Alamat ng Makahiya
Ang mag-asawang Mang Dondong at Aling Iska ay
mayaman at may kaisa-isang anak. Mahal na mahal nila ang labindalawang taong
gulang na si Maria. Napakabait at masunuring bata si Maria. Sa kabila ng
magandang katangiang ito ni Maria, ang pagkamahiyain ay kaakibat ng kanyang
katauhan. Ayaw niyang makipag-usap sa ibang tao kung kaya’t nagkukulong lamang
siya sa kanyang silid para lamang makaiwas sa mga ito.
Si Maria ay may taniman ng
mga magagandang bulaklak. Ang kaniyang mga bulaklak ay sadyang napakagaganda
kung kaya’t ang mga ito ay kilalang-kilala sa kanilang bayan.
Isang araw, ang kanilang
bayan ay pinasok ng mga bandido. Pinapatay nila ang bawat masalubong at
kinukuha ang anumang mahahalagang bagay. Sa takot na mapahamak si Maria,
itinago siya ni Mang Dondong at Aling Iska sa bunton ng mga halaman. Si Aling
Iska ay nagtago sa loob ng kabahayan, samantalang si Mang Dondong ay
nakahandang salubungin ang pagdating nga mga bandido.
“Diyos ko! Iligtas mo po ang
aking anak.” Dasal ni Aling Iska.
Nang
walang anu-ano’y bumukas ang pintuan ng kanilang bahay. Si Mang Dondong ay
walang nagawa nang pukpukin siya sa ulo ng mga bandido. Nagtangkang tumakas si
Aling Iska ngunit tulad ni Mang Dondong, siya rin ay nahagip at nawalan ng
malay-tao. Naghalughog ang mga bandido sa buong kabahayan. Matapos samsamin ang
mga kayamanan ng mag-asawa ay hinanap nila si Maria ngunit sila ay bigong
umalis. Hindi nila natagpuan si Maria.
Nang matauhan ang mag-asawa,
ang kanilang anak na si Maria ang agad nilang hinanap. Patakbo nilang tinungo
ang halamanan. Laking lungkot ni Aling Iska ng hindi matagpuan ang anak. Nang
walang anu-ano’y may sumundot sa paa ni Mang Dondong. Laking pagtataka niya
nang makita ang isang uri ng halaman na mabilis na tumitikom ang mga dahon.
“Anong uri ng halaman ito?
Ngayon lang ako nakakita nito!” Ang may pagkamanghang sabi ni Mang Dondong.
Tinitigang mabuti ng
mag-asawa ang halaman, at doon nila napagtanto na ang halamang iyon ay
dili-iba’t si Maria. Ginawa siyang halaman ng Diyos upang mailigtas sa mga
bandido.
Hindi mapatid ang pagluha ni
Aling Iska at laking pagkagulat na muli ni Mang Dondong na bawat patak ng luha
ni Aling Iska, ito ay nagiging isang maliit at bilog na kulay rosas na
bulaklak.
Magmula noon, ang halamang
iyon ay inalagaang mabuti ng mag-asawa sa paniniwalang ito ang kanilang anak.
Tinawag nila itong Makahiya, tulad ng isang katangian ni Maria.
Post a Comment