Alamat ng Mangga (4 Different Versions)
Alamat ng Mangga
(Version 1)
Noong araw ang mga punong tanim ni Tandang Isko ay pare-pareho lamang
ang bunga. Ito’y maliliit at ang tawag dito ay “pahutan”. Matamis kapag hinog
kaya gustong-gusto ng mga bata ang pahutan.
Marami ang natutuwa kapag panahon ng pamumunga dahil ang matandang
may-ari ay hindi maramot. Minsan, may magandang dalagang dumaan sa bakuran ni
Tandang Isko. Kusang loob na inalok ito ng mga hinog na prutas ni Tandang Isko.
Sa kasiyahan ng binibini ay itinanim nito ang mga buto ng pahutan sa tabi ng
bukid at sa paanan ng bundok.
Agad tumubo ang dalawang buto at pagkaraan lang ng ilang araw ay ganap
na itong isang puno. Labis na nagtaka si Tandang Isko sa pagkakaroon ng punong
puhutan sa hangganan ng bukid at sa ibaba ng batuhang bundok. Balak sanang
putulin ng matanda ang dalawang puno, subalit sa tuwing siya ay lumalapit,
wari’y may bumubulong ng…
“Huwag po! Huwag mo akong patayin.”
Dala rin ng panghihinayang kaya hinayaan nalang nitong lumaki at lalong
lumago ang dalawang puno ng puhutan. Malaking pakinabang tuloy ito sa mga
magsasaka at kalabaw na roon ay sumisilong.
Ang madalas magpahinga sa punong puhutang nasa bukid ay si Kalabaw kaya
nagkaroon sila ng pagkakataong magkausap palagi ng puno.
“Hulog ka ng langit sa akin, punong puhutan. Dati-rati’y init sa
katanghaliang tapat ay aking tinitiis, subalit nang ikaw ay sumibol, pagal kong
katawan ay binigyan mo ng ginhawa. Kaya kapag sa iyo ay may nagtangkang
pumutol, humanda sila sa sungay kong matutulis.”
“Salamat sa iyo, Kalabaw at ako ay iyong ipagtatanggol. Noon pa man ay
hinahangaan ko na ang iyong kasipagan, kasisigan at kalakasan,” nahihiyang wika
ng puno.
Hindi nagtagal, sa dalas ng kanilang pag-uusap ay nagkaintindihan ang
kalabaw at ang punong puhutan.
Samantala, nagkaroon na rin ng kagustuhan ang punong nasa paanan ng
bundok at ito ay si “manggang pahutan” na malapit sa kanyang kinatutubuan.
Sa panahon ng paglilihi ni Pahutan ay palaging sumisilong sa lilim niya
ang isang magsasakang may dalang “piko” at ewan kung bakit gustong-gusto ng
puno na titigan ang piko.
Sumapit ang araw ng pamumulaklak at pamumunga parehong pinausukan at
inalagaan ni Tandang Isko ang magkahiwalay na puno. Ang lahat ng mga puno ay
pawang nagbunga.
Nang bumalik ang matanda upang anihin ang mga bunga ng puhutan, ito ay
lubhang nagulat. Ang dalawang puno na hiwalay sa karamihan ay magkaiba ng hugis
at laki ng kanilang mga bunga. Hindi maisip ni Tandang Isko kung bakit
nagkaganoon.
Muli, ang magandang dalaga ay nagbalik, at…
“Sapagkat ang malalaking mangga ay bunga ng pagkakaunawaan nina Kalabaw
at Pahutan kaya tatawagin itong ‘Manggang Kalabaw’. Bagama’t magkawangis sa
laki ang mga bunga nila ng kabilang puno ay may pagkakaiba pa rin sa hugis at
sa anilang sukat. Dahil ipinaglihi ito sa piko, kaya makikilala ito sa tawag na
‘Manggang Piko.'”
“Binibini, paano mo nasabi ang bagay na iyan?”
“Sapagkat ako ang diwata ng mga prutas,” ngumiti ang dilag at biglang
nawala.
Ang sinabi ng diwata ay paulit-ulit ding ikinukwwento ni Tandang Isko sa
mga namimili ng mangga. Datapuwa’t hindi na mahalaga iyon kahit pahutan,
manggang kalabaw o manggang piko basta ag mga ito ay pare-parehong mangga.
Aral:
·
Ang taong mapagbigay ay lalong pinagpapala.
Alamat ng Mangga
(Version 2)
Noong unang panahon ay may isang malupit ng hari. Kinatatakutan siya ng
kanyang mga nasasakupan. Siya ay si Haring Enrico. Sa isang banda ay gusto
naman ng mga tao ang ganoon. Nagkaroon kasi sila ng disiplina. Maraming
masasamang gawain ang maiiwasan dahil sa takot sa parusang iginawad ng hari.
Isang araw may nakatakas na mga bilanggo sa kulungan ng kaharian.
Nagpaimbistiga si Haring Enrico. Nalaman niya na nakatulog pala ang kawal na
bantay kaya madaling nakatakas ang mga bilanggo. Agad niyang ipinatawag ang
kawal. Tinanong niya ito kung bakit natutulog sa oras ng trabaho. Sinabi ng
kawal na puyat ito dahil sa pagbabantay sa anak na may sakit.
“Puyat ka pala, dapat nagpapalit ka para di tayo natakasan ng mga
bilanggo!” anang hari. Hindi nakasagot ang kawal. Alam nito na siya ang may
pagkakamali. Hinatulan ito ng hari na mabilanggo bilang parusa sa kapabayaan.
Napaiyak ang asawa at anak ng kawal dahil sa awa sa lalaki. Nakiusap
sila na pakawalan ang kawal ngunit hindi pumayag si Haring Enrico. Walang
nagawa ang mag-ina kundi ang umiyak. Nang malapit na ang kaarawan ng hari ay
nagpalabas siya ng isang patalastas sa mga nasasakupan. Ayon sa patalastas, ang
sinumang makapagdadala na wala pa ang hari o pagkaing hindi pa natitikman ay
makahihiling sa kanya at kanya namang ipagkakaloob.
Natuwa ang asawa ng bilanggo dahil sa balita. Kaso wala naman itong
maisip na maaaring ibigay sa hari. Naisip nitong yayain sa gubat ang anak para
maghanap ng kahit anong maibibigay sa hari. Inabot sila ng pagod at gutom.
Pauwi na sila ng isang diwata ang lumitaw sa kanilang harapan. May hawak na
dalawang malalaking bunga ng halaman ang diwata. Kulay berde iyon. Noon lang
nakakita ang mga ito ng ganoong bunga.
“Ito ang ibigay ninyo sa hari,” sabi ng diwata. “Itago muna ninyo ito sa
inyong bigasan at ilabas mismo sa kaarawan ng hari.”
“A-ano po ba ang bungang ito?” tanong nila.
“Mangga ang tawag diyan. Wala niyan dito sa lupa. Sa aming daigdig
lamang meron niyan at itinuring naming sagrado ang bungang iyan.”
“Maraming-maraming salamat po!” sabi ng mag-ina at nagpaalam na sa
diwata. Tuwang-tuwa nag-siuwi ang mga ito.
Sinunod ng asawa ng kawal ang bilin ng diwata. Nang sumapit ang kaarawan
ng hari ay kinuha nito ang dalawang bunga. Nanggilalas ito nang makitang naging
dilaw ang bunga at mabangong-mabango.
Maging ang hari ay nanggilalas nang makita ang dalawang hinog na bunga
na nasa amoy palamang ay mukha ng napakasarap. Agad niyang kinain ang isa at
lubha siyang nasarapan.
‘Anong pangalan ng bungang ito ?” tanong ng hari.
“Mangga po”, sabay na wika ng mag-ina.
“Mangga? Ngayon lamang ako nakakita ng bungang ganito. Saan galling
ito?”
“Bigay po sa amin ng isang diwata.”
“Dahil sa kakaiba at masarap na bungang dala mo, ipagkakaloob ko ang
anumang hilingin mo.” Sabi niya sa asawa ng kawal.
“Hinihiling ko po sa mahal na hari na makalaya ang aking asawa,” sabi ng
babae.
“Matutupad ang iyong kahilingan.”
Noon din ay nakalaya ang asawa ng babae. Sa labis ng katuwaan ng hari ay
binigyan pa ng kaunting halaga ang mag-asawa.
Matapos kainin ang mga bunga ay ipinatanim niya ang mga buto ng mga iyon
upang muli siyang makatikim ng pambihirang bunga.
Nang tumubo at mamunga nang marami ang mga puno ay natikman iyon ng
kanyang mga nasasakupan. Nagtanim din ng mga buto ang mga tao.
Mula noon ay nakilala na ang prutas na tinawag nilang Mangga.
Aral:
- · Magandang pag-uugali ang pagtupad sa pangako.
- · Hindi masama ang pagkakaroon ng mahigpit na pinuno kung ito naman ay makatutulong sa pag-unlad ng pamayanan at walang nasisikil na karapatan ng taumbayan.
Alamat ng Mangga
(Version 3)
Kaisa-isang anak nina Aling Maria at Mang Juan si Ben. Mabait at
matulungin si Ben. Nagmana siya sa kanyang mga magulang na mababait din naman.
Isang araw, isang matandang pulubi ang kinaawaan ni Ben. Inuwi niya ang pulubi
sa bahay, ipinagluto at pinakain. Isang araw naman, samantalangnangangahoy,
isang matandang gutom na gutom ang nasalubong niya. Pinakain din niya ito at
binigyanng damit.
Makaraan ang ilang panahon, nagkasakit si Ben. Sa kabila ng pagsisikap
ng mag-asawa na pagalinginang anak, lumubha ito at namatay pagkatapos. Ganoon
na lamang ang iyak ng mag-asawa.
Kinabukasan, habang nakaburol ang kanilang anak, dumating ang isang
diwata. Hiningi nito ang puso ni Ben. Ibinaon ng diwata ang puso sa isang
bundok. Ito ay naging punongkahoy na may bungang hugis-puso. Marami ang
nakikinabang ngayon sa bungang ito.
Aral:
- · Maging mabuti sa lahat ng pagkakataon at kung may nangangailan, kung may kakayahan namang tumulong, ay agad na tumulong.
Alamat ng Mangga
(Version 4)
Noong unang panahon, may mag-anak na nakatira sa isang bayan sa
Zambales. Masisipag ang mag-asawa ngunit ang kanilang tatlong anak na binata ay
napakatamad.
Pinababayaan nila ang kanilang matatandang magulang na magsaka upang
sila’y may makain. Pinagsabihan ng mag-asawa ang magkakapatid na tumulong naman
sana ngunit hindi sila sumusunod. Minsan naman ay pinag-aawayan pa nila kung
sino ang dapat tumulong sa bukid.
“Ano kaya ang mangyayari sa ating mga anak kapag tayo ay nawala na?”
Nag-aalalang tanong ni Mang Pangga kay Aling Manggita.
“Kailangan matuto ang ating mga anak,” sagot naman ng matandang babae.
Isang araw ay kinausap ng mag-asawa ang tatlong anak.
“Mga anak, ang mayamang lupain natin ay may taglay na ginto. Subalit
makukuha nyo lang ang ginto kung inyong paghihirapan,” sabi ni Mang Pangga.
“Kailangan matuto kayong magtrabaho, mga anak. Matatanda na kami at ayaw
naming magutom kayo kapag kami’y wala na,” dugtong ni Aling Manggita.
Ngunit hindi nagbago ang mga anak nila. Isang araw ay nagulat ang tatlo
nang magising silang walang pagkain sa kusina.
“Inay, Itay, bakit walang almusal?” sigaw nila ngaunit walang sumagot sa
kanila.
Naghanap sila nang naghanap ngunit hindi na nila nakita ang magulang.
Gutom at pagod na sila kaya’t napilitan silang maghanap ng makakain. Hindi sila
sanay magtrabaho kaya’t labis na nahirapan ang tatlo. Noon nila naalala ang
sinabi ng magulang.
“Sabi ni Itay, may ginto sa ating bakuran, subalit saan kaya natin ito
mahahanap?” tanong ng panganay na si Biboy.
Halos araw-araw ay nilibot ng magkakapatid ang bakuran. Hinahanap nila
ang gintong sinasabi ng ama. Hanggang isang araw, may nakita silang dalawang
kakaibang halamang tumubo sa kanilang bakuran. Noon lang sila nakakita ng
ganoong uri ng halaman.
Inalagaan ng magkakapatid ang dalawang halaman. Nararamdaman nilang may
kinalaman ang mga halamang ito sa nawawala nilang magulang. Naging masisipag na
rin ang magkakapatid at natutong magtanim. Kung hindi nga naman sila kikilos ay
hindi sila kakain.
Isang araw ay napansin ng magkakapatid na namumunga na ang dalawang
punong kanilang inalagaan. Isang umaga’y napansin nilang ang mga berdeng bunga
ay nagkulay-ginto. Pumitas ng isa si Biboy at tinikman ito.
“Wow! Ito na yata ang pinakamasarap na prutas na natikman ko,” halos
pasigaw na sabi niya nang matikman ang prutas.
“Ito ang gintong sinasabi nina Itay at Inay! Makatutulong sa atin ang
mga punong ito ngunit kailangan munang mamunga at paghirapan bago maani ang
matatamis, mababango, kulay ginto, at hugis-pusong bung.,”
“Mahal na mahal talaga tayo nina Inay at Itay. Kahit wala na sila ay
nag-iwan sila ng alaala ng malilinis at mabubuting puso nila. Kaya siguro
matatamis ang mga prutas na ito.” dugtong pa niya
Nakilala ng lahat ang masarap na prutas na tinawag nilang mangga mula sa
pinagsamang pangalan nina Aling Manggita at Mang Pangga, ang mabubuting
mag-asawang nagsakripisyo para sa mga anak at para sa lahat ng taong hanggang
ngayon ay patuloy na nakakain ng masarap na bunga ng mangga.
Aral:
- Palaging magsipag upang ang buhay ay umunlad. Huwag maging tamad at ugaliin ang pagbabanat ng buto. Turuan ang mga anak ng mabuting asal upang madala nila ito hanggang sa kanilang paglaki.
Post a Comment