Alamat ng Bayabas
Bago pa dumating ang mga mananakop na Kastila sa Pilipinas ay
may isang sultan na ubod ng lupit at hindi kumikilala ng katarungan. Siya si
Sultan Barabas. Lubha siyang kinatatakutan ng mag nasasakupan dahil sa kanyang
kalupitan.
Ang salita ni Sultan Barabas ay batas. Wala siyang iginagalang sa
kanyang pagpaparusa. Matanda at bata, lalaki at babae ay pinarurusahan niya.
Mabigat ang parusang ipinapataw niya sa mga nakagagawa ng kahit maliit na
kasalanan.
Mabibigat na parusa agad ang kanyang iginagawad. Iyon ay upang magkaroon
daw ng kadalaan at hindi na umulit pa ang mga taong nagkasala.
Araw-araw ay nabibihisan siya ng magagara at mamahaling damit. Tuwina ay
nakalagay sa kanyang ulo ang gintong koronang ipinasadya pa niya sa malayong bayan.
Ang koronang iyon ay isinusuot niya saan man magpunta. Iyon ay pagpapakita ng
kanyang kapangyarihan at pagiging mataas sa lahat.
Saganang-sagana din siya sa masasarap na pagkain. Gayunman ay ubod naman
siya ng damot. Walang pulubi ang nakahihingi sa kanya ng tulong o kahit konting
pagkain. Hindi katakataka na ang kanyang malawak na hardin na may tanim ng
iba’t-ibang punong namumunga ay hindi niya hinahayaang mapasok ninuman.
Siya lamang at ang mag aliping tagapitas ng mga bungangkahoy ang
nakakapasok doon. Mas mabuti pa sa kanya ang mabulok ang mga bunga ng puno
kaysa ipakain sa iba.
Isang araw ay may isang mangingisda ang ipinadakip ng sultan sa kanyang
mga tauhan. Ang dahilan ay masyado itong ginabi sa pangingisda. Walang awa
niyang ipinakulong ang pobreng mangingisda. Iniutos pa niyang pahirapan ito
upang magtanda.
Nakarating sa asawa ng mangingisda ang nangyari. Agad nagtungo ang babae
sa kaharian ng sultan kahit malalim na ang gabi. Ang asawang ito ng mangingisda
ay mahusay gumawa ng isdang daing. Ito ang nagdadaing ng mga isdang nahuhuli ng
asawa.
Walang takot na nagtuloy sa palasyo ang magdadaing. Kinatok nito ang
natutulog na sultan. Dahil naabala sa tulog ay galit na galit na bumangon ang
sultan. Nang malaman nito kung sino ang umabala sa pagtulog at kung ano ang
sadya nito ay lalo siyang nagalit.
Sa halip na maawa sa babae ay ipinakulong niya ito. Naisip niyang
makakain na ang masarap na daing dahil pahuhulihin niya ng isda ang asawa nito
at ipadadaing naman niya sa babae.
Masaya na rin sana ang mag- asawa kahit pareho silang nakakulong.
Magkasama naman silang dalawa. Kaya lang ay nag-aalala sila para sa anak na
binatilyo na naiwang mag-isa sa bahay nila. Alam nilang walang mag-aasikaso sa
mga pangangailangan nito kung wala silang dalawa.
Ang hindi nila alam ay inaalagaan ng mga diwata sa gubat ang kanilang
anak. Ang mga ito ang nagbibigay ng pagkain sa binatilyo sa araw-araw.
Isang araw, naisipan ng binatilyo na puntahan si Sultan Barabas. Ibig
niyang hilingin dito na palayain na ang ina at ama. Sinamahan siya ng mga
diwata sa pagtungo sa palasyo.
Nang magkaharap ang dalawa ay tahasang nagsalita ang
binatilyo. Sinabi nito na dapat siyang bigyan ng sultan ng pagkain dahil ang
kinakain nito ay ang isdang pinaghirapang hulihin ng kanyang ama at idinaing ng
kanyang ina.
Hindi pumayag si Sultan Barabas. Sa halip ay nagtawa lang ito. Sa galit
ng binatilyo ay bigla nitong inagaw ang suot na korona ng sultan at saka
nagtatakbo. Humabol sa lalaki ang sultan. Nakarating sila sa malawak nitong
hardin. Hindi maabutan ng sultan ang binatilyo dahil higit itong mabilis
tumakbo.
Napagod ng husto ang sultan. Humihingal itong huminto sa tapat ng isang
malaking puno. Habol nito ang paghinga at dakot ang dibdib na naninikip.
Sa sumunod na saglit ay bigla na lamang itong natumba. Noon din ay agad
itong binawian ng buhay.
Sa hardin ding iyon ito ipinalibing.
Nagkaroon ng bagong sultan. Ito ay higit na mabait at makatarungan kaysa
kay Sultan Barabas. Binuksan nito sa lahat ang malawak na hardin upang makakain
ng bungangkahoy ang sinumang may nais.
Isang bagong halaman ang napansin ng mga tao na tumubo sa pinaglibingan
kay Sultan Barabas. Hinayaan ng mga tao na lumaki at mamunga ang nasabing puno.
Nang tikman nila ang bubot pang bunga ay napangiwi silang lahat.
“Ang pait!” sabi ng isa. “Simpait ng ugali ni Sultan Barabas!”
Nang magsilaki na ang mga bunga at muli nilang tikman ay nasabi ng ilan:
“Ang asim. Sing- asimng mukha ni Sultan Barabas!”
“Kung gayon ay si Barabas ang punong iyan!” sabi ng marami.
Nang mahinog ang mga bunga ay nasarapan ang lahat dahil matatamis ang
mga iyon. Mula noon ay nakagiliwan ang bunga ng puno at nang lumaon ay tinawag
na Bayabas.
Aral
- · Maging magiliw kanino man.
- · Iwasan ang pagiging makasarili.
- · Huwag maging sakim at madamot sa kapwa.
Post a Comment