Osang na ang anak na engineer na si Monching ay dapat lang makapag-asawa ng
isang mayaman dahil may mataas itong katungkulan sa kumpanyang pinapasukan at
topnotcher pa sa board exam. Kaya gayon na lamang ang galit at pagkabigla nito
nang malaman niyang si Corazon na kapitbahay niya ang naging kasintahan ng
anak. Ayaw niya sa babaeng ito. Gagawa siya ng paraan upang mapaglayo ang
dalawa.
Kinausap ni Aling Osang
ang anak, ipinakakalas kay Corazon.
“Ngunit
Mama, si Corazon ay mahal ko at mahal din niya ako. Mabait siya, masipag,
magalang, at kilala n’yo ang pamilya. Isa rin siyang kapita-pitagang guro.
Bakit ayaw n’yo sa kanya?”
“Gusto
ko’y mayaman ang mapangasawa mo. Kung si Corazon lang, hindi ako makapapayag.”
“Pero,
hindi mahirap sina Corazon, Mama. May lupa’t bahay sila, may tindahan at may
niyugan.”
“Pero
hindi rin sila mayaman! May tindahan at niyugan nga, tatlo naman silang
magkakapatid na maghahati kung saka-sakali. Baka maging sandalan ka lang ng
pamilya niya pagdating ng araw. Higit pa kay Corazon ang babaeng hinahangad ko
para sa iyo, anak. Huwag mo sana akong bibiguin.”
Tumahimik
na lang si Monching upang huwag nang humaba pa ang pagtatalo nila ng ina.
Nag-iisa siyang anak at lumaki siyang masunurin.
Mula
noon, naging madalang na ang pagkikita nila ni Corazon. Tinanggap ni Monching
ang malalaking project ng kumpanya sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao.
Si Corazon naman ay naging abala rin sa pagtuturo lalo na nang ma-promote ito
bilang Head Teacher.
Mahigit
dalawang taon ang mabilis na lumipas.
Nakatanggap
ng sulat si Aling Osang mula kay Monching. Ito pala ay may asawa’t anak na sa
Bacolod.
Anang
isang bahagi ng sulat:
“Mama,
napikot po ako ng solong anak ng boss ko. Nagpakasal po kami at ngayon ay 3
months old na ang baby girl namin na kamukha ninyo. Napakayaman po ng boss ko,
na ama ni Lanie. Binilhan po kaming lupa at bahay na pinuno ng mamahaling
kasangkapan. May ipinagawa rin akong playhouse sa gilid ng bahay. Sana mabigyan
ko kayo ng maraming apo, Mama. Kalakip nito ang Twenty-thousand pesos para sa
pagbabakasyon n’yo ni Papa rito sa Bacolod. Aasahan ko po kayo sa Linggo.
Excited
na itiniklop ni Aling Osang ang sulat.
“Martes
pa lang ngayon, hindi ko na mahihintay pa ang araw ng linggo. Sabik na akong
makita sila.”
Nang
araw ring iyon ay bumiyahe ang mag-asawa mula Bohol patungong Bacolod via Cebu.
Nang sapitin nila ang tahanan ng anak, sa gate ay sinalubong sila ng katulong
at napag-alamang wala roon si Monching. Nasa Davao kasama ang Father-in-law at
sa Sabado pa ng gabi ang dating.
Miyerkules
na noon kaya nag-pasiya ang mag-asawa na hintayin na lang ang anak kaysa
bumalik pa ng Bohol.
Lumabas
ng pinto si Lanie, ang asawa ni Monching. Maganda ito ngunit bakit hindi man
lamang nagmano sa kanila gayong sinabi na ng maid kung sino sila. Ni hindi nga
sila nginitian, pormal itong nagsalita:
“Wala
pa si Monching eh. Kung hihintayin ninyo, okey lang.”
At
inutusan ang katulong na ihatid ang dalawa sa tutuluyan nito ang playhouse sa
gilid ng bahay.
Tatlong
araw at tatlong gabi na sina Aling Osang sa playhouse, hinahatiran ng pagkain
ng katulong, ngunit minsan man ay hindi pa sila nakapasok sa loob ng malaking
bahay. Ni hindi na nga nila nakita o nakausap muli ang manugang na halatang
malayo ang loob pa kanila.
Sabado
ng tanghali. Lumabas ng bahay si Lanie, kasama ang yaya na may kalong na bata.
Agad ay lumapit Si Aling Osang, sabik na niyakap at hinalikan ang apo. Pagalit
na nagsalita si Lanie, “Tama na, baka mangati ang bata!” Sumakay ito ng kotse,
kasama ang anak at yaya at lumabas ng gate. Ang naiwang katulong ang nagsabing
pupunta si Lanie sa bahay ng ina na di-kalayuan doon, tapos ay tutuloy sa
airport upang salubungin ang ama at si Monching.
Nakadama
ng tuwa si Aling Osang. Naligo silang mag-asawa sa maliit na banyo sa gilid ng
playhouse. Nagbihis at sabik na hinintay ang pagdating ng anak. Makapapasok na
sila sa malaking bahay, ang isip ni Aling Osang. Makikita na niya ang loob
nito.
Ngunit
lumalim na ang gabi ay wala pa rin si Monching, pati na si Lanie. Nakatulog na
sila sa kahihintay.
Linggo
ng umaga. Nagising sina Aling Osang sa katok sa pinto. Sinabi ng maid na
maaantala raw ang uwi ni Monching sa susunod na linggo pa dahil may panibagong
project na namang sinisimulan. May iniabot na Two-thousand pesos kay Aling
Osang ang maid. Ipinabibigay raw ni Lanie para pamasahe pabalik ng Bohol.
“Sa
loob ng bapor, iniisip ni Aling Osang ang mahal na anak, Bakit parang
napakahirap yata niya itong makita? Halos tatlong taon na itong nawalay sa kanya.
Maligaya kaya ito sa piling ng maganda at mayamang asawa ngunit pangit ang
ugali? Kung si Corazon ang nakatuluyan ni Monching, ilang apo na kaya ngayon
ang sa kanya ay yumayakap at naglalambing?
Sising-sisi
si Aling Osang. Siya ang naging dahilan kung kaya lumayo si Monching at
nagtrabaho sa ibang lugar. Kailan kaya sila muling mag-kikita? Alam niyang
hindi ito uuwi ng Bohol upang maiwasan si Corazon na hanggang ngayon ay patuloy
na nagmamahal at umaasa.
Kung
hindi naging matapobre si Aling Osang, sana’y nakita niyang higit ang halaga ng
magandang ugali kaysa sa materyal na kayamanan.
Aral
- Huwag maging matapobre.
- Higit na mahalaga ang mabuting kalooban kaysa yaman
Post a Comment