Nagugunita ko ang nagdaang araw
ng kamusmusang kong kay sayang pumanaw
sa gilid ng isang baybaying luntian
ng rumaragasang agos ng dagatan;
Kung alalahanin ang damping marahan
halik sa noo ko ng hanging magaslaw
ito'y naglalagos sa ‘king katauhan
lalong sumisigla’t nagbabagong buhay
Kung aking masdan ang liryong busilak
animo'y nagduruyan sa hanging marahas
habang sa buhangin dito'y nakalatag
ang lubhang maalon, mapusok na dagat
Kung aking samyuin sa mga bulaklak
kabanguhan nito ay ikinakalat
ang bukang liwayway na nanganganinag
masayang bumabati, may ngiti sa lahat.
Naalaala kong may kasamang lumbay
ang kamusmusan ko nang nagdaang araw
Kasama-sama ko'y inang mapagmahal
siyang nagpapaganda sa aba kong buhay.
Naalaala kong lubhang mapanglaw
bayan kong Kalambang aking sinilangan
sa dalampasigan ng dagat-dagatan
sadlakan ng aking saya't kaaliwan
Di miminsang tumikim ng galak
sa tabing-ilog mong lubhang mapanatag
Mababakas pa rin yaong mga yapak
na nag-uunahan sa 'yong mga gubat
sa iyong kapilya'y sa ganda ay salat
ang mga dasal ko'y laging nag-aalab
habang ako nama'y maligayang ganap
bisa ng hanging mo ay walang katulad.
Ang kagubatan mong kahanga-hanga
Nababanaag ko'y Kamay ng Lumikha
sa iyong himlayan ay wala nang luha
wala nang daranas ni munting balisa
ang bughaw mong langit na tinitingala
dala ang pag-ibig sa puso at diwa
buong kalikasa'y titik na mistula
aking nasisinag pangarap kong tuwa.
Ang kamusmusan ko sa bayan kong giliw
dito'y masagana ang saya ko't aliw
ng naggagandahang tugtog at awitin
siyang nagtataboy ng luha't hilahil
Hayo na, bumalik ka't muli mong dalawin
ang katauhan ko'y dagling pagsamahin
tulad ng pagbalik ng ibon sa hardin
sa pananagana ng bukong nagbitin.
Paalam sa iyo, ako'y magpupuyat
ako'y magbabantay, walang paghuhumpay
ang kabutihan mo na sa aking pangarap
Nawa'y daluyan ka ng biyaya't lingap
ng dakilang Diwa ng maamong palad;
tanging ikaw lamang panatang maalab
pagdarasal kita sa lahat ng oras
na ikaw ay laging manatiling tapat.
Post a Comment